Mama’s Boy ang Nobyo Ko

Dahan-dahang pinihit ni Ruben ang seradura ng kanilang pinto. Sinulyapan niya ang orasan, alas tres. Tamang-tama dahil siyesta time ng kanyang ina at makakatakas siya.

Sa edad niyang 23 ay tampulan siya ng pangungutya ng mga taga-baryo dahil ni hindi niya magawang magtrabaho. Ayaw ng mama niya, marami raw tukso. Hindi pa raw ito handa na mag-asawa siya. Kaya pagkatapos niyang mag aral ay pinatulong na lamang siya nito sa maliit nilang grocery.

Siya na ang nagbabantay dahil ang ginang ay nakaratay na lamang sa loob ng bahay. Hindi man ito makatayo, grabe pa rin ang takot niya rito dahil todo ito kung magbunganga. Nakaririndi.

Pero ang puso, kapag tumibok ay di mapipigilan. Umibig siya sa dalagang si Evelyn. Nobya niya na ang babae at hindi naman iyon lingid sa kaalaman ng kanyang ina. Kaya lang, bawal silang magkita nang hindi nito alam. Kapag naman nagde-date sila ay kasama ito at nakamasid sa di kalayuan. Di siya maaaring magkamali. Alam niyang mama niya ang nakikita niya sa isang gilid palagi.

Oo, siya ang perpektong halimbawa ng isang Mama’s boy.

“Hi,” nakangiting bati sa kanya ng dalaga. Napag-usapan nilang magkita sa isang simbahan malapit sa bahay nila.

“Kumusta ka? Na-miss kita, pasensya kana kung ngayon lang ako. Nahirapan akong tumakas kay Mama eh,” paliwanag niya.

Napairap naman ang dalaga. Nabu-bwisit siya kapag nababanggit ang ina nito. Masyado kasing pakialamera. Nasa tamang edad na ang binata pero di pa rin magawang pakawalan. Sa totoo lang, di niya pa nakikita sa personal ang ginang.

Advertisement

Ayon sa mga kapitbahay ay matagal nang di ito lumalabas na ayos lang naman raw dahil wala naman itong ibang kasundo. Literal na masama ang ugali ng babae.

“Okay naman, ikaw ba? Kumusta ang tindahan ninyo?”

Sa halip na sagutin siya ay nadagdagan ang inis ni Evelyn dahil tila nagmamadali ang nobyo. “Hoy!”

“H-ha?” wala sa ulirat na wika nito.

“Sabi ko, kumusta ang tindahan ninyo? Alam mo ikaw, pupunta-punta ka pa rito. Wala naman sa akin ang utak mo… lumilipad. Ano ba kasi yun? Bakit sulyap ka nang sulyap sa paligid?”

“Para kasing nakita ko si Mama.”

“Diyos ko naman Ruben, pati ba naman dito? Ano ka ba naman? Ngayon nalang tayo makakapag-usap. Dinaig pa natin ang teenager sa ganitong tagu-taguan natin. Ang matindi pa, ikaw lalaki pero ikaw ang bawal!” pagtatampo niya.

Inakbayan siya ng nobyo, “Pasensya kana. Ganito, mag usap nalang tayo ulit bukas okay? Kasi malapit nang mag 4:30 eh. Magigising na si Mama. Sige na ha? Ingat ka,” sabi nito bago nagmamadaling umalis.

Advertisement

Wow. Wow lang talaga.

Napabuntong hininga nalang si Evelyn. Ni hindi niya mai-text ang nobyo para sumbatan ito dahil wala itong cellphone! Ilang araw siyang hindi nagkunwaring bibili sa grocery para masulyapan ito. Bahala itong ma-miss siya. Pagod na siyang magmistulang sikreto na palaging itinatago.

Hanggang isang hapon, nagulat na lamang siya nang dumalaw sa kanila si Ruben sa kauna-unahang pagkakataon.

“W-Wow. Ano ang ginagawa mo rito? Buti pinayagan ka?”

“Oo. Sinabi ko na kay Mama na tanggapin ka kasi mahal na mahal kita. Ano, binubungangaan niya nga ako eh. Pero hayaan mo na,” wika nito.

Napangiti si Evelyn. Naging katatawanan na rin kasi siya ng mga kapitbahay, sinasabi na wala pala siyang binatbat. Na mas matimbang talaga sa mama’s boy ang nanay nito.

Nagpatuloy sa pagsasalita si Ruben, “Ang totoo niyan Evelyn. Gusto nga sana kitang sunduin ngayon para dalhin sa bahay namin. Gagawin ko nang opisyal sa harap ni mama ang relasyon natin.” masuyong sabi nito.

Nanlaki ang mata ng dalaga, “Talaga?”

Advertisement

Nakangiting tumango si Ruben kaya dali-dali siyang nagbihis. Nang marating nila ang loob ng malaking bahay ay medyo nagulat ang dalaga dahil maraming agiw roon.

“Pasensya kana, wala na kasi kaming kasambahay.” sabi ng binata. “Lika na, ipapakilala na kita kay Mama.”

Bago ito umakyat ay pinigilan niya ang kamay, “Babe. Gusto ko lang mag-thank you kasi pinanindigan mo ako. Alam ko na darating ang time na-” hindi niya na naituloy ang sasabihin. Natigilan siya dahil bigla na lamang sinabunutan ng nobyo ang sarili.

“Tama na, oo na! Aakyat na kami! Oo na ito na tumahimik kana! Oo na! Yes Ma, yes Mama… yes Ma.” paulit ulit na sabi nito sa kawalan.

“R-Ruben?” gulat na sabi ni Evelyn.

Kinaladkad siya ng lalaki paakyat. Pinagpag nito ang agiw na sumalubong sa kanila at binuksan ang isang kwarto. Halos masuka ang babae sa nasaksihan sa loob.

Nakahiga sa kama ang buto nang ina ni Ruben, tanda na matagal na itong walang buhay. Inu-uod ang mata nito bagamat naroon pa rin naman ang buhok.

“Masaya kana? Naipakilala na kita kay Mama! At ikaw, ikaw Mama tumahimik kana! Matagal na kitang sinakal, niririndi mo pa rin ang utak ko! Tumahimik kana!” sigaw nito at inuntog ang ulo sa pader.

Advertisement

Kahit nasisindak ay kumaripas ng takbo si Evelyn. Hinabol siya ni Ruben pero dahil mahal siya ng Diyos ay nakalabas siya sa gate at nakahingi ng tulong sa mga kapitbahay.

Natuklasan nilang may diperensya sa utak ang lalaki. Sanhi na rin ng pagkulong rito ng ina sa loob ng bahay, narindi ito at sinakal ang ginang. Pero dahil nakokonsensya ay tila nasa isip niyang buhay pa rin ang matanda, naririnig pa rin niya ito at nakikita.

Nasaktan man at nasisindak ay malaki ang pasasalamat ni Evelyn sa Diyos. Hanggang maaga kasi ay ipinakita na Nito sa kanya ang tunay na kulay ng lalaking pinili niyang mahalin.