Nagkagusto ang Dalagita sa Lalaking Gabi Lang kung Magpakita, May Kakaibang Sikreto Pala Ito
Ulilang lubos na si Natasha, nag iisa lamang siyang anak kaya naman nang pumanaw ang kanyang mga magulang ay gumuho ang kanyang mundo. Kaga-graduate niya lamang sa high school at parang malabo na ang chance na makapasok siya sa kolehiyo. Maraming iniwang yaman ang kanyang mga magulang pero nang mabalitaan ng kapatid ng papa niya, si Tiya Criselda na nawala na ang kanyang mga magulang ay doon na ito tumira kasama niya.
Pinaalis nito ang yaya niya at ibang mga katulong at ito ang naghari-harian sa bahay nila. Siya na mismo ang ginawa nitong kasambahay.
“Wala na bang ibabagal pa yang paghuhugas mo ng pinggan Natasha? Aba tambak pa ang plantsahin ha?” mataray na sabi ng kanyang pinsan, ang anak ng tita Criselda niya na si Chichi.
Noon pa man ay inis na si Chichi kay Natasha pero di lang sya makaporma dahil kailangan niyang sumipsip sa mayamang magulang nito. Ngayon ay malaya na siyang gawin ano man ang gusto nya sa pinsan.
“Sorry Chi, mahina kasi ang tulo ng tubig.” mahinang sabi ni Natasha, inirapan lang siya ng babae at lumabas na sa kusina.
Pagkatapos niya sa mga pinggan ay sinimulan niya na ang plantsahin, pero dahil hindi naman sya sanay sa gawain ay di nya napansin na napihit nya pala ang pinakamainit, kaya naman nasunog ang damit ng Tiya Criselda nya.
“Bakit amoy sunog? Natasha! Nagsasaing ka ba-” hindi na naituloy ng tiya nya ang pagsasalita nang makita nito ang damit nitong umuusok, halos dumikit na iyon sa kabayo ng plantsa.
“Gag* ka! Binili ko pa sa Uni Qlo yan, t*ng ina mo talagang boba ka!”gigil na gigil na sabi nito, sinabunutan nito si Natasha. Wala namang tigil sa paghingi ng sorry ang dalaga.
“Ano’ng akala mo senyorita ka pa rin? Gaga! Wala na ang magulang mo, wala ka nang maipagmamalaki sa amin!”
Iyak siya nang iyak kaya lalong nairita ang babae, iniuntog pa nito ang ulo niya sa pader. Hilung hilo si Natasha nang tumigil na ang kanyang tiya, nagmumura ang matanda habang kinakaladkad siya nito palabas ng gate.
“Tita wag po wala po akong mapupuntahan parang awa nyo na..” paulit ulit na sabi nya.
“Dito ka bagay eh. Pasalamat ka nga sa labas ka nalang, gusto mo sa doghouse kita isaksak?”
Ibinalandra sya nito sa tapat ng gate ng malaking bahay at ni-lock na iyon. Naiwan siyang umiiyak at nahihilo, nanlalabo rin ang paningin nya.
Di nya alam kung dahil ba iyon sa gutom, o sa pang uuntog ng tita nya. Napapikit na siya nang di nya namamalayan.
“Miss?” sabi ng isang boses. Nang dumilat si Natasha ay malabo pa ang imahe ng isang binatilyong naka-jacket, nang magtagal ay luminaw rin ito sa paningin nya.
“Heaven..nasa heaven ako..” di namamalayang bulong nya.
Napangiti naman ang binatilyo, “Nananaginip ka yata miss, buhay ka pa.” sabi nito. Nagulat pa si Natasha nang may idampi ito sa noo niya, malamig iyon at mahapdi.
“A-aray ko.”
“Relax ka lang, alcohol lang ito.” sabi ng binatilyo.
“Anong oras na ba?” tanong niya rito, nangalay pa sya dahil sa matagal na pagsandal sa malamig na bakal na gate at sa matigas na semento.
“Alas singko na. Malapit nang sumikat ang araw.. naglalakad ako kanina nang mapansin kita. Akala ko nga ay patay ka na eh, bumalik muna ako sa amin para kumuha ng medicine kit. Ako nga pala si Chris.”
“salamat..” mahinang sabi ng dalagita, muli syang nakaramdam ng pagkahilo, nagising na lamang siya dahil sa sipa ng kanyang tiya.
“Andyan ka pa rin?! Gagang to, tumayo ka na hinihintay ka na ng mga hugasin,” sabi nito.
Tumayo na si Natasha, di niya alam kung panaginip lang ang lahat. Pero kung totoo man, salamat sa kanyang anghel dela guwardya.
Nasundan na nang nasundan ang pananakit ni Tiya Criselda sa dalagita, nariyang muntik na siyang ingudngod nito sa kalan, buhusan sya ng tubig sa harap ng bisita at maghati sila ng aso sa pagkain.
Buti na lang ay nariyan si Chris, palagi niyang nakakausap ito tuwing sa labas siya patutulugin ng kanyang tiya. May dalang kumot ang binatilyo, pagkain at gamot minsan kapag may sugat sya. Kapag naman gigising na siya sa umaga ay wala na ito sa kanyang tabi.
Buti nga ay naiiwan nito ang mga gamit sa kanya, dahil kung hindi ay iisipin niya nang nababaliw siya at iniimagine lang ang lalaki dahil tuwing umaga naman ay di niya ito nakikita sa subdivision. Imposibleng tagalabas, mayayaman ang nakatira rito at mahigpit ang seguridad.
Di nagtagal, ang kanilang pagkakaibigan ni Chris ay mas lumalim, minahal niya ang lalaki at alam niyang ganoon rin ang nararamdaman nito. Hindi lamang alam ni Natasha kung ano ang humaharang rito upang magtapat sa kanya. Dahil ba kasambahay na lamang siya ng kanyang tiya?
“Bata pa tayo Natasha, masaya ka naman na kasama ako sa gabi diba? Ako rin, masaya.” sabi nito.
“Mahal kita eh, hindi ko naman sinasabing itanan mo ako. Ang sa akin lang, gusto kong malaman din ang nararamdaman mo. Bukod dun, magkwento ka naman. Ako ang kwento nang kwento tungkol sa buhay mo. Ikaw, wala akong alam sayo bukod sa Chris ang first name mo at ikaw ang tagasagip ko pag pinatutulog ako rito sa gabi.” sabi nya.
Saglit itong nag isip tapos ay bumuntong hininga, “Sorry Natasha..”
Tumalikod ang dalagita dahil sa inis sa kausap, hindi niya namalayang nakatulog na siya nang nakaupo. Paggising niya ay wala na si Chris at maliwanag na.
Mabilis lumipas ang taon, nang magkalakas loob ang dalagita ay umalis na siya sa bahay nila at nakipagsapalaran. Dahil matalino siya ay nakuha siya bilang isang iskolar. Nakapag aral si Natasha at naka-graduate, ngayon ay isa na siyang ganap na doktor. Hindi nawala sa isipan nya si Chris, kumusta na kaya ang lalaki?
Sinubukan nyang bumalik sa bahay nila at natuklasan niyang pumanaw na ang kanyang tiya Criselda, nagulat pa sya nang makita sa gilid ng gate ang ilang naipong bulaklak at mga sulat. Lahat iyon ay para sa kanya, galing kay Chris. Nakaramdam ng pamilyar na tibok ng puso si Natasha, kahit kailan naman ay di nawala sa isip nya ang kanyang first love. Baka nga kaya di pa sya makapag asawa ay dahil dito.
Nag ikot pa sya sa kanilang bahay at kumuha ng mga lumang gamit. Inabot na sya ng dilim, bago siya sumakay sa kotse ay isang baritonong boses ang nagpatigil sa kanya.
“Bumalik ka na pala..” malambing na sabi nito.
Pagharap nya ay hindi nga siya nagkakamali, parang bumagal ang paligid. Naka-jacket pa rin ito pero mas gumwapo. Parang bagong ahit ang bigote, mas lumaki ang muscles.
Malungkot ang mata nito kahit pa nakangiti ito sa kanya.
Diyos ko po.
“Hi,” tanging nasabi niya, pumiyok pa sya! Sana ay wag na nitong maalala ang desperada moment nya noon nung pinilit niya itong mahalin rin sya.
“Hinihintay kita Natasha, alam kong babalik ka rin. Gusto kitang sundan pero wala akong kakayahan..” malungkot na sabi nito.
Napabuntong hininga naman si Natasha.”Diyos ko Chris, ayan ka na ..,naman. Sweet-sweetan ka na naman, it’s been what.. 7..8 years? Matatanda na tayo, tapatan na. Ayoko nang masaktan ulit, akala mo hindi ko dinamdam yun noon? Ang sakit non sakin. Pero iyon din ang nagpalakas ng loob ko para umalis na sa tiya ko. Inisip ko kasing baka nababaliw na ako kakauntog nya sa akin kaya naiimagine kita. Ni hindi kita kilala Chris, tuwing gabi lang. Pero tumibok pa rin ang puso ko..kaya lang ikaw, parang laging may harang. Para kang may tinatago.” tuloy tuloy na sabi niya. Nagulat nalang sya nang bigla syang halikan ng lalaki.
“Ano ba?” naguguluhang sabi niya dahil maging ito ay nagulat sa ginawa.
“May sakit ako Natasha, natatakot akong ipagtapat sayo noon. Hindi ako normal. Hindi kita maide-date sa mall, hindi kita masasamahan kahit saan mo gusto. Ni hindi kita masundan nang lumayo ka..”
Gulong gulo na si Natasha at di sya makapagsalita, nagpatuloy naman sa pagpapaliwanag ang lalaki.
“Doctor kana.. may xenoderma pigmentosum ako. Bawal ako sa sinag ng araw, kaunting liwanag lang kahit sa ilaw ay mabubulag ako, masusunog ang balat ko at magfe-fail ang mga organs ko sa katawan. Kaunting liwanag ay mamamatay ako. Kaya lagi akong naka-jacket, kaya sa gabi ang buhay ko. Kung hindi mo ako matatanggap ay maiintindihan ko.. gusto ko lang sabihin na noon pa man ay mahal na rin kita, gustong gusto kong umamin pero Diyos ko.. anong buhay naman ang ibibigay ko sayo-”
Hindi na nakapagsalita si Chris dahil muli na syang hinalikan ni Natasha.
Tanggap pala ng babae anuman ang sitwasyon ng lalaki, kung hindi siya nito masasamahan, ito ang sasamahan nya. Ganoon nya kamahal si Chris.
Ilang buwan silang naging magnobyo bago nag-propose si Chris kay Natasha, sa ilalim ng buwan.
Gabi rin sila ikinasal, marami ang nawe-weirdohan pero nakangiti lang ang bagong mag asawa.
“Kahit saan naman eh, kahit kailan, basta kasama kita.”