Inday TrendingInday Trending
Akala ng Unanong Dalaga na Minahal Lamang Siya ng Lalaki Dahil Bulag Ito, Nasurpresa Siya nang Malamang Alam Nito ang Kanyang Kaanyuan

Akala ng Unanong Dalaga na Minahal Lamang Siya ng Lalaki Dahil Bulag Ito, Nasurpresa Siya nang Malamang Alam Nito ang Kanyang Kaanyuan

Hirap na hirap na isinuot ni Amy ang kanyang uniporme, kapag na-late siya sa shift nya sa ospital ay malamang sira na ang record nya. Ilang araw na kasi syang late, kahit pa anong aga ng gising nya ay struggle na talaga sa mga katulad nya ang mabuhay araw araw.

Unano sya.

Hirap na hirap syang sumakay sa jeep, bukod kasi sa unahan doon at siksikan- ano nga ba naman ang laban niya sa mga normal na taong grabe kung mangbalya, hindi rin priority ang mga disabled na taong tulad nya. Lalo pa kung ang lahat ay male-late na sa trabaho.

Hindi na lingid sa kanyang kaalaman na pinagtitinginan sya ng mga nakasakay, hindi na bago iyon. Nang makarating sya sa tapat ng ospital, malayo pa lang ay tinulungan na sya ng matandang guard na magbuhat ng gamit.

“Naku hirap na hirap naman si Little Miss Philippines, dapat kasi ay magboyfriend kana para may tutulong na sayo,” sabi nito sa kanya.

“Nako Manong Fidel, sinong bulag naman kaya ang papatol sa akin?”

“Bakit? Komo ba unano ka’y wala nang magmamahal sa iyo? Hindi mo pa talaga naiintindihan ang pag ibig, Amy. Tsaka, maganda ka naman ah,” nakangiti pa ito.

Totoo iyon, sa kabila ng kanyang kalagayan ay maganda ang mukha nya, makinis rin sya at matalino pa. Ang saya nya nga na kahit na ganito sya ay tinanggap syang magtrabaho sa ospital, iyon nga lang ay limitado ang mga nagagawa nya. Malimit ay nasa nurse’s station sya naka-assign.

Pagkarating niya roon ay agad siyang sinalubong ng kanyang kasama, si Bridget.

“Amy, may favor akong hihingin sana sa iyo. Medyo kinulang kasi tayo sa mga naka-shift, eh diba sabi ko sayo magbabakasyon kami ng boyfriend ko sa Boracay ng 2 weeks?” panimula nito.

“Tapos?” naku, mukhang alam nya na ang kasunod noon.

“Baka ma-cancel ang pagpayag ng ospital pag wala akong kapalit. May pasyente kasi na na-assign sa akin, mayaman eh kaya kumukuha ng private nurse. Pwede bang ikaw na? Sinabi ko na top notcher ka at ikaw ang pinakamatalino, sige na please? Naka-book na kami ng ticket ng boyfriend ko eh,” sabi nito.

“Oo na,” nakangiting sabi niya. Ano pa nga ba ang magagawa niya eh naka-book na ito ng ticket.

Agad niyang sinilip ang sinasabi nitong pasyente, medyo nagulat pa sya nang makitang bata pa ang lalaking nakapikit. Ang ine-expect niya kasi ay isang matandang baldado, na kailangan ng assistance sa lahat ng gagawin.

“Matalino ka raw?”

Napapitlag siya nang magsalita ito, pero nanatiling nakapikit.

“H-hindi naman ho, tama lang.”

“Gusto ko lang naman ng kausap, hindi mo ako kailangang alagaan. Kaya ko namang kumilos na mag isa, ayokong malungkot.” sabi nito at dumilat na. Inexpect na ni Amy na magugulat ito sa kanya pero kahit pa lumingon ito ay walang reaction ang lalaki, hindi rin ito kumukurap.

“Oo, bulag ako.” nakangiting sabi nito na tila nabasa ang isip niya. Ewan ni Amy, para bang nakahinga sya ng maluwag. For the first time kasi ay bigla syang na-conscious sa itsura nya at sa iisipin ng kaharap nya.

Ang gwapo kasi nito!

Mula noon ay palagi na silang nagkukwentuhan, Artem ang pangalan nito. Natuklasan nilang pareho pala silang mahilig sa libro, architect rin ito at magaling gumuhit.

“Ang lungkot nga eh, may mga bagay na di ko na nagagawa. O baka di ko na magagawa dahil obviousy, bulag ako.” tumatawa pa ito habang sinasabi iyon pero halata namang nalulungkot sa sitwasyon.

“May mga bagay na natatakot kang subukan, kasi nga nakatatak na sa isip mo na disabled ka. Pero bigyan mo ng chance ang sarili mo.” sabi niya rito.

Napangiti naman ang lalaki pagkarinig noon.

Halos isang buwan na rin silang magkausap nang magkasakit si Amy, ayaw niya man ay kailangan niyang umabsent. Baka rin kasi makahawa pa siya ng ibang pasyente. Isang linggo siyang tinrangkaso at nanatili lamang siya sa bahay, nang umigi na ang kanyang pakiramdam ay pumasok na siya sa trabaho.

Bago pa man siya makarating sa kwarto nito ay natanaw niya na itong nakaupo sa wheelchair sa bakuran ng ospital, kaya agad siyang bumaba at pinuntahan ito.

“Huy, nakabalik kana!” masayang sabi nito.

“At paano mo naman nalaman na ako ito?” natatawang sabi nya.

“Alam ko ang amoy mo at ang pakiramdam pag nandyan ka,” simpleng sagot ng lalaki. Ngumiti lang rin si Amy pero nawala iyon nang muli itong magsalita, “Alam mo may good news ako, ooperahan na ako bukas. Makikita na kita Amy, hindi na ako bulag. Siguro.. pwede na kitang ligawan?”

Kung sa ibang pagkakataon sana ay kikiligin si Amy pero ngayon ay nakaramdam sya ng lungkot. Imposible naman kasi ang sinasabi nito.

“Tignan natin, pag naoperahan kana. Kung sasabihin mo pa yan, papapuntahin ko nalang si Manong Fidel para alalayan kang makaakyat. Dito na muna ako,” malungkot na sagot nya, pagtalikod nya ay tamang palapit na ang matandang guard.

“Aba Little miss Philippines, nasabi na pala sa iyo ni Sir Artem na tagumpay ang operasyon nya, ako ang naggoodluck dyan kay Sir, may sakit ka kasi noon at kinakabahan sya,” sabi nito.

Nanlaki ang mata niya sa narinig, “Operasyon?!”

“Aba’y oo! Nakakakita na sya, kita mo’t nandyan sa hardin, tumitingin ng bulaklak na ibibigay raw sayo.”

Unti-unting lumingon si Amy at ganoon na lamang ang pagtibok nang puso niya nang makitang nakatayo na si Artem, may hawak itong ilang tangkay ng bulaklak.

“Bulag lang ako Amy, hindi ako bingi at tanga. Matagal ko nang alam ang sitwasyon mo, pero hindi hadlang yun para mahulog ako sayo. Ikaw agad ang gusto kong makita after ng operation pero nagkasakit ka naman, sana wag mong ipagkait na lumigaya tayo,” pagsusumamo nito, lumuhod pa upang maging magkatapat sila ng mukha.

“Ano na lang ang sasabihin ng mga tao sayo, ang gwapo-gwapo mo tapos ang pinili mo-“

Nagsalita si Artem, “May mga bagay na natatakot kang subukan, kasi nga nakatatak na sa isip mo na disabled ka. Pero bigyan mo ng chance ang sarili mo. Bigyan mo ng chance..tayo.”

Pinipigil naman ni Amy ang kilig nya, “Sinabi ko na yan eh! Ay!” napasigaw pa sya nang bigla syang buhatin ni Artem at halikan.

Napapailing naman na nakangiti si Manong Fidel na tumalikod at naglakad palayo, nahanap na kasi ni Little Miss Philippines ang ‘bulag’ na magmamahal rito.

Advertisement