Akala ng Lalaki ay Wala na Siyang Pag-Asang Makalaya sa Kulungan, Isang Matandang Marungis Pala ang Magbibigay ng Blessing sa Kanya
Hinimas ni David ang malamig na rehas sa kulungan, malapit na siyang magdalawang taon rito. Hinding-hindi niya malilimutan ang araw na inaresto siya, isa siyang warehouse manager noon. Nagsimula siya sa pagiging simpleng empleyado sa pagawaan ng powder na sabon, pinuri-puri siya ng boss niya at syempre, lalo niyang pinagbutihan.
“Nako kung ganyan ka lagi, siguro ay dapat lang na maging manager kana next month.” sabi nito.
Dahil may dalawa siyang anak ay tuwang-tuwa ang lalaki, akalain niya ba namang magiging manager siya kahit di naman sya nakapagtapos ng pag aaral. Nang ma-promote siya ay talaga namang mas lalo siyang naging hands on, ginampanan niya ang kanyang tungkulin.
Sa kanya nakapangalan at siya ang nakapirma sa lahat ng papeles na pumapasok at lumalabas sa warehouse tungkol sa shipment ng mga sabon. Pag tinatanong niya ang boss ay sinasabi nitong malalaking kumpanya ang ka-sosyo nila at wag na syang magtanong, pumirma nalang.
Di nya alam na sa ilalim ng powder na sabon ay mga shabu. Nang ma-raid ang kanilang warehouse ay sya ang inaresto dahil sa kanya nakapangalan ang lahat. Tumanggi man sya ay malakas ang ebidensya.
“Kosa, tulala ka na naman dyan. Mapansin ka ni Warden, bubuskahin ka na naman.” sabi ni Boy, ang kasama nya sa selda. Marami silang nagsisiksikan sa loob, marami man ang siga ay marami na rin siyang naging kaibigan.
“Wala naman si Warden, nagyosi yata,” sagot nya.
“Kumilos kana, may artista raw na bibisita sa atin. Magpapogi tayo dahil baka ibabalita sa TV, ganoon ang mga artista eh. Pasikat.” tatawa tawang sabi nito.
Umiling iling naman si David, ilang minuto lang ay ipinatawag na sila sa event hall ng presinto. Linggo kasi ngayon, kaninang umaga ay may misa, pagsapit naman ng alas-diyes ay may mga aktibidad sila sa event hall. Minsan zumba, o katulad nito ngayon na may mga personalidad na bumibisita.
“Kosa, walandyo ka. Sabi mo artista, eh sino yan?” sabi niya sa kaibigan. Ang nasa harap kasi nila ngayon ay isang matandang lalaking kakaiba ang itsura, sabug sabog ang buhok nito. Kahit ganon ay maganda itong tignan dahil nadadala ng maganda nitong ngiti ang pagiging marungis.
“Malay ko rin. Sabi nila artista, pulubi pala. Baka tuturuan tayong mamalimos?” nagtatawanan pa sila nang magsalita ang lalaki.
“Ako si Elpidio Mundala, volunteer ako. May-ari ako ng mga pagawaan ng laruan na gawa sa kahoy. Naniniwala kasi ako na dapat ipaalala natin sa mga kababayan natin na ang tatangkilikin nila ay gawa ng kapwa Pilipino. At para na rin may kita kayo.” nakangiting sabi nito.
Nagkatinginan sila muli ni Boy.
“Kosa, allergic na ako sa mga pagawaan-pagawaan na yan. Dyan ako nadale eh. Sa pagawaan ng sabon.” tatawa tawa sya.
Pero napatingin siya sa sample na ipinakita nito, isa iyong eroplanong kahoy. Nilukob ng pananabik at lungkot ang puso nya, paborito kasi ng anak niyang si Benson ang mga eroplano.
Dahil doon ay tila naudyukan syang makinig, kagulat-gulat rin na nakagawa siya ng magandang laruan. Mula noon ay kinawilihan nya na ang paggawa at talagang inaabangan nya na kapag bibisita ang matanda. Ang iba ay ipapabenta nya pero karaniwan ay nagtitira sya ng isa, alam nya kasing balang araw ay personal nyang maibibigay iyon sa kanyang anak.
“Ikaw ang pinakamabilis sa lahat, at palaging may tira para sayo ha.” sabi ng matandang lalaki.
“Hindi ho sa akin yan, sa anak ko sana. Mahilig sya sa eroplano at sa kulay asul, kaya puro asul lahat ang pintura ng mga naiipon ko.” nakangiting sabi nya.
“Ba, sayang. Sana ay hihingi ako ng isa para doon sa batang tauhan ko, nakakatuwa iyon. Hindi marunong mag-ukit pero sinusubukan, masipag naman at madaling utusan kaya sinuswelduhan ko na rin,” sabi nito.
“Sige ho, ayos lang naman. Sigurado namang matagal pa kaming magkikita ng anak ko.” malungkot na sabi nya.
Namatay sa panganganak ang asawa nya at silang mag-aama na lamang ang magkakasama. Kapag napasok sya noon ay ito lamang ang naiiwan sa bahay, kaya nang makulong sya ay halos mabaliw ang lalaki dahil di nya na alam kung nasaan na ang mga anak ngayon.
“Wag ka ngang malungkot riyan. Ayos lang yan, hamo at isasama ko iyong tauhan ko rito para sumaya ka. Ubod ng daldal nga lang ng batang iyon ha.”
Tumango naman sya, di nya lang sigurado kung malulungkot sya o matutuwa ‘pag nandyan na yung bata. Baka kasi lalo nya lang ma-miss ang anak.
Pagsapit ng Linggo ay isa sa mga nauna sa event hall si David.
“Ang aga mo, ito si Benson, ang tauhang sinasabi ko. Sa iyo ko sya patatabihin dahil sabi ko magaling kang gumawa. Ganyan ang gagayahin mo ha Benson.” ginulo pa nito ang buhok ng bata.
Nagulat si David nang marinig ang pangalan ng bata, bumilis ang tibok ng puso nya. Akala nya ay nananaginip sya dahil paglingon nya, naroon nga ang kanyang anak na si Benson. Natulala naman rin ang bata sa kanya.
“Tatay!” sabi nito nang makabawi.
Nagulat man ang matandang kaharap nila ay ngumiti na rin ito, siya pa pala ang nagsilbing tulay para muling magkita ang mag-ama.
Iyak nang iyak si David, agad niyang kinuha ang mga naipon nyang laruan.
“Anak, ikaw ang naiisip ko habang ginagawa ko ang mga yan.”
Iniabot niya ang mga iyon sa tuwang-tuwang bata.
Tinulungan siya ni Mr. Mundala na makakuha ng magaling na abogado at ito ang nagbayad, ilang hearing pa ang inabot noon pero lumabas rin ang katotohanan.
Kamakailan lang ay nakalaya na si David, pumasok siya sa pagawaan ng laruan na pag aari ni Mr. Mundala at magaling siya sa kanyang ginagawa. Ginawa siyang tagapamahala ng isang departamento ng matanda. Ngayon ay sigurado na siyang mapagkakatiwalaan ang kanyang boss.