Naging Isang Tanyag na Manunulat ang Babaeng Ito Matapos Makawala sa Nambubugbog na Asawa; Ngayon ay Hahabol-Habol ang Loko
Bata pa lamang si Joane ay hilig na niya ang pagsusulat. Ang problema lang ay salat sila sa pera noon kaya hindi niya natupad ang kanyang pangarap, hindi rin siya masyadong suportado ng kanyang ina sa pag aaral. Nananakit ang babae, kaya naman nang magkagusto sa kanya ang noo’y binatilyong mister ay sumama siya agad dito, ang buong akala niya, makakatakas na siya sa impyerno.
Di nya alam, impyerno rin pala ang dadatnan niya. Ngayon ay nakukuntento na lamang siya sa pagsusulat ng mga kwento sa kanyang notebook, kahit doon man lang ay nagagawa niya ang kanyang pangarap.
“Itlog na naman?!” napapitlag pa si Joan nang marinig ang dumadagundong na boses ng asawa niya, amoy chico ang lalaki. Lasing na naman.
Hinagis nito ang takip ng kaldero, buti ay di siya tinamaan.
“Marianne, pasok muna kayo sa loob.” utos niya sa panganay na anak. Agad namang kinarga ng bata ang dalawang maliit na kapatid at pumasok sa ‘kwarto’ nila kahit ang totoo ay kurtina lang naman ang harang doon, maliit lang ang kanilang barung barong.
“Wala ka namang iniwang pera..inutang ko nga lang yan kay Aling Angie.” takot niyang sabi.
“Sinisisi mo pa ako?! Trabaho ng babae dito sa bahay diba?! Dapat problema mo yan, gaga ka!” sabi ng lalaki at sinabunutan pa siya. Diyos ko, hindi pa nga magaling ang sugat nya sa noo mula nung huling mag away sila.
“Wag! Paulo, maawa ka,” halos pagmamakaawa niya nalang, kahit naman pumiglas siya ay wala siyang laban sa lakas nito. Nakita pa ng lalaki ang notebook niya.
“Eto nanaman! Asa ka pa talaga eh no? Pasulat-sulat ka wala kang maipalamon saken!” dinampot nito ang notebook at akmang pupunitin pero napaluhod si Joane sa kanyang mister, iyon nalang kasi ang kaligayahan niya. Naroon ang mga kwentong pinaghirapan nya.
Ayaw niyang bitawan ito kaya naman sinipa siya ng lalaki, at hinagis ang notebook. Doon lumabas ang kanyang anak mula sa kwarto.
“Mama!” umiiyak na sabi nito. Niyakap ni Joane ang kanyang anak nang maging ito ay inambaan ni Paulo ng sampal.
“Mga letse kayo!” sigaw nito tapos lumabas na ng bahay, sinipa pa ang pinto bago makalayo.
Napagpasyahan ni Joane na bumalik sa kanyang ina kaya umalis na siya roon bitbit ang mga anak, baka sakaling kahit ang mga apo ay di nito matiis. Kahit sana matutulugan lang ngayong gabi.
“Kapal naman ng muka mo, aalis alis ka tapos babalik ka. Ulol mo!” at sinaraduhan pa sila ng pinto. Kakalakad ay nakarating sila sa simbahan ng Baclaran.
Ang natitira nyang barya ay binili nya ng kwek kwek para malamnan niya ang tyan ng mga anak kahit paano, siya ay nakiinom nalang ng tubig.
Nagdarasal ang mga bata at umiiyak si Joane malapit sa hagdan, hindi niya na alam kung ano pa ang gagawin. Baka tama ang nanay at asawa niya, hindi siya mapapakain ng pangarap nya. Baka nabubuhay lang sya sa mundo ng ilusyon na may mararating sya.
Kinuha nya ang notebook na naglalaman ng kanyang mga kwento, iniwan nya ito sa hagdan at pumasok na sa loob ng simbahan para samahan ang mga anak.
“Ang galing mo.”
Napaamba ng suntok si Joane sa taong biglang nagsalita sa likuran nya.
“Diyos ko po! Budol budol kaba? Wala kang makukuha sa akin, ni wala nga kaming matirhan ng mga anak ko!” sabi niya rito pero di siya tumitingin sa mata, baka kasi nanghihipnotismo lang ito.
Nakangiti naman ang may edad nang lalaki, “Ako si Rollie, kanina pa kita minamasdan doon sa hagdan dahil naghahanap ako ng inspirasyon sa pagsusulat. Na-intriga ako kasi umiiyak ka, gagawan sana kita ng kwento. Nang iwan mo ang notebook mo ay napukaw ang interest ko kaya kinuha ko, at..wow.”
Hinigpitan ni Joane ang kapit sa mga anak, baka kasi sindikato ang lalaki. Mawala na ang lahat wag lang ang mga bata, mababaliw sya. Medyo naantig ang puso niya dahil sa kauna unahang pagkakataon ay may nakapansin sa kanyang mga gawa.
“Relax ka lang miss, ito bang tanda kong ito ay manloloko pa ako?” sabi nito pero di pa rin sya kumibo.
“Ok kung ayaw mo ayos lang yan naiintindihan ko. Pero eto ang number ko, at..” sabi nito at dumukot sa bulsa. Nagulat pa si Joane dahil pera ang inilapag nito sa upuan ng simbahan,”eto na rin.. mahirap magpalipas ng gabi sa kalsada. Magcheck in kayo at kumain ng mga bata,” sabi nito at tumalikod na.
Lumingon lingon si Joane sa paligid, baka kasi modus ito. Sinubukan niyang ipambili ng pagkain ang pera at nagulat pa siya nang totoo iyon! Mukhang nagsasabi nga ng totoo ang lalaki, salamat dito dahil may natulugan ang mga anak niya.
Kinabukasan ay kinapalan niya na ang mukha, nakitawag siya sa payphone sa bangketa at kinontak ang lalaki, isa pala itong head writer sa isang sikat na Publishing Company. Ugali na nitong maglakad lakad para makaisip ng bagong kwento.
Sa una ay nag-aalangan si Joane pero nang masimulan niya nang magsulat ay namayagpag na sya.
Ngayon ay may sarili na siyang bahay at nag-aaral ang mga anak niya sa magagandang eskwelahan. Nagulat pa siya nang isang araw na susunduin niya ang panganay sa eskwela ay nakita niya ang dating asawa sa gate noon.
“Joane, ngayon ko lang naisip na mahal pala kita. Patawarin mo ako, magsimula tayo ulit.” sumamo ng lalaki.
Ngumiti naman si Joane at hinawakan ang kamay ng lalaki, “Kung hindi dahil sayo, wala akong magagandang anak ngayon at iba siguro ang buhay ko. Pero ayos na kami.. sana ay maging ayos ka rin Paulo..” sabi niya sa lalaki at tinalikuran na ito.
Malungkot na nakatitig nalang ito sa papalayong babae.
Totoo naman ang sinabi ni Joane, masaya na siya sa piling ng mga anak. Bonus pa na nabigyan sya ng pagkakataong matupad ang kanyang pangarap.