
Ipinaarkila ng Babae ang Sariling Sanggol Para Pagkakitaan; Laking Pagsisisi Niya sa Kinasapitan Nito
Kahit naghihirap na ay nagagawa pa rin ni Monet na lulungin ang sarili sa iba’t ibang klaseng bisyo.
Sa maliit na kinikita ng asawa niyang si Enrico na isang construction worker ay kumukupit pa at winawaldas ni Monet ang perang ibinibigay nito sa pagsusugal kaysa ipambili ng pagkain. Pati ang kaisa-isa nilang anak na si Denver ay napapabayaan na niya.
Isang araw, habang nasa bingguhan ay panay ang reklamo ng kanyang mga kapitbahay sa anak ni Monet.
“Ano ba naman ‘yan! Hindi ko marinig ang tawag ng nagbobola dahil sa ingay niyang anak mo, Monet! Hindi mo ba kayang patahimikin ‘yan?” pasigaw na tanong ni Aling Tikya.
“Masyado namang maingay ‘yang anak mo! Napaka-iyakin! Bakit kasi isinama mo pa ‘yan dito?” gatol ni Aling Obang.
“Pasensya na kayo, wala lang kasing maiwanan, eh. Maghapong wala sa bahay namin si Enrico, walang magbabantay sa anak ko,” sagot ni Monet sa dalawang ale.
“Kung ako sa iyo, ipaarkila mo kay Manang Isidra na pulubi para hindi ka na nahihirapan! Magkakaroon ka pa ng puhunan sa araw-araw,” suhestyon ni Aling Tikya.
“Paarkila?” tanong ni Monet.
“Oo. Naghahanap ng sanggol si Manang Isidra na ginagamit niya sa panlilimos. Malaki raw ang kinikita niya kapag may dala siyang bata. Umuwi na sa probinsya ‘yung sanggol na inaarkila niya, eh, kaya naghahanap siya ng kapalit. Babayaran niya kada araw ang inaarkilang sanggol kaya hindi na masama ‘di ba? Ayaw mo bang pagkakitaan ‘yang anak mo?”
Nang marinig ni Monet ang tungkol sa bayad ay nagkaroon siya ng ideya.
“Magkakapera ako kapag ipinaarkila ko kay Manang Isidra itong si Denver. May puhunan na ako sa binggo, sa tong-its at iba pang bisyo ko,” nangingiting sabi niya sa isip.
Kinaumagahan ay agad niyang dinala sa pulubing si Manang Isidra ang kanyang anak.
“Puwedeng-puwede ito! Mukhang kaawa-awa ang sanggol na ito, hija! Mamayang hapon ko na siya isasauli sa iyo at mamaya ko na rin ibibigay ang bayad ko. Pagtatrabahuhan muna ng anak mo ang ibabayad ko sa iyo,” wika ng matanda.
“Sige, kayo na po ang bahala sa kanya ha? Kung sakaling gutumin, eh, painumin niyo nitong am na nasa bote,” tugon ni Monet.
“Mas maigi nga na gutumin ang bata, para umiyak nang umiyak at saka aayusan ko pa ito’t bibihisan na parang pulubi para mas lalong magmukhang kawawa,” sambit pa ni Manang Isidra. “P-pero huwag kang magagalit sa akin ha? Kailangan na umiyak ito sa harap ng mga tao, kundi ay kukurutin at papaluin ko ang anak mo! Ayaw na ayaw kong hindi umiiyak ang batang inaarkila ko. Huwag na huwag kang magrereklamo kapag nagkaroon ng mga latay at pasa ang sanggol na ito!” paalala pa ng matanda.
“Aba, eh, wala pong problema. Talaga namang iyakin ‘yang batang ‘yan. Magsasawa ka sa kakaiyak niyan. Basta huwag niyong kakalimutan ang bayad sa akin ha?,” tugon ni Monet.
Kahit wala pang isang taon ang anak niyang si Denver ay isinabak na niya ito sa paghahanapbuhay kaya usap-usapan siya sa sugalan.
“Ang daming pantaya ngayon ni Monet sa tong-its ha!” nagtatakang sabi ni Aling Gina na isang certified sugarol sa kanilang lugar.
“Bakit hindi magiging mapera ang babaeng ‘yan, eh, araw-araw siyang may sahod kay Manang Isidra,” sagot ni Aling Tikya.
“Oo nga, pero kawawa naman ang anak niya kung maghapon sa lansangan…naroong maambunan at masikatan pa ng araw!” hirit ni Aling Gina.
“Ang sabihin mo’y tiyak na maghuhuramentado sa galit si Enrico kapag nalaman ang ginagawang kalokohan ni Monet,” sabi pa ni Aling Tikya.
Lingid sa kaalaman ng dalawang babae ay naririnig ni Monet ang usapan nila.
“Hmp! Mga tsismosa! Palibhasa hindi manalo-nalo sa tong-its ang mga dalahirang ito sa akin kaya nagpuputok ang mga butse sa inggit!” natatawang sabi niya sa sarili.
Samantala, habang nasa plaza ay inilapag na ni Manang Isidra ang sanggol ni Monet at sinimulan nang pagkakitaan.
“Palimos po, palimos po! Maawa kayo sa akin at sa aking kawawang anak!” pagmamakaawa ng matanda sa mga taong nakakakita sa kanila.
“Susmarya! Kawawa naman ang bata…nakabilad sa bangketa!” sambit ng isang ale.
“Oo nga ‘no! Nakakaawa naman!” hirit pa ng isa.
Nang mapansin ni Manang Isidra na nakatulog ang bata ay agad siyang nainis.
“Buwisit! Tulog na naman! Heto ang sa iyo, um!” gigil na sabi ng pulubi sabay palo nang malakas sa ulo ng sanggol.
Dali-daling umatungal ang bata.
“Uha! Uha!”
Sa araw-araw, kundi palo ay kurot ang ginagawa ni Manang Isidra kay Denver kapag hindi ito umiiyak o nakakatulog. Kahit na puro pasa na at latay ang katawan ng sanggol ay wala siyang pakialam.
Hindi rin alintana ni Monet ang mga pasa at latay sa katawan ng anak, ang mahalaga ay nagkakapera siya kay Manang Isidra pagsapit ng hapon. Kapag nagtatanong naman ang mister na si Enrico kung bakit may mga pasa ang kanilang anak ay sinasabi na lamang niya na dahil iyon sa kagat ng lamok at mga insekto.
Isang hapon, nang isauli na sa kanya ng matanda ang sanggol…
“O, ano Manang Isidra…kumusta ang pamamalimos niyo?”
“L*tse! Buwisit ang anak mong ito! Mahina tuloy ang kita ko kanina! Ayoko na sa batang ito, walang ginawa kundi matulog! Iiyak pero sandali lamang…paos pa ang boses, wala tuloy makarinig at makapansin. O, heto na ang anak mo!” inis na sagot ng matandang pulubi.
“Eh, ‘di sana ay kinurot o pinalo niyo para magising o umiyak,” tugon ni Monet.
“Tadtad na nga sa kurot at palo ang buong katawan niyan eh, tulog pa rin!” ani Manang Isidra.
Nang kargahin niya ang sanggol ay nagtaka siya.
“Aba, nanlalamig yata siya…”
Niyugyog niya ang bata at pilit na ginisiging.
“Denver! Denver! Gising anak!”
Huli na nang malaman niya na hindi na humihinga ang sanggol.
“P-pat*y na ang anak ko…ayaw nang gumising si Denver ko…pat*y na siya!” hagulgol ni Monet habang yakap-yakap ang walang buhay na si Denver.
Nang isinugod nila sa ospital ang bata ay napag-alaman nila na nasawi ito dahil sa sobrang nalamog ang katawan nito sa palo at kurot. Nanghina rin ang katawan ng sanggol dahil sa matinding init ng panahon sa tuwing nakabilad ito sa araw. Isang walang kamalay-malay na sanggol ang nawala dahil sa sobrang kalupitan ni Manang Isidra at kapabayaan ng sarili nitong ina. Nang dahil sa nangyari ay galit na galit ang asawa ni Monet na si Enrico sa pagpanaw ng kanilang nag-iisang anak.
“Wala kang kuwentang ina! Ipinaarkila mo ang sarili mong anak para lang pagkaperahan? Para may maipantustos ka sa mga bisyo mo! Hindi kita mapapatawad, ayoko nang makasama pa ang gaya mo!” galit na sabi ni Enrico.
Hiniwalayan si Monet ng kanyang asawa at isinuplong pa siya nito kasama si Manang Isidra sa mga awtoridad sa ginawa nilang pang-aabuso sa kanilang anak. Pagsisihan man niya ang nagawa ay huli na, hindi na niya maibabalik ang buhay ng kanyang supling.