Inday TrendingInday Trending
Ang Kapalaran ni Camilla

Ang Kapalaran ni Camilla

Nagmula sa isang mahirap na pamilya ang batang si Camilla. Dahil sa kanilang kahirapan ay napilitan siyang huminto sa pag aaral at bantayan na lamang ang ama niyang may sakit sa puso. Mula nang magkasakit ang ama niyang si Mang Tonio, nahinto na rin ito sa trabaho bilang construction worker. Naghirap sila na halos wala nang maipambili ng pagkain. Suwerte na lang para sa kanila ang makakain ng isang kanin at asin sa isang araw dahil sa kahirapan.

Ang kanyang ina na si Aling Maria ay wala ng ibang ginawa kundi ang makipagsugalan sa kanilang bayan. Ang mga pera na napapalanunan ni Maria sa sugal ay ipinambibili lamang niya ng mga bagay na pansarili lamang at parang hindi niya ramdam kung gaano kahirap ang dinadanas ng kanyang mag ama. Dahil din sa kawalan ng pera ay walang pambili ng gamot si Mang Tonio kaya madalas siyang inaatake at kung minsan ay naninikip ang kanyang dibdib. Dagdag pa sa konsumisyon niya tuwing magtatalo sila ng asawa. Nang gabing iyon ay inilabas ni Camilla ang ama gamit ang tungkod nito at dinala niya sa kusina upang sabay-sabay silang kumain.

“Bago tayo kumain magdasal muna tayo, ” sabi ng ama.

“Diyos ko, maraming salamat po sa mga grasyang inyong binibigay sa amin at sana po ay patuloy niyo kaming gabayan. Iligtas niyo po kami sa kapahamakan at ilayo sa tukso. Amen,” taimtim na dasal ng lalaki.

Pagkatapos niya ay nagsimula na siyang kumain. Lahat ay masaya maliban kay Aling Maria na halos ayaw galawin ang kanyang pinggan.

“Nakuha mo pang magpasalamat kahit asin lang ang ulam natin? Ito na ba ang grasyang ipinagpapasalamat mo?” galit na wika ni Aling Maria kay Mang Tonio.

“Maria huwag natin mamaliitin ang biyaya ng Diyos. Hindi naman natin ito agad-agad makukuha. Kailangan pa natin itong pagsikapan. Nasa Diyos ang awa at nasa tao ang gawa,” paliwanag naman ni Mang Tonio.

Ngunit balewala lamang ito sa babae na parang walang Diyos na kinikilala.

“Sa susunod kung kakain tayo huwag mo na dagdagan ng dasal, dahil nakakairita lang! Minsan ang haba pa ng mga sinasabi mo. Mam*m*tay nalang ako sa gutom hindi kapa tapos, nakakawalang gana lang!” panunumbat sa kanya ng asawa.

“Nanay kaya po tayo lalong naghihirap, dahil minamaliit mo ang Diyos. Sana po magbalik-loob ka na sa kanya upang ang buhay natin ay magkaroon ng kulay,” sabat ni Camilla.

“Ikaw isa ka pa! Kumain ka na lang diyan at huwag ka masyado magpakabanal dahil wala naman tayong napapala diyan!” galit pang tugon ng ina sa anak.

Kinaumagahan ay nagpunta muli si Aling Maria sa bayan upang maglaro ng mga baraha.

“O, Maria magandang umaga. Ano, maglalaro ka ba ngayon?” bati sa kanya ng kaibigang si Adolfo ng siya’y makita.

“Oo eh, kailangan ko ng pera ngayon, dahil bibili ako ng bagong damit dun sa ukay-ukay,” sagot ni Aling Maria.

“O, sige maupo ka na dito at ikaw na unang tumira,” wika ni Adolfo at binigyan siya ng mga baraha.

Umabot ng kalahating oras bago matapos si Aling Maria sa pagsusugal. Sa kabutihang palad ay panalo naman siya.

“O, panalo na ako! Panalo na ako!” sigaw ng babae at halos maglulundag siya sa saya. Inabot na sa kanya ng lalaki ang napalanunang pera.

“O, ayan ang pera mo. Ang suwerte mo ngayon!” sabi ni Adolfo.

“Salamat. Sige alis na ako bibili na ako ng mga damit sa ukay-ukay, ha?”

“Sige, ingat ka!”

Pagkauwi ni Aling Maria ay marami itong bitbit na mga supot. Nasalubong niya ang asawa habang ang anak ay naghuhugas ng pinggan sa kusina.

“O, ano iyang mga pinamili mo?” tanong ni Mang Tonio nang mapansin ang mga bitbit ng asawa.

“E di mga damit ko!” mayabang na sagot ng babae.

“Ano? Mga damit mo? Bumili kapa ng damit imbes na pagkain nalang sana?”

“E, anong gusto mo? Maghubad ako at lumabas ng walang saplot?!” inis nitong sabi.

“Ang akin lang naman Maria, isipin mo sana na nagugutom ang anak natin dahil wala tayong makain. Dapat inuuna mo ang pangangailangan natin bago iyang pansarili mo!”

“Kung gusto mo mapalamon ang anak mo e di ibili mo ng pagkain at huwag kayo aasa sa pera ko, dahil pera ko ito! Wala akong pakialam kahit mam*t*y pa kayo sa gutom! Ayoko naman kasi matulad sa inyo na masyadong nagpapakabanal kaya walang napapala sa buhay!” singhal ni Aling Maria.

Lihim na napapasulyap si Camilla habang nagtatalo ang kanyang mga magulang. Naaawa siya sa kanyang ama na halos hindi na makapagsalita ng malakas dahil sa karamdaman. Ngunit napahinto siya sa paghuhugas ng pinggan ng makitang sumama ang timpla ng kanyang ama. Muling nanikip ang dibdib nito.

“Ang dibdib ko… M-masikip ang dibdib ko…” wika ni Mang Tonio habang hinahagod ang sariling dibdib. Nag-alala si Camilla at agad niyang nilapitan ang ama.

“Tatay? Tatay may masakit po ba sa inyo?” natatarantang tanong ng anak. Patuloy na naninikip ang dibdib nito at nahihirapan na itong huminga.

“Anak… Tulungan mo ako… Hindi na ako maka–“

Biglang naputol ang sasabihin ni Mang Tonio dahil nawala ang kanyang boses. Kasunod nito ay ang pagsara ng kanyang mga mata at pagtigil ng tibok ng kanyang puso. Biglang kumabog ang dibdib ni Camilla at pilit na ginising ang kanyang ama ngunit hindi na ito gumagalaw.

“Nanay! Tulungan niyo po ako dalhin natin sa ospital si tatay! Nanay dali!” Naluluhang sambit ni Camilla sa ina, ngunit nanatili lamang napako sa kinatatayuan si Aling Maria at hindi makapaniwala sa pangyayari.

Hindi niya inasahan ang masamang araw na iyon. Hindi niya alam kung iiyak din ba siya o itatago ang kanyang awa na nararamdaman para sa kanyang asawa. Nang nadala nila ito sa ospital ay huli na ang lahat, hindi na rin naisalba pa si Mang Toinio at tuluyan nang pumanaw.

Nang gabing iyon ay lumuluhang pinagmamasdan ni Camilla ang kanyang ama sa kabaong nito. Walang patid ang pagtulo ng kanyang luha dahil mahirap tanggapin na wala na ang pinakamamahal niyang ama. At ang isa pang nagpalungkot sa kanya ay ang kanyang ina. Nakita niyang nakikipagsugal muli ito sa mga kasama sa labas. Enjoy na enjoy ito na para bang wala lang ang pagkawala ng asawa. Nakaramdam ng galit si Camilla kaya lumabas siya sa bahay at nilapitan ang ina.

“Nanay tama na yan! Wala na si tatay pero iyan pa rin ang inaatupag niyo?! Hindi niyo na binigyan ng kahihiyan ang sarili niyo!” galit niyang sermon sa ina.

“Bakit ba binabawalan mo ako! Bakit hindi kana lang bumalik sa loob at umiyak nang umiyak! Kaya ko ito ginagawa para magkapera at may ipalamon sa iyo lalo na’t wala na ang ama mo!” singhal ni Aling Maria sa anak.

“Ayoko pong kumain kung ang ipapakain niyo sa akin ay galing lang din sa sugal!” sagot ni Camilla.

Hindi nagustuhan ng ina ang pananalita niya kaya sinampal siya nito at sinabunutan sa harap ng maraming taong nakikipaglamay sa kanila.

“Aba ang tapang mong pagsalitaan ako ng ganyan? palibhasa kasi wala ka sa sitwasyon ko! Kung wala kang magawa sa buhay mo pwede namang lumayas ka na lang! Tingnan lang natin kung may magbago pa sa buhay mo!” galit na sabi ni Aling Maria habang binubugbog ang anak. Pinagtinginan tuloy sila ng mga tao. Nag-aaway ang mag ina sa harap ng lamay ng Mang Tonio. Nakakahiya.

Mabilis na lumipas ang mga taon. Mas lalong nabaon sa hirap ang buhay ni Camilla. Siya na ngayon ang nalulong sa bisyo at natuto na ring magsugal gaya ng ginagawa noon ng kanyang ina. Gabi nang umuwi si Camilla, halatang nakainom at pasuray-suray na pumasok sa loob ng kanilang bahay.

“O, bakit ginabi ka? Saan ka ba nagpunta?” tanong sa kanya ng ina.

“Wala! Nakipag-party-party lang ako! Wala kasi tayong pagkain kaya doon na ako kumain sa kaibigan ko,” tugon ng anak. Ipinagtaka naman ng ina ang ikinikilos ng dalaga.

“Bakit ganyan ka magsalita at maglakad? Lasing ka ba? Kababae mong tao umiinom ka?!” gigil na tanong ng ginang.

“E, ano bang pakialam mo? Bakit masama bang magsaya? Hindi naman pwedeng habang buhay na lang akong nakakulong dito! Huwag mong ipagkait sa akin ang kalayaan ko. Malaki na ako!” singhal niya sa ina.

“Hoy nanay mo ako at wala kang karapatang sumbatan ako!” galit na wika ni Aling Maria.

Nilampasan lang ni Camilla at hindi pinansin ang pagdadada ng ina.

Kinaumagahan ay nag-init ang ulo ni Aling Maria nang makita ang anak na nakikipag-inuman habang nagsusugal kasama ang mga tambay na lalaki sa kanilang kanto.

“Hoy Camilla! Anong ginagawa mo diyan! Nakikipaglandian ka pa sa mga barumbadong lalaking iyan! Kay aga-aga ay puro kalandian ang inaatupag mo!” inis na sigaw ng ina.

“Ano ba kayo! Bakit niyo ba ako hinahanap? Para may makaaway na naman kayo? Kaya ayokong pumirmi sa bahay ay ayokong marinig ang bunganga niyo!” galit na sagot ni Camilla.

“Hoy kayo namang mga lalaki kayo. Mga g*go kayo bakit niyo sinasali ang anak ko sa bisyo niyo? Mahiya naman kayo sa mga sarili nyo! Mga inutil, mga walang pakinabang, mga ad*k!” wika ng babae.

Kung anu-ano na ang lumabas sa bunganga ni Aling Maria at pinalamon niya ng mura ang mga lalaki hanggang sa hindi nakatiis ang isa at dinukot nito ang itinatagong baril sa bulsa.

“Buwisit kang babae ka, ang ingay mo!” sigaw at agad na binaril sa dibdib si Aling Maria hanggang sa matumba ito sa kalsada.

Maraming tao ang nagtakbuhan nang marinig ang putok ng baril. Laking gulat ni Camilla. Tila natauhan siya nang makita ang ina na naghihingalo kaya agad niya itong nilapitan.

“Nanay? Nanay? Dadalhin ko po kayo sa ospital. Huwag po kayo mag-alala!” Natatarantang wika ng anak.

“H-huwag na… P-patawarin mo ako anak… Patawad an–” naputol ang pananalita ng ina hanggang sa nalagutan na ito hininga. Humagulgol ng iyak si Camilla at niyakap ang ina.

“Nanay! Patawarin niyo po ako sa lahat ng sinabi ko sa inyo, Huwag niyo po akong iiwan,” humahagulgol na sigaw ni Camilla.

Nanlambot ang kanyang mga binti dahil sa labis na depresyon at pagsisisi. Kumabog ang kanyang dibdib na halatang natataranta at balisa. Dahil sa nangyari ay tumakbo ang mga tambay na lalaki at tumakas. Naiwan si Camilla na umiiyak habang yakap ang wala ng buhay na katawan ni Aling Maria.

Walng natira sa lahat ng pera ni Camilla. Lahat ng mga perang napalanunan niya sa kanyang pagsusugal ay nauwi lamang sa lamay ng kanyang ina. Walang patid ang kanyang pagluha habang nakasilip sa kabaong nito. Nilapitan naman siya ng kapitbahay nila na si Manang Wilma.

“Camilla, hija halika maupo ka muna at gusto kitang makausap,” anang matanda at umupo sila sa isang tabi. Halos mamula na ang mga mata ng dalaga dahil sa walang tigil na pagtulo ng kanyang mga luha.

“Manang… wala na po si tatay at wala na rin si nanay. Wala na akong mga magulang. Lahat po ng mga pera ko ay nauwi lang din sa lamay ni nanay. Hindi ko po alam kung ano ang gagawin ko. Nagsisisi po ako sa lahat ng mga ginawa kong pagkakamali sa buhay ko,” umiiyak na paliwanag ni Camilla.

Naawa naman ang matanda sa kanya kaya isang desisyon ang namuo sa isip nito.

“Hindi pa huli ang lahat anak. Tutulungan kita. Aampunin na lang kita hija at aalagaan. Pag-aaralin din kita. Ayos lang sa akin na mag-ampon dahil wala naman akong asawa at mga anak. Kaya sana tanggapin mo ako bilang iyong pangalawang ina. Hayaan mo akong mahalin at ituring ka bilang aking anak,” wika ni Manang Wilma na hindi rin napigilang umiyak. Kahit papaano ay may namuong ngiti sa labi ni Camilla at niyakap niya ang matanda.

“Maraming salamat po!” sabi ng dalaga at yumakap pa nang mahigpit sa matanda.

Mula noon ay nagbago na si Camilla. Nang tuluyan siyang ampunin ni Manang Wilma ay mas nagkaroon ng direksyon ang kanyang buhay. Hindi na niya kailanman binalikan ang kanyang mga naging bisyo at ipinagpatuloy ang pag-aaral para pagdating ng panahon ay maibalik niya ang kabutihan sa matandang babae na nagbigay sa kanya ng pangalawang pamilya.

Advertisement