Inday TrendingInday Trending
Ang Sekyu na Nagngangalang Tonio

Ang Sekyu na Nagngangalang Tonio

Ilang taon na ring nagtatrabaho si Jasmine bilang isang call center agent. Sanay na siya sa pabagu-bago ng oras ng pagpasok at pag-uwi. Hindi na siya takot umuwi tuwing hatinggabi. Balewala na rin sa kaniya kahit mga lasing ang kasabay niya sa dyip o kahit pa maglakad siya sa mga madidilim na kalsada.

“Diyos ko sana naman ay hindi siya ang nagbabantay sa guardhouse ngayon. Hindi pa ko nakaka-recover sa nakakatakot na pelkulang pinanood namin kanina. Baka atakihin ako sa puso kapag nakita ko siya,” bulong ni Jasmine sa sarili habang papauwi siya matapos niyang manood ng sine kasama ang kaniyang mga katrabaho.

May isang bagay na palaging nagpapatibok ng mabilis sa puso ni Jasmine. Mas tamang sabihin ay may isang tao na palaging nagpapatayo ng mga balahibo ng dalaga tuwing dadaan siya sa guardhouse ng kanilang subdivision. Mapa-araw man o mapa-gabi ay binibilisan ng dalaga ang kaniyang paglalakad tuwing dadaan siya malapit sa guardhouse lalo na kung ang sekyung si Tonio ang nakatoka doon.

May kutob si Jasmine na may masamang balak ito sa kaniya. Kakaiba kasi ang ikinikilos ng lalaki. Palagi na lang siya nitong kinikindatan habang tumatalon sa kinatatayuan na tila ba masayang-masaya ito tuwing makikita siya nito. Kung minsan naman ay bigla na lang siya nitong tatahulan na akala mo ay isa itong mabangis na aso. May pagkakataon din na bigla na lang nagulat ang dalaga dahil walang pakundangang inamoy ng lalaki ang kaniyang batok nung minsang nagkasabay silang bumili sa isang tindahan.

Habang isinasauli ni Tonio ang ID ng drayber ng motorsiklo na papalabas na ng subdivision ay isang babaeng nagmamadaling naglalakad habang hinahalungkat nito ang loob ng dala-dalang shoulder bag ang napadaan malapit sa kaniyang kinaroroonan. Hindi napansin ng babae na nahulog ang pitaka nito mula sa bag kaya naman mabilis na pinulot ito ng lalaki at agad niyang hinabol ang babae.

“Miss P*ta, iyong pitaka mo nahulog!” sigaw ni Tonio habang hinahabol ang babae.

Nanginig ang buong katawan ni Jasmine nang marinig niya ang boses ng kinakatakutan niyang sekyu. Imbes na lingunin ang lalaki at kunin ang nahulog niyang pitaka ay mabilis na nagtatakbo ang babae.

Sa sobrang takot at sa matinding kagustuhan ni Jasmine na makalayo ay hindi niya napansin na dirediretso siyang tumatakbo patungo sa bahagi ng ilog na walang tarangkahan. Huli na nang mapagtanto ng dalaga na wala na pala siyang aapakan. Buti na lamang ay agad na nahawakan ni Tonio ang kaniyang braso bago siya tuluyang nahulog sa ilog.

Laking pasasalamat ni Tonio dahil nahawakan niya agad ang braso ng babae kung hindi ay malamang nalunod na ito sa malalim ng ilog.

“P*ta, miss, bakit ka naman kasi p*ta kumaripas ng takbo. Miss P*ta, ayos ka lang ba? P*ta, may masakit po ba, p*ta? Kaya niyo, p*ta, bang maglakad? Dalhin ko na, p*ta, kayo sa opisina ng homeowners association nang ma-check kayo ni Dra. P*ta Salvador,” nag-aalalang tanong ni Tonio. Tulala lang siyang tinitigan ng babae kaya nagmagandang loob na lang si Tonio na buhatin ito at mabilis na naglakad papuntang barangay.

Ilang minuto pa ang nakalipas bago natauhan si Jasmine. Bigla na lang itong nagsisigaw ng malakas na siya namang ikinagulat ni Tonio.

“Saklolo! Tulungan niyo ko! Parang awa mo na. Huwag mo kong sasaktan! Pakawalan mo na ko! Mga kapitbahay, tulungan niyo ko! Baka kung ano ang gawin sa’kin ni Tonio!” sigaw ni Jasmine habang hinahampas ang sekyu.

Dahil sa pagsisigaw at pagwawala ni Jasmine ay natumba silang dalawa ni Tonio. Naumpog ang ulo ng babae sa isang pintuan bago ito napasalampak ng upo sa semento habang ang lalaki naman ay nasubsob ang mukha sa pader. Nung inikot ng babae ang kaniyang mata sa paligid ay natameme siya nang makita ang mga naguguluhang mukha ng mga opisyal ng homeowners association na kasalukuyang nagme-meeting nung mga oras na iyon.

“Wala kang dapat ikatakot kay Tonio. Isa siyang mabait at tapat na sekyu ng ating subdivision. Pero naiintindihan kita. Bagong lipat ka pa lang kasi kaya hindi mo pa siya gaanong kilala,” saad ni Dra. Salvador, presidente ng homeowners association na siya ring gumamot sa sugat ni Jasmine sa ulo.

Tinanong ng doktora si Jasmine kung bakit pinagsususpetsahan niyang masamang tao si Tonio, ang pinakamagaling na sekyu ng subdivision at ikinuwento naman ng babae ang mga kakaibang kilos ng sekyu na naging dahilan kaya naisip niyang baka may masama itong balak sa kaniya.

“May tourette syndrome si Tonio. Ako na ang humihingi ng paumanhin sa’yo kung sakaling may nagawa siya na hindi mo nagustuhan,” pagpapatuloy ng doktora.

Naguguluhan pa rin si Jasmine at napansin ito ni Dra. Salvador kaya ipinaliwanag niya ng mabuti sa babae ang tungkol sa karamdaman ng kinakatakutan nitong sekyu.

“May mga kilos at galaw si Tonio na hindi niya kontrolado. Kahit gustuhin man niyang pigilan ang mga kakaiba niyang kilos ay wala siyang magawa. Dahil sa kaniyang sakit kaya mo siya madalas na nakikitang kumikindat at tumatalon. Ito rin ang dahilan kung bakit bigla-bigla na lang siyang tatahol o mang-aamoy ng tao. Kasama na doon ang madalas niyang pagmumura. Iyong mga nabanggit mong kakaibang kilos ni Tonio ay ilan lang sa mga sintomas ng tourette syndrome. Oo, kakaiba ang kilos niya at pananalita pero likas na mabait si Tonio at kaya niyang gampanan ng maayos ang kaniyang tungkulin bilang isang sekyu. Hindi niya kayang manakit ng kaniyang kapwa. Hindi mo alam ang kondisyon niya kaya normal lang na matakot ka sa kaniya o isipin mo na binabastos ka niya pero ngayon na alam mo na sana ay magbago na ang tingin mo sa kaniya. Wala kang dapat na ikatakot dahil hindi ka niya sasaktan.”

Nagulat si Jasmine sa kaniyang nalaman. Ang kinakatakutan niya palang sekyu ay may karamdaman kaya kakaiba ang kilos nito. Sising-sisi ang babae dahil pinag-isipan niya ng masama si Tonio. Nagawa pa niyang saktan ito gayong nais lamang siya nitong tulungan.

Bago umalis ng opisina ay kinausap muna ni Jasmine si Tonio. Humingi siya ng tawad dito dahil sa kaniyang inasal. Walang pagdadalawang isip naman siyang pinatawad ng lalaki dahil nauunawaan nito na hindi alam ng babae na mayroon siyang karamdaman.

Simula nung araw na iyon ay hindi na nagmamadali sa paglalakad si Jasmine tuwing dadaan siya malapit sa guardhouse. Palagi na din siyang ngumingiti lalo na kapag si Tonio ang nakatokang magbantay dito.

“Magandang gabi, Tonio. Binigyan ako ng keyk ng kaopisina ko kanina. Hindi ko naubos. Sa’yo na lang iyong natira ko para may pampuyat ka naman ngayong gabi,” nakangiting wika ni Jasmine habang inaabot sa lalaki ang pagkain. “Salamat, Miss P*ta,” tugon ng mabait na sekyu habang kumikindat at tumatalon sa kinatatayuan.

Advertisement