Hindi inaasahan ng magkasintahan na ang masayang date nila sa Enchanted Kingdom noong katapusan ng linggo ay magbubunga ng isang malaking eskandalo pagpasok nila sa eskwela sa Lunes. Kung alam lang nila na naroroon din ang ilang manlalaro ng karibal nilang team sa basketbol ay naging mas maingat sana sila sa kanilang mga kilos. Pero huli na ang lahat.
Pag pasok na pagpasok nina Ryan at Dexter sa eskwela ay tumambad agad sa kanila ang daan-daang litrato ng kanilang date na nakapaskil sa iba’t-ibang bahagi ng paaralan. Ilan sa mga ito ay nagaakbayan ang dalawa o ‘di kaya ay magkahawak ang kanilang mga kamay. Pero ang pinakapasabog sa lahat ay ang litrato nilang naghahalikan habang nakasakay sa ferris wheel.
“Ano na ang gagawin natin? Nabulgar na ang itinatago nating lihim. Alam na ng lahat na may relasyon tayong dalawa,” tanong ni Dexter sa kaniyang nobyo. “Pinaalam ko na kay coach na aalis na ko sa varsity. Maiilang sa akin ang mga teammates ko kung patuloy akong maglalaro. Ayokong ako ang maging dahilan kung bakit hindi nila nasungkit ang kampeonato,” malungkot na saad ni Ryan.
“Sayang naman. Dahil lang sa lalaki tumitibok ang puso mo mawawala sa iyo ang pagkakataon na maging MVP. Balita ko ikaw ang nangungunang kandidato ngayong taon,” saad ni Dexter. “Okay lang. At least may maganda pa ring naidulot ang eskandalo, hindi na natin kailangang itago ang ating relasyon. Malaya na nating maipaparamdam sa isa’t isa ang ating pagmamahalan,” tugon ni Ryan.
“Kung ganoon ay aalis na rin ako sa team. Ikaw ang dahilan kaya ko tinanggap ang posisyon bilang manager ng basketball team ng eskwelahan. Kung aalis ka na sa varsity magri-resign na rin ako,” pahayag ni Dexter.
Pinilit ng magkasintahan na mamuhay ng normal sa eskwelahan kahit na ramdam nila ang mga mapanghusgang mga titig ng ibang mag-aaral. Tinalikuran din sila ng ilan nilang kaibigan na labis na ikinalungkot ng dalawa. Saan man magawi ang magnobyo ay kapansin-pansin ang bulungan ng mga tao.
Alam nina Ryan at Dexter na ngayong kalat na sa buong paaralan na binabae sila ay magiging biktima sila ng karahasan. Babatuhin sila ng mga masasakit na salita. Sasaluhin nila ang mga suntok at sipa ng mga taong hindi tanggap ang kanilang pagkatao. Hinanda nila ang kanilang mga sarili pero gaano man nila patatagin ang kanilang mga loob at taas noong harapin ang mga taong ang tingin sa kanila ay mga sugo ni Satanas ay hindi maiiwasan na may mga panahong nakakaramdam sila ng panghihina ng loob.
“Wala naman tayong inapakan na tao, ah. Hindi rin tayo nakikipag-away. Kung makapagsalita sila akala mo kung sinong santo. Kung manakit sila akala mo kung sino silang siga na naghahariharian sa ating paaralan. Isa ba talagang malaking kasalan ang magmahal sa parehong kasarian?” reklamo ni Dexter.
“Hindi natin sila mapipilit na tanggapin tayo. Oo, nakakababa ng kumpiyansa ang mga pang-iinsulto nila sa ating pagkatao. Masakit ang mga sugat at pasa na ibinigay nila sa’tin. Nakakadurog ng puso na sinasaktan nila tayo kahit wala naman tayong ginagawang masama sa kanila. Nakakabaliw ng isip na abnormal ang tingin nila sa’tin. Pero kung papatulan natin sila ay ibababa lang natin ang ating sarili sa lebel nila. Mas magiging masahol lang tayo sa kanila dahil alam nating mali ang kanilang ginagawa. Alam kong mahirap pero kailangan nating magpakatatag. Maaaring matagalan pero patuloy akong aasa na darating din ang panahon na hindi na magiging pangit ang pagtingin nila sa atin, na matututunan din nilang respetuhin ang ating pagkatao,” saad ni Ryan.
Sa kabila ng matinding kinakaharap ng magkasintahan ay mas naging matatag ang relasyon ng dalawa. Pinanghuhugutan nila ng lakas ang isa’t isa. Mas tumibay ang kanilang pagsasama. Mas lumalim ang kanilang pagmamahalan.
Isang araw ay biglang hinarang ng isang grupo ng mga kalalakihan ang magkasintahan habang naglalakad sila pauwi. Binalot ng matinding takot ang dalawa pero napawi ang kanilang kaba nang magsalita ang namumuno ng grupo.
“Captain, manager, kailan kayo babalik sa team? Hindi pa ba sapat ang ilang linggong ibinigay namin sa inyo para harapin ang mga problema niyo?” tanong ni Rowan, sentro ng team.
“Porke’t ba may relasyon kayong dalawa iiwanan niyo na lang kami sa ere ng basta-basta? Echapwera na kami sa buhay niyo?” tanong naman ni Connor, ang hari sa depensa kung basketbol ang pag-uusapan.
“Eh, ano ngayon kung binabae kayo? Sapat na bang dahilan ‘yon para iwasan niyo kami? Hindi ba mahalaga sa inyo ang pinagsamahan natin? Hindi ba kaibigan ang turing niyo sa amin?” Ang tirador ng three points na si Eli ang sumunod na nagtanong.
“Hahayaan mo na lang bang maagaw sa’yo ni Aaron ang titulo ng MVP, Ryan? Kung tuluyan kayong aalis sa team ang ibig sabihin lang nun ay nanalo ang team ni Aaron ng walang kahirap-hirap dahil nagawang niyang kumbinsihin ang pinakamagaling na player ng liga at ang pinakamatinik niyang karibal na umatras sa laban kasama ang pinakamahusay na manager ng team gamit ang ilang litrato,” saad ni Jesse, ang point guard ng team.
“Kung ako sa’yo isasampal ko sa mga pagmumukha nila ang kahihiyan gamit ang kahusayan ko sa paglalaro ng basketbol. Sigurado akong titiklop ang mga buntot nila pag natalo sila ng isang manlalaro na may pusong babae. Wala silang mukhang maihaharap sa mundo kapag si Ryan na may pusong babae ang tatanghaling MVP ng liga ngayong taon,” suhestiyon ni Coach Nathan kay Ryan.
Naantig ang puso ng magkasintahan dahil tanggap ng buong team ang kanilang pagkatao. Hindi sila ikinahihiya o pinandidirihan ng mga ito. Suportado sila ng mga ito.
Tama si Ryan na siya ang magiging dahilan ng pagkatalo ng kanilang basketball team pero mali ang kaniyang akala na matatalo sila dahil maiilang ang kaniyang mga ka-teammates na maglaro kasama ang isang katulad niya. Ang dahilan ng pagkatalo ng team sa ilan nilang mga laban ay dahil wala ang kahusayan ni Ryan at ang pag-aaruga ni Dexter, ang kanilang team manager. Buti na lamang ay may sapat na dami pa ng laban ang team para makapasok sa kampeonato. At dahil kumpleto na ulit sila naging sunud-sunod ang pagkapanalo ng basketball team.
Ang basketball team ni Aaron ang nakaharap ng grupo ni Ryan sa finals. Ang lahat ng galit ni Ryan mula sa mga taong nanakit sa kanila ni Dexter matapos lumabas ang eskandalo ay pinas*bog niya sa kanilang laban.
Ipinamukha ni Ryan sa kaniyang karibal na si Aaron na hindi umobra ang pagbubulgar nito sa kaniyang tunay na pagkatao para tuluyan nitong masira ang kaniyang pangalan sa larangan ng basketbol. Isinampal niya sa pagmumukha ng lalaki na hindi porke’t isa siyang binabae ay maaari na siya nitong apakan.
Gamit ang kaniyang galing sa paglalaro ng basketbol, sinupalpal ni Ryan ang karamihan ng mga birada ng kaniyang karibal. Denipensahan niya ang kaniyang teritoryo sa abot ng kaniyang makakaya ang bawat pag-atake ng kabilang grupo. Hindi niya pinalampas ang mga pagkakataon na nakawin sa kanila ang bola.
Sa bawat pagtira ni Ryan ng bola ay ipinararamdam ng lalaki kay Aaron na mas nakakaangat siya dito dahil hindi niya kailangang gumamit ng maduming taktika para lang manalo. Sa bawat pagsulong niya sa kampo ng kalaban ay ipinakita niya sa kanila na buong tapang niyang ipinagmamalaki sa lahat ang buo niyang pagkatao. At tuwing tatangkain nilang agawin sa kaniya ang bola ay ipinaiintindi niya sa kanila na hindi niya kailangang bumaba sa kanilang lebel para ipaglalaban ang kaniyang karapatan na mabuhay ng payapa at mahalin ng malaya ang tao nagmamay-ari ng kaniyang puso sa kabila ng panghuhusga, pangungutya, pang-iinsulto at pananakit ng iba.
Nanalo ang team ni Ryan laban sa team ni Aaron kaya sila ang tinanghal na kampeon ng liga. Maliban pa doon ay nabingwit din ni Ryan ang titulong most valuable player ng liga. Matapos tanghalin si Ryan bilang MVP ng basketbol ay naging mapayapa na ang buhay niya at ng kaniyang nobyo sa kanilang paaralan. Puro paghanga at papuring salita na ang ibinabato sa kanila ng mga kapwa nilang mag-aaral. Madami din ang nagbibigay ng mga regalo at karamihan sa mga taong nakakasalamuha nila ay nagagawa na ring respetuhin ang kanilang pagkatao.
Si Ryan at Dexter ay dalawang patunay lamang na hindi dapat hinuhusgahan at minamaliit ang mga tulad nilang kalalakihan na may puso ng babae dahil tulad ng iba ay mayroon din silang angking galing at talento. Ang tanging nais lamang nila ay ang mabuhay ng tahimik at mapayapa, na respetuhin sila ng iba bilang tao kahit na hindi nila tanggap ang kanilang pagkatao.