Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Labis na Kalungkutan Mula nang Iwan ni Mister ay Nagparetoke si Misis; Pagsisisihan Pala Niya Ito

Dahil sa Labis na Kalungkutan Mula nang Iwan ni Mister ay Nagparetoke si Misis; Pagsisisihan Pala Niya Ito

“Pasensya na, misis at mister, pero mukhang wala na pong pag-asa na maging normal pa ang paglaki ng anak ninyo. Pero kakayanin naman po niya kung ie-enroll niyo po siya sa mga eskwelahan na magtuturo sa kaniya nang maayos at matututukan siya,” pagpapaliwanag ng doktor sa mag-asawang si Jhamie at Ronel.

Bagsak ang damdamin ng mag-asawa habang bitbit nila ang tatlong gulang na anak na may sakit sa pag-iisip. Mabagal kasi ang paglago ng isipan ng bata at nangangailangan ng espesyal na alaga at atensiyon mula sa mga magulang. Ilang taon din ang kanilang hinintay na magkaroon ng sariling anak. Subalit daing ni Ronel ay nagkaroon nga, may sabit naman. Kahit na mayaman at may pera ang dalawa, hindi pa rin talaga maging perpekto ang kanilang pamilya. Dahil dito, naging bugnutin ang mister at palagi na lamang nag-aaway ang mag-asawa.

Isang gabi, labis ang pag-aalala ni Jhamie dahil hindi umuwi ang kaniyang asawa. Halos hindi ito nakatulog buong gabi sa kahihintay sa kaniyang mister. Nang umuwi ito kinabukasan, agad nitong binungangaan si Ronel.

“Ano ba naman, Ronel?! Alam mo bang buong gabi kitang hinintay?! Kung sino-sino na ang tinawagan ko para lang magtanong kung nasaan ka pero ano? Wala kang paramdam! Nasaan ka ba kagabi ha?! Kausapin mo nga ako!” patuloy na pagbubunganga ni Jhamie sa kaniyang mister.

“Wala! Wala!” sigaw naman na tugon ni Ronel.

Mabilis itong umakyat sa kanilang silid at napatigil lamang saglit nang makita ang kanilang anak na hindi pa rin nagsasalita kahit na tatlong taong gulang na. Agad namang inutusan ni Jhamie ang kanilang katulong na ipasok sa loob ng silid ang bata upang hindi na nito marinig ang kanilang pagtatalo.

Pagpasok ni Jhamie, nakita niya nag asawa na nag-aayos ng kaniyang mga damit sa ilang maleta. Mabilis niya itong pinigilan subalit ayaw nitong tumigil sa pagsisilid ng kaniyang mga gamit. Pagkatapos sa kaniyang mga damit, agad itong umalis at tuluyan nang iniwan si Jhamie sa kanilang malaking bahay.

Lumipas ang mga araw at patuloy na naghabol si Jhamie kay Ronel. Palagi siyang pumupunta sa opisina nito ngunit imbes na kausapin siya, nilalayuan siya nito. Naririnig pa niya ang mga tsismisan ng mga katrabaho ni Ronel dahil hindi naman talaga kagandahan ang mukha ni Jhamie. Kung ikukumpara kay Ronel, malayo raw na patulan ito ng lalaki dahil ubod nang gwapo ito.

Napagod si Jhamie sa paghahabol at umiyak ng ilang mga linggo sa kaniyang silid. Buti na lamang at kumikita ng malaki ang kaniyang negosyo kaya kahit na hindi siya magtrabaho ay mayroon silang maipapanggastos.

Isang umaga, bigla na lamang nagbihis si Jhamie at maagang umalis. Nagtungo siya sa isang klinik na nagreretoke bilang pampaganda. Agad siyang nagtanong ng proseso at iniskedyul ang kaniyang operasyon. Pagkauwi niya, tiningnan niya ang sarili bilang pamamaalam sa kaniyang losyang at ‘di kaaya-ayang mukha.

Dumating ang araw ng kaniyang retoke, sa kaniyang pag-alis, nakasalubong niya ang anak na nasa kusina at kumakain kasama ang kanilang katulong.

“Mama!” masayang tawag ng bata kay Jhamie na nagbigay naman ng kasiyahan sa kaniya. Saglit na nakalimot si Jhamie nang marinig iyon sa kaniyang pinakamamahal na anak. Ngunit nagmadali siya nang makita na mahuhuli na siya sa kaniyang naka-iskedyul na operasyon.

Nagpatuloy ang ilang araw na operasyon at proseso ng pagpapalit ng mukha ni Jhamie. Pagkaraan ng mahigit tatlong linggo, nagtagumpay ang plano ni misis at nagkaroon siya ng ubod nang gandang pagmumukha. Halos hindi na nga niya maialis ang tingin sa salamin sa labis na pagkagusto niya sa naging resulta!

Pagkauwi ni Jhamie, sabik na sabik siya dahil muli niyang mahahagkan ang kaniyang anak. Sa kaniyang pagtigil sa ospital, naisip niyang tuluyan nang magpatuloy sa buhay kahit na wala si Ronel. Lubos niyang naisip kung gaano niya kamahal ang kaniyang anak kahit na hindi ito normal. At handa siyang ialay ang buong buhay para rito.

Masaya ang mukha ni Jhamie nang masilayan ang anak habang ito ay naglalaro sa kaniyang silid. Mahigpit niya itong niyakap at hinalikhalikan pa subalit malakas na tulak ang kaniyang natanggap mula rito. Kahit na patuloy niya itong lapitan ay binabato lamang siya nito ng mga laruan.

Lubos na nagsisi si Jhamie dahil hindi man lang niya mahagkan ang anak dahil hindi nito makilala ang kaniyang mukha. Nakikita rin niya kung paano ito nalulungkot dahil sabik itong makita ang kaniyang lumang mukha. Hindi na sana siya nag-aksaya ng pera at panahon sa pagpapaganda kundi nagpokus na lang sana sa pag-aalaga sa kaniyang anak na may sakit.

Kahit na anong pilit ni Jhamie, hindi na niya muling malapitan ang anak dahil sa karamdaman nito. Hindi na niya kayang kumilala ng ibang tao kundi ang mga taong nasilayan lamang niya noong siya ay ipinanganak.

Ngayon ay sinimulan na niyang mag-ipon muli ng pera dahil plano na niyang ipabalik sa dati ang kaniyang itsura. Para sa kaniya, aanhin pa niya ang maganda at perpektong mukha kung hindi naman siya makilala ng sarili niyang anak. Wala na sa kaniya kung sabihin man ng iba na pag-aaksaya ng pera ang gagawin niya, dahil ngayon, malinaw na sa kaniya na ang tanging mahalaga ay ang anak niyang pinakamamahal.

Advertisement