
Ipininta ng Binata ang Bata at ang Ina Nito; Isang Magandang Gantimpala ang Kaniyang Matatanggap nang Dahil Dito
“Bryan, ano na naman itong natanggap ko mula sa guro mo? Bagsak ka na naman daw sa klase mo? Ano ba talaga ang balak mo sa buhay mo?!” bungad ng galit na inang si Tess sa kaniyang binatang anak.
“Nay, ayaw ko naman po kasi talagang maging isang nars. Hindi ko po talaga kaya kahit ano ang gawin ko,” paliwanag naman ni Bryan.
“At ano ang gusto mong gawin? ‘Yang pagguhit-guhit mo? Bryan naman! Kailangan ay maging pratikal ka sa buhay na ito! Alam naman nating lahat na walang kahihinatnan kung magiging pintor ka lang! Ayaw mo bang makapunta sa ibang bansa at iahon ang pamilyang ito sa hirap? Ikaw na lang ang inaasahan ko, Bryan! Ayusin mo naman ang buhay mo!” saad pa ng ina.
“S-sige po, ‘nay. Gagawin ko po ang lahat para maipasa ang kurso ko,” pahayag na lang ni Bryan upang hindi na sumama ang kalooban ng kaniyang ina.
Labag talaga sa kalooban ni Bryan nang i-enroll siya ng kaniyang ina sa kursong Nursing. Pangarap kasi ni Tess na maging isang nars ang anak nang makapunta rin ito sa ibang bansa para magtrabaho tulad ng iba niyang mga pamangkin. Inggit na inggit kasi siya sa buhay na mayroon ang kaniyang ilang kaanak.
Hiwalay sa asawa itong si Tess at tanging siya lang ang tumataguyod sa tatlo niyang anak. Bilang panganay ay nakaatang sa balikat ni Bryan na bigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilya.
Ngunit kahit na anong gawin ni Bryan ay hindi niya maipasa ang ilang asignatura dahil wala talaga ito sa kaniyang puso.
“Ang ganda ng guhit mo ng puso ng tao, Bryan, dapat talaga ay hindi ka nag-narsing. Dapat talaga ay nag Fine Arts ka,” saad ng kaibigang si Leah.
“Alam mo naman kung ano ang pananaw ng nanay ko sa kursong iyan. Hindi raw kami bubuhayin ng pagguhit-guhit ko. Minsan hindi talaga patas ang buhay, ano? Pakiramdam ko kasi ay nabuhay lang ako sa mundong ito para saluhin ang responsibilidad ng mga magulang ko. Gusto ko rin namang iahon sila sa hirap pero bakit hindi ako p’wedeng mamili ng gusto ko para sa buhay ko?” sambit naman ni Bryan.
“Gano’n talaga! Sa tingin mo ba ay gusto ko rin ang nursing? Pinagbibigyan ko lang ang nanay ko nang sa gayon ay makasama ko na siya sa ibang bansa. Pero kung ako ang tatanungin, gusto kong maging flight attendant. Pero susundin ko na lang si mama dahil mas alam naman niya ang nararapat sa akin. Pero hindi dahilan ‘yun upang hindi ko tuparin ang pangarap ko. Pagkatapos kong maging isang nars ay mag-aaral akong muli upang maging isang ganap na flight attendant!” kwento naman ni Leah.
Inggit na inggit si Bryan sa disposisyon ni Leah sa buhay. Matapang ito dahil may pera ang kaniyang pamilya. Ngunit sa isang tulad ni Bryan, imposible nang matupad niya ang kaniyang pangarap.
Nang matapos ang semestre ay hindi alam ni Bryan ang kaniyang gagawin. Hindi niya alam paano ipapakita sa kaniyang ina ang kaniyang report card. Tatlo kasi sa kaniyang mga asignatura ang bagsak.
“Akala mo ay hindi ko malalaman, Bryan? Kumuha ako ng kopya ng grado mo! Talagang hindi mo ba pagbubutihin ang pag-aaral mo? Mas maganda siguro na huminto ka na lang sa pag-aaral at maghanapbuhay nang sa gayon ay makatulong ka naman sa akin! Akala mo ata ay pinupulot ko lang ang pinagpapaaral ko sa iyo!” bulyaw ng ina.
“‘Nay, wala talaga kasi sa puso ko ang pagiging isang nars. Hindi ko po talaga kaya!” tugon naman ng binata.
“At ano na naman ang ipipilit mo? ‘Yang pagguhit mo, Bryan? Sabihin na nating magaling kang gumuhit pero maraming mas magaling din sa iyo. Kapag naging isang nars ka ay sigurado na magkakaroon ka ng magandang trabaho! Kung pagpipinta lang naman ang gusto mo ay mabuti pang tumigil ka na lang sa pag-aaral!” saad pa ng ina.
Ayaw tumigil ni Bryan ng pag-aaral dahil nais rin niyang may marating at magkaroon ng magandang trabaho.
Nagtungo si Bryan sa museo upang sa huling pagkakataon ay isabuhay ang kaniyang tunay na nais sa buhay.
“Buhay ko naman ito, sana ay kaya ko ring magdesisyon para sa sarili ko,” tanging nasambit ni Bryan sa kaniyang sarili.
Habang nakaupo sa parke ay pinagnilayan niya ang mga sinabi ng kaniyang ina. Doon ay nakapagdesisyon siyang sundin na lang ang nais nito para sa kaniya.
Maya-maya, may isang bata ang panay ang sigaw at nanghihingi ng tulong.
“Ineng, ano ang nangyari?” tanong agad ni Bryan.
“Kinuha po ng lalaking iyon ang bag ko. Naroon po ang paborito kong larawan ng aking ina. Tulungan n’yo po ako!” pagmamakaawa ng bata.
Agad na hinabol ni Bryan ang binatilyong kumuha sa bag ng batang babae. Mabuti at naabutan niya ito at naibalik ni Bryan ang bag sa kaawa-awang bata.
“Maraming salamat po, kuya. Hindi n’yo po alam kung gaano kaimportante sa akin ang larawang ito,” saad pa ng bata.
“Ako nga pala si Kuya Bryan. Maaari ko bang tingnan ang larawan ng iyong ina? Nasaan pala ang tagapangalaga mo? Bakit mag-isa ka lang na narito?” saad ni Bryan.
“Ako naman po si Sophia. Ito po ang larawan ng aking ina. Paborito ko po ito kasi napakaganda niya rito. Marami ang nagsasabi na kamukha ko raw po siya sa larawang ito. Sa totoo lang po ay lumayo po kasi ako sa yaya ko kaya po ganito ang nangyari sa akin,” pahayag pa ng bata.
Nababanaag ni Bryan sa mga mata ni Sophia ang labis na pagtangi nito sa tangan na larawan.
“Sa susunod ay huwag ka nang lalayo sa yaya mo. Tara at hanapin natin siya. Siya nga pala, maaari ko bang kunan ka ng litrato at ang larawang ito? May nais lang akong gawin. Tuwing kailan ka ba narito sa parke?” tanong pa ng binata.“Tuwing hapon po ay dinadala ako rito ng yaya ko. Ayon na po si yaya ko, Kuya Bryan. Maraming salamat po! Sana ay magkita po tayo ulit dito,” masayang sambit ng bata.
Pagbalik sa bahay ay agad na iginuhit ni Bryan si Sophia kasama ang kaniyang ina. Nais niyang makagawa naman ng magandang obra bago niya talikuran ang pagpipinta.
Inabot din ng tatlong araw bago matapos ni Bryan ang larawan ng bata at ina nito.
Nang matapos niya ang obra ay dumaan siya ng parke at nagbabakasakaling makita niya roon si Sophia.
Makalipas ang dalawang oras na paghihintay ay dumating na nga si Sophia kasama ang yaya nito.
“Sophia, kanina pa kita hinihintay! May nais sana akong ibigay sa iyo,” sambit ni Bryan.
“Kumusta na po, Kuya Bryan? Ano po ba ang gusto niyong ibigay?” nakangiting tanong naman ni Sophia.
Iniabot ni Bryan ang canvass sa bata. Nang makita ni Sophia ang larawan ay hindi nito maiwasan ang maiyak.
“Maraming salamat, Kuya Bryan! Ito po ang pinakamagandang regalo na natanggap ko. Napakagaling n’yo pong gumuhit! Hindi na po ako makapaghintay na iuwi ito!” tuwang-tuwa ang bata.
Nang maghiwalay sila ng landas ng bagong kaibigan ay tinanggap na ni Bryan na kailangan na niyang tahakin ang daan sa pagiging isang nars at tuluyang talikuran ang pagpipinta.
Akala ni Bryan ay magiging madali para sa kaniya na tapusin ang kurso. Ngunit kahit anong gawin niyang pag-aaral ay patuloy pa rin ang kaniyang pagbagsak sa mga asignatura. Dito na niya tinanggap na hihinto na lang siya ng pag-aaral upang maghanapbuhay.
Dahil nais niyang makapag-isip ay nagtungo sa parke itong si Bryan. Habang naglalakad-lakad siya ay nakasalubong niyang muli si Sophia. Sa pagkakataong ito ay kasama na ng bata ang kaniyang lolo.
“Kuya Bryan, ang tagal ka naming hinintay ng Lolo ko rito sa parke. Bakit ngayon ka lang nagpunta?” bungad ni Sophia.
“Siya nga pala, lolo, siya po si Kuya Bryan, siya po ang lalaking nagpinta ng larawan ko kasama si mama. Ang galing niya po, ‘di ba?” dagdag pa ng bata.
“Talagang sinadya kita rito, Bryan, para pasalamatan. Alam mo kasi, habang ipinagbubuntis ng aking anak itong si Sophia ay nasunog ang aming bahay. Kasama ng mga larawan ay hindi rin nakaligtas ang aking anak at mirakulo namang nabuhay itong apo ko. Kahit kailan ay wala siyang alaala ng kaniyang ina. Ang tanging mayroon lamang siya ay ang larawang tangan niya na bigay pa ng isang kamag-anak. Napakabuti ng ginawa mo dahil pinagtabi mo sila sa larawan. Ngayon ay natupad na ang hiling ng apo ko na magkasama sila ng kaniyang ina. Napakabuti ng puso mo,” walang hanggang pasasalamat ng matandang si Don Jaime.
Nagulat si Bryan sa inilahad ng matanda. Hindi niya akalain na wala na palang ina itong si Sophia.
“Wala pong anuman, masaya po ako at kahit sa maliit na paraan ay napasaya ko itong si Sophia,” tugon naman ng binata.
“Sigurado ako na ikaw ang pinakamagaling sa klase mo. Ipagpatuloy mo ang magaling na pagpipinta, hijo,”
Dito na napayuko si Bryan.
“Naku, h-hindi po. Lagi nga po akong bagsak sa klase. Sa katunayan po kasi ay wala pong kinalaman sa pagguhit ko ang kurso ko ngayon. Kumukuha po ako ng kursong nursing dahil sa kagustuhan ng aking ina. Kaso hindi ko po talaga maipasa kahit anong gawin ko,” kwento pa ng binata.
Nagulat ang matanda sa pahayag na ito ng binata. Lalong naging interesante ang matanda sa buhay ni Bryan. Sa tagal ng kanilang pag-uusap ay napatunayan ng matanda ang pagmamahal ng binata sa sining.
“Alam mo, Bryan, hindi matatawaran ang kakayahan mo at ayaw kong masayang ito. Nais sana kitang alukin. Nais kitang pag-aralin sa kursong gusto mo. At marami akong kakilala na nais makita rin ang kakayahan mo. Ano sa palagay mo? Nais mo ba itong bigyan ng pagkakataon?” alok ng matanda.
Hindi na makapagsalita pa si Bryan. Nanlaki ang kaniyang mga mata dahil tila isang panaginip lamang ito.
“G-gusto ko po! Nais ko mang magpakitang tao sa inyo ay ayaw ko pong lumipas ang pagkakataong ito. Susunggaban ko po ang alok niyo at sisiguraduhin kong hindi kayo magsisisi!” mabilis na sagot ng binata.
Nang gabing iyon ay umuwi si Bryan upang sabihin sa kaniyang ina na hindi na niya itutuloy ang pagiging isang nars. Galit man ang ina ay pinabayaan na lang din niya itong si Bryan.
Pinagbutihan ni Bryan ang kaniyang pag-aaral. Pinatunayan niya sa mayamang matandang nagpapaaral sa kaniya na karapat-dapat siya sa pagkakataong ibinigay sa kaniya.
Hindi naglaon ay nakatapos ng pag-aaral si Bryan at nakapagtrabaho sa ibang bansa dahil na rin sa rekomendasyon ni Don Jaime. Dahil sa galing na ipinamalas ni Bryan ay naging tanyag siyang animator at ngayon ay naninirahan na sa ibang bansa.
Natupad niya ang kaniyang pangarap na ipagpatuloy ang kaniyang hilig at hindi lamang iyon, nabigyan din niya ng magandang kinabukasan ang kaniyang pamilya.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Bryan sa narating niya sa buhay, at dahil lamang iyon sa pagmamagandang loob niya sa bata na ipinta ito kasama ang kaniyang yumaong ina.