
Naging Byuda ang Misis Matapos Makulong ang Mister Dahil sa Isang Karumaldumal na Kasalanan; Desidido Siyang Tapusin ang Sanggol sa Kaniyang Sinapupunan
“Ingatan mo ‘yang baby ko ha? Mana sa akin ‘yan panigurado!” humahalakhak pang wika ni Daryl sa kaniyang misis habang sila ay nag-uusap sa piitan. Dalawampu’t walong taong gulang na ang lalaki at sinampahan ng patong-patong na kaso na nahatulan naman ng habambuhay na pagkakakulong.
“Ang kapal ng mukha mo! Ang kapal-kapal mo!” sigaw at hampas naman ang inabot ni Daryl sa kaniyang misis matapos nitong manggigil sa sinabi niya.
Marami ang nagsasabing mayroon daw sakit sa pag-iisip ang mister. Noon ay hindi matanggap ni Cherry na ikinasal siya sa isang taong kayang pum*sl*ng ng tao. Mabait at masipag kasi itong asawa. Subalit nagulat na lamang siya matapos silang sugurin ng mga pulis isang gabi habang sila ay nasa kalagitnaan ng pagtulog. Ngayon naman ay hindi matiis ni Cherry ang pagmumukha ng mister dahil sa labis na pagkamuhi niya rito.
Nang tanghali na iyon, agad na nagpakonsulta si Cherry sa mga doktor. Doon ay agad niyang sinabi ang kaniyang kwento at plano na hindi na lamang itutuloy ang kaniyang pagbubuntis. Subalit dahil malaki na ang kaniyang tiyan, walang doktor o sinuman ang nais na tumulong kay Cherry upang gawin ang kaniyang binabalak.
Nalaman kasi nito mula sa mga doktor sa ibang bansa na namamana raw ang sakit sa pag-iisip ng kaniyang asawa. Labis na ikinakatakot ni Cherry na magsilang at magpalaki siya ng isang taong gaya ng kaniyang mister.
Pagkauwi ni Cherry, agad niyang kinuha ang mga pagkain sa kaniyang ref at cabinet at ipinamigay ang mga ito sa kaniyang mga kapitbahay. Subalit wala ni isa ang tumanggap dahil inuulan na rin siya ng poot at galit ng mga tao sa kaniyang paligid, maging sa buong bansa.
Mabilis na nag-isip ng paraan si Cherry. Tinapon niya ang mga pagkain at tiniis ang gutom sa tuwing kumakalam ang kaniyang sikmura. Maya’t maya rin kung suntukin niya ang tiyan dahil sa labis na galit na kaniyang nararamdaman.
Dahil sa sobrang hina ng katawan, matapos ang isang linggo, tuluyan nang nawalan ng malay si Cherry at natagpuan siya ng kaniyang matalik na kaibigan na nakahandusay sa sahig habang nakahawak sa kaniyang tiyan.
Pagkaraan ng tatlong buwan, dahan dahan na minulat ni Cherry ang kaniyang mga mata. Una niyang nasilayan ang kaniyang kaibigan na si Liza habang paulit-ulit siyang tinatawag sa kaniyang pangalan.
“Che! Che!” pag-uulit pa nito.
Matapos niyang maalala ang kaniyang pagbubuntis at nangyari sa kaniya, agad niyang kinapa ang tiyan at napansin na humupa na ang malaki niyang tiyan. Huminga nang malalim si Cherry na para bang ikinagaan ito ng kaniyang loob.
“Naalala mo ba ako?” pag-aalalang tanong ng kaniyang kaibigan.
“Oo naman! Bakit hindi?” nakangiti naman niyang tugon.
“Tatlong buwan ka nang walang malay. Ang sabi ng mga doktor dahil daw iyan sa stress at sobrang gutom na ginawa mo sa sarili mo,” pagpapaliwanag naman ni Liza.
Nagulat si Cherry nang marinig ito sa kaibigan at kaagad na tinanong ang kalagayan ng kaniyang anak. Ngunit nadismaya siya nang malaman na buhay ang kaniyang anak na lalaki. Malusog ito at naagapan matapos niyang mawalan ng malay.
Noong araw na siya ay lalabas na ng ospital, payapa at tahimik na ang lahat. Wala na sa balita ang kaniyang asawa at humupa na rin ang galit ng mga tao sa kaniya. Mabuti na lamang at inilipat siya ng bahay ni Liza upang makapagsimulang muli.
Pagkauwi nila sa kanilang bahay, muling napanaginipan ni Cherry ang masamang nangyari sa kaniya at sa asawa. Nagbalik sa kaniyang ala-ala ang banta nito na kagaya niya ang kanilang anak. Sakto naman na narinig niya ang iyak ng bata at agad siyang nagtungo doon.
Dahan dahan niyang hinawakan sa leeg ang bata habang ito ay patuloy na umaatungal. Hinigpitan niya ito nang kaunti ngunit biglang dumating si Liza at inawat siya.
“Nababaliw ka na ba?! Anak mo ‘to!” sigaw ni Liza sa kaniya habang pinapatahan ang bata.
“Oo, anak ko ‘yan, pero anak din ni Daryl ‘yan!” muling sigaw ni Cherry. Habang patuloy nitong sinasambit ang pangalan ng kaniyang asawang nakakulong, bumagsak siya at nanginig sa sahig.
Pagmulat ng mata ni Cherry, nakita niya ang sariling nakatali ang mga kamay sa kama. Naroon ang mga doktor at nars na nakapalibot sa kaniya. Nang tanungin niya kung nasaan siya, sinabi naman ng mga ito na siya ay nasa mental hospital.
“Hindi ako baliw! Hindi ako nasisiraan ng ulo! Hindi! Hindi!” paulit-ulit na sigaw ni Liza sa silid at muli siyang pinatulog ng mga doktor.
Pagkalipas ng limang taon, nakatulala si Cherry habang hawak ang manika na paulit-ulit niyang sinasakal sa tuwing siya ay sinusumpong. Binisita siya ni Liza kasama na ang kaniyang limang taong gulang na anak. Lumaking matalino at mabait na bata ang kaniyang anak. Malayo sa kaniyang ama na nasa piitan. Subalit hindi na sila makilala ni Cherry dahil tuluyan na itong nasiraan ng bait.