
Perpekto na Raw ang Buhay ng Misis sa Piling ng Kaniyang Perpektong Mister; May Malagim na Lihim Pala Itong Itinatago
“Isa na namang labi ang natagpuan na walang ulo ang isinilid lamang sa isang sako,” pagpapatuloy ng balita habang nanonood sina Gina at Rex sa kanilang hapag nang gabing iyon.
Mabilis itong inilipat ni Gina dahil nagtaasan ang kaniyang mga balahibo. Sabay naman nito ay ang kaniyang paghawak sa tiyan na may lamang walong buwang sanggol.
“Ang sama na talaga ng mundo ngayon. Kaya aalagaan kita, anak, paglabas mo. Poprotektahan ka namin ni papa, tama ba, mahal?” malambing na banggit naman ng misis sa kaniyang sanggol na nasa sinapupunan niya.
“Oo naman. Walang sinuman ang pwedeng manakit sa anak natin,” nakangiting tugon naman ni Rex sa kaniyang misis.
Ilang araw ang nagdaan, labis ang pag-iingat ni Gina lalo na’t malapit na ang kaniyang kapanganakan. Abala naman ang kaniyang mister dahil ito ay maninistis sa utak. Kilala ito hindi lamang sa lungsod kundi pati na rin sa buong bansa dahil kahit na bata pa ito, magaling na at may napatunayan na si Rex.
Sa tuwing linggo, hindi nakakalimutan ng mister na samahan si Gina na magpakonsulta sa doktor at sinisiguradong magiging ligtas ang kaniyang misis at anak. Hindi rin niya nakakalimutang magbigay ng mga maliliit at malalaking sorpresa upang panatilihing masaya ang kaniyang asawa. Palaging nararamdaman ni Gina kung gaano siya kamahal ng asawa. At para sa kaniya, wala na siyang mahihiling pa.
“Mahal, may oras ka ba para sa Huwebes? Gusto ko sana makapunta sa isang park. Iyong bagong tayo lang sa may lungsod?” masayang imbita ni Gina sa kaniyang asawa.
“Pasensya na, mahal. May naka-iskedyul akong opera sa araw na iyan. Kung gusto mo sa ibang araw na lang o kaya sa Linggo na lang para masamahan kita ha? Huwag na huwag kang lalabas mag-isa at delikado ang panahon ngayon. Ayos ba iyon?” pag-aalala naman ni Rex sa kaniyang asawa.
Labis itong ikinalungkot ni Gina dahil sa araw na iyon ay makikita sana nila ang bandang paborito nila noong sila ay nasa kolehiyo pa. Ngunit dahil may tamang rason naman ang asawa, hinayaan na lamang ni Gina ang pagkakataong makita ang paboritong banda.
Dumating ang araw ng Huwebes at nakita ni Gina mula sa kaniyang selpon na naroon na ang bandang matagal na niyang kinagigiliwan. Dahil sa pagkasabik, nakaisip si Gina ng isang pilyong pagkakasala mula sa asawa.
“Hindi naman ako lalapit sa mga tao. Saka… saglit lang! Saglit!” pangungumbinsi ni Gina sa kaniyang sarili. Agad siyang nagbihis at kinuha ang sasakyan at nagmaneho patungo sa parke na kaniyang tinutukoy.
Pagkarating sa parke, hawak niya ang kaniyang tiyan habang pinapanood sa malayo ang banda na kaniyang paborito. Habang sumasabay sa tugtog, nakangiti ito at nagmasid sa kaniyang paligid. Naroon sa kaniyang tabi ang isang ginang na katulad niya ay buntis din. Nagkaroon sila ng kaunting pag-uusap dahil pareho nilang kinagigiliwan ang banda. Maligaya na sana ang lahat ngunit bigla na lamang nasipat ng kaniyang mga mata ang asawa na naglalakad habang nagmamasid sa mga tao. Agad niyang tinakpan ang mukha at nagtungo kung saan niya iniwan ang kotse. Mabilis siyang nagmaneho upang bumalik sa kanilang bahay.
Pagkarating na pagkarating, mabilis siyang nagbihis ng pambahay at nagkunwaring mayroong nilulutong cake sa kusina. Ilang sandali lamang ay umuwi na rin si Rex. Hindi naman ito nagtanong ng kung ano ano sa kaniya na ikinagaan ng kaniyang loob.
“Kumusta ang pasyente mo? Anong oras na natapos ang opera mo?” sunod sunod na tanong nito.
“Okay naman siya. Nagkaroon lang ng komplikasyon kaya medyo nahuli na ako ng uwi,” pagpapaliwanag naman ni Rex sa asawa.
Hindi na nasundan ang maraming tanong ng misis dahil hindi naman niya masabing nakita niya ang mister sa parke. Ngunit wala naman itong ibang kasama kung kaya’t minabuti na lamang ni Gina na palampasin ang pagkakataong iyon. Mabuti na lamang din at hindi siya nakita ng asawa.
Ilang araw ang lumipas, habang naggagayat ng mga gulay si Gina, nanonood siya ng balita. Bigla na namang may ibinalitang nasawi, at gaya ng dati ay natagpuan ang labi nito na wala nang ulo. Ang tanging naiwan lamang ay isang singsing na akala ng lahat ay pag mamay-ari ng biktima.
Lubos na sumikip ang dibdib ni Gina nang makita ang pangalan ng ginang na kaniyang nakausap sa parke. Ang matindi pa rito ay nakita niya ang singsing na ibinigay niya sa kaniyang mister. Tanda niya ito dahil siya mismo ang naghulma nito noong sila ay nasa ibang bansa bago sila ikasal.
Pagkauwi ni Rex, nanibago ang tingin ni Gina sa mister. Lahat ng kaniyang tanong ay sinasagot naman ng mister ngunit ayaw na niyang maniwala. Upang manatiling ligtas, minabuti ni Gina na magpanggap na masama ang pakiramdam at nauna nang matulog.
Kinaumagahan, maagang umalis ang kaniyang mister. Pagkaalis na pagkaalis nito, agad siyang nagpunta sa presinto upang ireport ang lahat ng kaniyang nalalaman. Hindi pa man nakakalipas ang ilang oras, agad na hinalughog ng mga pulis ang bahay nina Gina at doon nakita ang maraming ebidensiya ng pagiging suspek ng kaniyang asawa.
Agad itong hinuli sa kaniyang pinagtatrabahuang ospital habang naiwan naman si Gina na luhaan at bigo sa akala niya ay perperktong buhay at asawa na mayroon siya. Hindi niya akalain na ang inaakala niyang perpektong mister ay may itinatago palang karumaldumal na pag-uugali. Dahil mahigit pa sa sapat ang mga nakalap na ebidensya laban sa mister ay hindi na siya nagsayang ng oras na makausap pa ito at hayaang magpaliwanag. Nagpapasalamat na lamang siya sa Diyos at hindi siya Nito pinabayaan sa loob ng ilang taong pakikisama niya sa mister na isa na nga ngayong nahatulang seri@l k*ll*r. Matapos mahatulan ng panghabambuhay na pagkakakulong ang lalaki ay bumalik na ang katahimikan at kapayapaan sa kanilang lugar.
Mabuti na lamang at hindi pa huli ang lahat upang makapagsimula para sa kaniya at sa kaniyang magiging anak. Sa tulong ng kaniyang mga kaibigan at kamag-anak, babangon siyang muli at haharapin ang bukas sa kabila ng napakapait niyang nakaraan.

Nakilala ng Binata ang Dalaga nang Muntik na Nitong Tapusin ang Sariling Buhay; Mariin Niyang Naikuyom ang Kamao nang Marinig ang Dahilan Nito
