Pinagdamutan ng Kapatid ang Ginang Dahilan Upang Magtanim Siya ng Galit Dito, Minsang Bumaliktad ang Tadhana’t Siya’y Naging Masagana
“Ate, bakit mo naman pinagbuhatan ng kamay ang anak ko? Gusto lang naman no’n makipaglaro sa anak mo, eh,” reklamo ni Kari sa kaniyang nakatatandang kapatid matapos umuwing umiiyak ang kaniyang anak.
“Naku, Kari, ‘yang anak mo, nagtatatalon doon sa sofa namin! Tapos napakadumi pa ng paa! Alam mo bang kakabili lang no’n? Ayun, puro bakas na nang nanggigitatang paa ng anak mo!” galit na sambit ng kaniyang kapatid na si Lisa.
“Ate naman, bata pa ‘yan, eh, bakit naman pagbubuhatan mo agad g kamay? Iyak tuloy nang iyak,” malumanay niyang ika na naging dahilan pa ng lalong pagkagalit ng kaniyang kapatid.
“Edi huwag mo papuntahin dito sa amin ‘yan kung ayaw mong napapalo ko! Mabuti nga’t pinapatuloy ko pa ‘yang anak mo dito sa bahay kahit na amoy isda at araw ‘yan, eh!” bulyaw pa nito sa kaniya.
“Sobra ka naman, ate!” daing niya pa.
“Talagang sobra! Kadiri kayo! Linisin mo muna ‘yang anak mo bago ka magreklamo!” sigaw nito sa kaniya saka siya pinagsaraduhan ng pintuan, mangiyakngiyak siyang umuwi sa kanilang bahay at agad na niyakap ang umiiyak pa rin na anak.
Bunso sa anim na magkakapatid ang ginang na si Kari. Lahat ng lima niyang mga kapatid ay pawang umangat na sa buhay. Ang iba’y nasa ibang bansa na at doon na naninirahan habang ang isa niyang kapatid ay isa nang matagumpay na negosiyante dito sa Pilipinas.
Kaya ganoon na lamang siya naaawa sa buhay na mayroon sila ng kaniyang anak. Mag-isa niya itong binubuhay sa paglalabada.
Hindi niya man lang ito mabili ng laruan o kahit na tsinelas dahil sapat lamang ang kaniyang kinikita sa pangkain nilang dalawa.
Maswerte na nga siya kung maaabutan man ng pera ng nag-iisa niyang kapatid dito sa Pilipinas na walang halong sama ng loob. Madalas kasi, kapag binibigyan siya nito, labis pang pagbubunganga ang kaniyang matatanggap bago niya matanggap ang kakarampot na pera. Ni hindi naman magawang makausap ang mga kapatid niya sa ibang bansa dahil nga wala siya kahit na selpon, ayaw din naman siyang pahiramin ng kaniyang kapatid dahil ika nito, “Baka masira mo lang, mangmang ka pa naman.”
Tiniis niya ang lahat ng pang-aalipustang natanggap niya, gunit tila napuno na siya nang pagbuhatan ng kamay ng kaniyang kapatid ang kaniyang anak nang dahil lang sa bagong bili nitong sofa. Simula noong araw na ‘yon, ipinangako niya sa sarili niyang kahit pa hirap na hirap na, hinding-hindi na siya hihingi ng tulong sa kapatid niyang iyon.
Wala mang araw na hindi siya nahirapang kumayod, taas noo pa rin siyang nangarap. Ika niya pa, “Pagtatapusin ko ang anak ko ng pag-aaral at siya ang magiging tulay ng tagumpay naming dalawa.”
Nang tumuntong na sa kolehiyo ang kaniyang anak, naisip na nitong magtrabaho habang nag-aaral upang siya’y matulungang kumita. Dahil dito, unti-unti silang nakaipon, at nagtayo ng sarili nilang maliit na tindahan. Pinatigil na rin siya sa paglalabada ng kaniyang anak dahil nga siya’y nagkakaedad na.
Ilang taon pa ang lumipas, nakapagtapos na nga ang kaniyang anak at tuluyan nang naabot ang pangarap na maging isang guro. Labis ang kaniyang saya dahil dahil dito. Lahat ng kaniyang paghihirap, unti-unti nang nababawi ng kaniyang anak.
Nagawa na niya rin makausap ang mga kapatid niya sa ibang bansa nang mabilhan siya ng selpon ng kaniyang anak. Doon niya ikinuwento sa mga ito ang sama ng loob niya sa kapatid nilang iyon. Ngunit habang kausap niya ang mga kapatid sa selpon, bigla na lamang may kumatok sa kanilang bahay.
Narinig niyang pinagbuksan ito ng kaniyang anak dahilan upang magpaalam muna siya sa kaniyang mga kapatid at ibaba ang tawag.Nadatnan niya ang kaniyang kapatid na si Lisa sa kanilang sofa. Agad niya itong nilapitan at inikang, “Naku, baka madumihan ang sofa namin, ha? Bagong bili lang ‘yan ng anak ko!” dahilan upang biglang mapatayo ang kaniyang nanghihina niyang kapatid.
Agad naman siyang hinila ng kaniyang anak sa kwarto nang marinig siya nito. Doon niya nalamang iniwan na pala ito ng kaniyang mga anak bitbit-bitbit ang mga ari-arian nito. Nalaman niya ring may malubha na itong sakit at wala nang ibang mahingan ng tulong.
“Maaawa ka d’yan? Eh, noong tayo nga ang naghihirap, pinagbubuhatan ka pa ng kamay niyan! Napakamatapobre pa niyan, ayaw niyang madudumihan ang sofa niya!” ika niya, bakas sa kaniyang mukha ang galit.
“Mama, kapatid mo pa rin siya. Hahayaan mo bang maging katulad ka niya dahil lang sa galit na naipon sa puso mo?” sambit ng kaniyang anak, “Nagsumikap po ako para sa ating dalawa, hindi po para makaganti ka sa kapatid mo,” dagdag pa nito na tila nakapagpagising sa kaniya.
Napaisip siyang tama nga ang kaniyang anak kaya naman agad siyang pumunta muli sa kanilang sala at kinausap ng maayos ang kaniyang kapatid. Iyak ito nang iyak habang humihingi ng tawad sa kanilang mag-ina.
Tumango-tango lang siya habang yakap-yakap ang kapatid at nangakong tutulungan niya ito.
Sa tulong ng kaniyang anak at iba nilang mga kapatid, nagawa nga nilang ipagamot ang ginang. Doon na tuluyang nagkaayos ang relasyon nilang magkapatid na ikinatuwa naman ng lahat.
Kahit pa anong pait ang bigay ng isa nating kapatid, kapag talaga sila’y nangailangan na, nabubuhay ang ating dugo upang tumulong.