Nakaranas ng Pangmamaliit ang Dalagang Ito Dahil Maaga Siyang Nag-asawa, Ginawa Niya Itong Inspirasyon at Nagtagumpay sa Buhay
“Jersa, nakita ka raw ng pinsan natin sa unibersidad na pinapasukan niya. Doon ka rin nag-aral bago ka mabuntis, ‘di ba? Anong ginagawa mo doon?” pang-uusisa ni Madel sa kapatid niyang nagpapatulog ng anak, isang araw nang dalawin niya ito.
“Nagpasa ako ng mga dokumento, ate, napagdesisyunan ko pong mag-aral ulit. Gusto ko talagang maging isang abogado, eh,” nakangiting tugon ni Jersa, bakas sa mukha niya ang kagustuhang maabot ang pangarap.
“Naku, kung gusto mo talagang maging isang abogado, sana hindi ka muna nagpabuntis d’yan sa nobyo mo! Mag-aaral ka, nagtatrabaho naman ang asawa mo, sinong magbabantay sa anak mo? Si mama?” sermon nito sa kaniya dahilan upang mabigla siya sa mga sinabi nito.
“Ate naman,” tanging tugon niya.
“Sumama ka na lang sa akin sa Saudi, magtrabaho ka na para sa anak mo, hindi yung magsasayang ka pa ng panahon! Nasayang mo na buhay mo, kaya magtrabaho ka na!” bulyaw pa nito na talaga nga namang nakapagpatungo na lang sa kaniya, “Naku, bahala ka nga d’yan, tinutulungan ka na, sisimangutan mo pa ako!” dagdag pa nito saka tuluyang umalis. Naiwan naman siyang mangiyakngiyak habang pinalatahan ang anak niyang nagising sa bunganga ng nakakatanda niyang kapatid.
Bunso sa dalawang magkapatid si Jersa. Bata pa lamang sila, naramdaman na niya ang inggit ng kaniyang kapatid sa kaniya. Siya kasi ang paborito ng kaniyang ama at palaging isinasama kahit saan man ito magpunta. Kaya ganoon na lamang ang pagmamaliit nito sa kaniya nang malamang nitong buntis siya sa edad na bente anyos.
Lalo pang umigting ang pangmamata nito sa kaniya nang manganak siya at umasa sa kanilang mga magulang. Ika pa nito, “Pinag-aral ka na nga sa magandang unibersidad, nagawa mo pang unahin ang landi mo, ayan, ngayon magpapabigat ka pa sa pamilya natin,” na labis niyang kinimkim dahilan upang magdesisyon siyang mag-aral muli upang makabawi sa kanilang mga magulang at maabot ang pangarap niyang pagiging abogado.
Ngunit labis pa rin siyang binaba nito nang malamang mag-aaral muli siya. Noong araw na iyon, matapos siyang sermunan ng kaniyang ate, siya namang dating ng kaniyang nobyo. Nadatnan siya nitong umiiyak habang pinapasuso ang kanilang anak.
Ikinuwento niya ito sa kaniyang nobyo habang humahagulgol. Niyakap siya nito sabay sinabing, “Basta ako, naniniwala ako sa kakayahan mo, huwag kang sumuko! Nagkamali man tayo, maaabot mo pa rin ang pangarap mo. Andito lang ako, mahal, susuportahan kita sa lahat ng laban mo,” dahilan upang kahit paano, gumaan ang kaniyang loob.
Nag-aral nga muli si Jersa kasabay nang pag-aalaga sa kaniyang anak. Pag-usapan man siya ng ibang mag-aaral, hindi niya ito iniintindi at isinusubsob lamang ang sarili sa pag-aaral. Paminsan pa nga’y sinasama niya ang kaniyang anak sa kaniyang klase at doon na nga siya hinangaan ng nakararami.
Nang dahil sa angking talino’t determinasyon, nagawa niyang makapagtapos at sa loob ng ilang buwan siya’y matiyagang nag-aral para sa kaniyang bar exam upang maging isang ganap na abogado.
Nagawa niya ngang makakuha ng pagsusulit na iyon at isang taon ang nakalipas, lumabas na nga ang resulta ng pagsusulit na iyon.
“Mahal, abogado ka na!” mangiyakngiyak na sambit ng kaniyang asawa, isang umaga pagkagising niya.
Dali-dali niya ngang tinignan ang listahan ng mga nakapasa at doon niya nga nakita ang kaniyang pangalan. Nagtutumalon siya sa saya at agad na niyakap ang nobyo.
“Salamat, nagtiwala ka sa akin, salamat, salamat!” hagulgol niya habang mahigpit na yakap ang kaniyang mag-ama.
Ganoon na lamang kasaya ang kaniyang mga magulang sa nang ibalita niya ito. Mangiyakngiyak siyang niyakap ng kaniyang ama. Halos mapaluhod naman siya sa saya nang lapitan siya ng kaniyang nakatatandang kapatid at bigla siyang niyakap.
“Pasensya ka na kung hindi ako naniwala sa kakayahan mo. Mga pagkakamali mo lang ‘yong tinignan ko. Patawarin mo ang ate, sobra kitang ipagmamalaki ngayon. Siguro nga, mas magaling ka sa akin kaya paborito ka ng lahat lalo na si papa,” sambit ng kaniyang ate dahilan upang magtawanan ang kanilang mga magulang, “Kaya ngayon, tanggap ko na ang lahat at gagawin kitang inspirasyon para magtagumpay din ako sa buhay,” dagdag pa nito saka siya mahigpit na niyakap.
Simula noon, hindi na siya muli napagsalitaan ng kaniyang kapatid bagkus, siya pa ang tumutulong dito. Masaya rin niyang ginagawa ang kaniyang trabaho bilang abogado. Unti-unti siyang nakaipon kasabay nang paglaki ng kaniyang anak.
Hindi naman kalaunan, nagdesisyon na silang magpakasal ng kaniyang nobyo. Ganoon na lamang siya kasaya sa buhay na mayroon siya. Nahirapan man siya noong una, matamis na tagumpay naman ang kaniyang abot kamay ngayon.
Basta talaga may isang taong naniniwala sa’yo, magiging magaan lahat ng iyong kakaharapin.