Ayaw ng Dalaga na Magturo sa mga Batang Nakatira sa Sementeryo, Ito Pala ang Kukumpleto sa Buhay Kolehiyala Niya
“Shella, sama ka naman ulit sa amin sa sabado. Magtuturo ulit tayo ng mga batang kalye doon sa sementeryo,” sambit ni Tere, saka naupo sa tabi ng naturang dalagang abala sa pagkain ng kaniyang tanghalian.
“Ah, eh, ano kasi, ate, may gagawin po kasi ako sa umaga,” kamot-ulong tugon ni Shella saka siya humigop ng mainit na sabaw, bakas sa mukha niya ang pag-aalinlangan.
“Huwag ka mag-alala, umaga at hapon naman kami nagtuturo doon. Sobrang daming batang kalye doon, eh, kaya hinahati namin. Pwede kang sumama sa amin sa hapon,” nakangiting sagot nito sa kaniya.
“Ay, o, sige po, susubukan ko, ate,” walang kasiguraduhan niyang sambit.
“Sige, sana makasama ka namin! Hinahanap ka ng mga bata noong isang linggo, eh. Ingat ka, Shella!” ika nito, saka na siya tuluyang nilisan.
“Ingat din po kayo,” magtipid niyang sambit saka napabuntong hininga.
Nasa ika-tatlo na niyang taon sa kolehiyo ang dalagang si Shella. Sikat sa kanilang paaralan ang mga grupo ng kabataang tumutulong sa kanilang komunidad. May mga nagpapakain sa mga batang kalye, nagbibigay ng kaunting pangkabuhayan sa mga salat sa buhay at mayroon din namang nagtuturo sa mga batang nasa sementeryo.
At noong isang linggo lang, naharang siya ng grupong nagtuturo sa sementeryo at napilit siyang makiisa. Naging maayos naman ang kanilang pagtuturo sa mga bata, kaya lang, diring-diri siya sa mga ito. Pawang mga batang kalye ang kanilang tinuturuan doon, mahahalata mo sa itsura at amoy ng mga ito na wala pa silang ligo. Katulad ng ibang mga bata makukulit din ang mga ito. Ang iba’y dumadagan pa sa kaniya habang ang iba naman, nagpapakarga pa. Ang lagkit at amoy ng mga ito’y dumikit na sa kaniyang katawan dahilan upang ipangako niya sa sariling hindi na siya muling babalik doon.
Pagtapos siyang kausapin ng namumuno sa operasyon na iyon, palagi na niya itong iniiwasan sa kanilang paaralan. Ginagawa niya ang lahat upang hindi niya ito makasalubong o kahit makatinginan man lang sa kanilang kantin.
Hanggang sa dumating na nga ang araw ng sabado. Pilit siyang tinatawagan nito at inaanyayahang sumama sa pagtuturo. Hindi niya pinapansin ang mga mensahe’t tawag nito.
Ngunit mayamaya, bigla na lamang siya tinawag ng kaniyang ina dahil may mga naghahanap daw sa kaniya. Noong una’y ayaw niyang lumabas dahil akala niya, iyon ang dalagang kumukulit sa kaniya ngunit nang sumigaw ulit ang taong naghahanap sa kaniya, agad siyang napalabas.
“Ate Shella!” sabay-sabay na sigaw ng mga batang minsan niyang tinuruan.
“Turuan niyo na po ulit kami! Gusto po namin ikaw ang magturo sa amin magbasa at magsulat. Hindi po kami naturuan nila Ate Tere kanina, eh, bigla po kasi silang pinatawag sa paaralan niyo,” ika ng isa sa mga bata.
“Halika na, ate, gusto ko na po ulit matuto,” yaya pa ng isang bata.
“Naligo na rin po kami sa ilog, ate, para hindi ka na mamaho dahil sa amin,” patawa-tawang sambit pa ng pinakabata sa kanila.
Tila natunaw naman ang puso ng dalaga sa mga sinabi ng mga batang iyon dahilan upang sumama na siya sa sementeryo’t turuan ang mga ito.
Bakas sa mga mukha ng batang iyon ang kasabikan sa edukasyon. Ngiting-ngiti ang mga ito habang ikinukwento niya ang alamat ng mga gulay. Makulit man ang iba’y natutunan niyang pakisamahan ang mga ito.
Doon niya na lamang napagtantong kay sarap pa lang mapaligiran ng mga walang muwang na batang masaya na sa simpleng lapis at papel.
“Siguro nga naging maselan lang ako noong unang araw ko nang pagtuturo kaya nangangako na ako ngayong gagawin ang lahat ng makakaya ko upang matuto ang mga batang ito,” sambit niya sa sarili habang nakangiting pinagmamasdan ang mga batang nagsusulat ng kanilang mga pangalan.
Nabalitaan ng namumuno sa operasyong iyon ang ginawa niyang pagtuturo sa mga bata dahilan upang labis itong magpasalamat sa kaniya.
“Pasensya ka na at hindi ka namin natulungan,” sambit ni Tere.
“Ayos lang, mababait naman sila noong nagturo ako,” nakangiting sagot niya.
“O, paano? Sa susunod na sabado ulit?” yaya nito, nakangiti siyang tumango-tango dito.
Simula noon, hindi na muling iniwasan ni Shella ang dalagang iyon sa kanilang paaralan. Paminsan pa nga’y siya na ang lumalapit dito upang magtanong kung anong ituturo niya sa susunod na sabado.
Lalo pa siyang mapamahal sa mga batang ito at kahit dumating na ang araw na siya’y tapos na sa pag-aaral at nagtatrabaho na, sinusuportahan niya pa rin ang operasyong iyon at nagtuturo pa rin sa mga batang nagmulat sa natutulog niyang puso.
Madalas tayong umiiwas sa mga responsibilidad, ayaw kasi nating maabala at madumihan kung minsan, ngunit bakit hindi tayo sumugal sa responsibilidad na ito para sa mga taong nangangailangan? Tiyak, gagaan na ang iyong loob, matututo ka pang tumulong kahit walang bayad.