Walang Ibang Ikinabubuhay ang Matanda Kundi ang Paglalako ng Maruya; Paano na Kaya Siya Ngayong Lockdown?
Masayang binalot ni Mang Kadyo sa mga dahon ng saging ang kaniyang gawang mga maruya. Kinasanayan na niya ito, at halos nabuhay ang sarili dahil sa pagtitinda ng maruya. Subalit dahil sa unti-unti raw na pagpasok ng kinatatakutang virus sa Pilipinas, mukhang magiging hamon para sa kaniya ang paglalako nito.
Sunong na ni Mang Kadyo ang malaking bilao ng kaniyang mga paninda nang makita siya ng kapitbahay na si Aling Lorna.
“Saan ka pupunta, Kadyo? Magtitinda ka pa rin? Mapanganib daw na lumabas-labas ngayon lalo na sa edad natin,” saway ni Aling Lorna.
“Oo eh. Ano bang balita na ngayon?” tanong ni Mang Kadyo. Wala naman kasi siyang telebisyon at radyo upang makasagap ng balita. Kahit cellphone ay hindi naman siya marunong gumamit.
“Community quarantine na. Ibig sabihin bawal na lumabas ng bahay. Bawal ka na magtinda niyan. Kailangan may face mask ka kasi baka hulihin ka.”
“Naku eh baka mam*tay naman ako sa gutom nang dilat kapag hindi ako lumabas. Hindi naman siguro ako tatablan niyan. Malakas ang resistensiya ko. Mahilig akong kumain ng gulay,” katwiran ni Mang Kadyo.
“Matigas talaga ang ulo mo ‘no? Oh sige, sandali lang ah…” pumasok si Aling Lorna sa bahay. Maya-maya, bumalik ito at may dala nang face mask.
“Iyan, para sa iyo iyan. Gamitin mo para ‘di ka hulihin ng mga pulis. Bawal daw na walang ganiyan sa bayan.”
Hindi man komportableng maglagay ng face mask, isinuot pa rin ito ni Mang Kadyo. Naglakad-lakad siya at nagsimulang maglako sa mga lugar na madalas at karaniwan niyang pinupuntahan. Subalit nagtaka siya dahil tila walang katao-tao sa labas. Sanay siya na maraming tao at pinagkakaguluhan ang kaniyang masarap na maruya.
Nang makarating siya sa bayan, halos walang katao-tao maliban sa ilang mga sundalo at pulis. Ipinasya muna niyang maghubad ng face mask dahil para siyang nahihirapang makahinga. Hindi siya sanay. Wala ang mga taong dati-rati ay lumalapit na sa kaniya upang bumili ng kaniyang masarap na maruya.
Nilapitan siya ng isang pulis. Sinita siya nito.
“Naku Tatang, nasaan ho ang quarantine pass ninyo?” tanong sa kaniya ng sumitang pulis.
Napakamot sa kaniyang ulo si Mang Kadyo. “Qua-qua… naku wala ho akong ID na kahit na ano. Hindi ho kasi ako marunong magsulat at magbasa, pasensiya na ho…”
“Tatang, iyon po ang ibinibigay para makalabas kayo. Bawal ho ang lumabas muna lalo na sa edad ninyo. Saka wala po kayong face mask. Bawal na bawal ho iyan. Hindi ho muna kayo puwedeng magtinda,” sabi ng pulis.
“Eh paano naman ako mabubuhay niyan kapag ganiyan? Ito lang ang ikinabubuhay ko eh. Wala akong ibang kamag-anak. Wala akong maaasahan kundi ang sarili ko iho,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Mang Kadyo.
“May ibibigay naman pong ayuda ang gobyerno huwag kayong mag-alala, basta huwag lang po kayong lalabas muna. Balik na ho muna kayo sa inyo, Tatang.”
Dahil hindi pa nakakabenta, napaupo na lamang si Mang Kadyo. Pakiramdam niya ay para siyang nauupos na kandila. Paano na ang kabuhayan niya? Paano na ang mga paninda niya? Luging-lugi siya kung hindi niya maibebenta ang mga maruya.
Mangiyak-ngiyak ang mukha ni Mang Kadyo. Hindi niya alam kung ano na ang mangyayari sa kaniya sa mga susunod na araw kung hindi siya papayagang makapaglako ng kaniyang mga maruya. Marami pa naman siyang utang na kailangang bayaran. Isa pa, ang napagbentahan sa kaniyang mga paninda ang ginagawa niyang puhunan.
Mukhang naawa naman sa kaniya ang pulis na sumita sa kaniya. Bumili na lamang ito ng maruya sa kaniya.
“Wow, ang sarap po ng maruya ninyo Tatang,” sambit ng pulis.
“Oo espesyal ang maruya ko. Nilalagyan ko iyan ng langka,” nakangiting sabi ni Mang Kadyo.
Pinakyaw ng pulis ang lahat ng paninda ni Mang Kadyo at ipinakain sa mga kasamahang pulis at sundalo na pawang nasarapan sa kaniyang paninda.
“Tatang, ganito na lamang po. Magdala po kayo ng maruya at iba pang mga meryenda na kaya ninyong lutuin. Kami po ang bibili,” sabi ng pulis na sumita kay Mang Kadyo.
Tuwang-tuwa si Mang Kadyo. Hindi lamang maruya ang iniluto niya. Nagdagdag din siya ng banana cue, turon, at nilagang saging. Tuwing umaga at hapon ay nagtutungo siya sa bayan upang ilako sa mga frontliners na naroroon na sarap na sarap sa kaniyang mga paninda. Sa panahon ng pandemya, tiyak na may kalulugaran ang mga taong masisipag at matitiyagang kagaya ni Mang Kadyo.