Araw ng piyesta sa baryo nila Ana. Sabik na sabik ang dalaga sapagkat ito ang unang pagkakataon na maisasali siya bilang isang majorette sa parada. Matagal na kasing naeensayo itong si Ana at sa wakas ay maipamamalas na niya ang kaniyang angking galing sa pagbabaton.
Hindi magkamayaw ang mga tao na gustong makasaksi ng parada. Isa na rito ang nakatatandang kapatid ni Ana na si Elena. Panganay si Elena sa kanilang limang magkakapatid samantalang si Ana naman ang bunso. Istrikta itong si Elena lalo na pagdating kay Ana. Madalas ipagtaka ito ng dalaga sapagkat parang mas mahigpit pa ang kanilang ate kaysa sa kanilang mga magulang.
Nang matapos ang parada ay sumaglit muna si Ana sa kaniyang mga kasamahan. Ilang saglit pa ay nariyan na si Mina na tinatawag ang dalaga.
“Ana! Paparating na ang ate mo dito. Kapag nakita ka na naman non na nakikipag-usap sa mga lalaki ay malilintikan ka na naman don!” babala ng matalik niyang kaibigan. “Tara na at salubong na naman ang kilay niya!” dagdag pa nito.
Bago pa man sila makaalis ay dumating na ang kaniyang Ate Elena. “Ano ba, Ana? Kanina pa tapos ang parade. Kanina pa kami naghihintay nila nanay doon sa may simbahan ang tagal mong dumating. Napakiksi ng suot mo ayaw mo pang magpalit. Tapos kung sinu-sino pang mga lalaki ‘yang kasama mo!” galit na sambit ng kaniyang ate.
“Dinaanan ko lang naman po sila, ate, ito na nga po at pauwi na rin ako,” aniya.
“Pabayaan mo na ang kapatid mo, Elena. Parang hindi ka naman dumaan sa pagkabata. Ganiyan ka rin naman noon,” sambit ng kanilang ina. “Halina nga kayo para makakain na tayo,” wika naman ng kanilang ama.
“Galit na naman sa’kin ang ate, ‘nay,” bulong ni Ana sa ginang, “Lagi na lang mainit ang dugo sakin niyan ni ate. Palibasa kasi matandang dalaga na. Paanong may magkakagusto sa kaniya kung ganiyan kasi siyang kasungit, ‘nay?” dagdag pa niya.
“Hayaan mo na ‘yang ate mo. Tingnan mo naman at hindi tayo pinababayaan niyan. Ganiyan lang ‘yan. Pero kapag nilambing mo naman ng konti ay malabot pa rin ang kalooban niya,” tugon ng ina.
Kinabusakan ay nagsasampay ng mga nilabhang damit si Ana kasama ang kanilang ina. Masaya silang nagkukwentuhan nang biglang galit na galit na lumabas ang kaniyang Ate Elena.
“Ana, ano ‘tong nabasa ko sa cell phone mo?” sigaw ni Elena. “Napakalandi mo, kabata-bata mo pa ay may nobyo ka na! Kailan mo pa itinatago ito sa amin?” panggagalaiti ng kapatid.
“Bakit mo pinapakialaman ang cell phone ko, ate?!” pasigaw rin na tugon ng dalaga sabay kuha niya ng telepono na tangan ng kaniyang kapatid.
“Napakapakialamera mo! Sila nanay at tatay nga ay hindi nakikialam sa akin, tapos ikaw na ate ko lang ay grabe kung makialam?” pagpapatuloy niya. “Ate, malaki na ako. Pwede na akong makipag nobyo kung nanaisin ko. Hindi talaga ako maliligawan dito sa bahay dahil takot silang lahat sa’yo. Daig mo pa mga magulang natin sa higpit mo!” aniya.
“At sumasagot ka pang bata ka! Napaka-matabil ng dila mo! Ayan siguro ang tinuturo sa’yo ng lalaking ‘yan. Ang maging bastos!” sigaw muli niya.
“Alam mo ate, hindi kita maintindihan. Siguro ay naiinggit ka lang sa akin kasi walang pumatol sayo kahit sino dahil na rin sa gaspang ng ugali mo. Kaya tatanda kang nag-iisa!” tugon naman ni Ana. Hindi na napigilan pa ni Rosa ang kaniyang sarili kaya nasampal niya ang dalaga.
“Bastos ka!” sambit ni Rosa.
Sa sama ng loob ni Ana ay agad siyang nagtungo ng kaniyan silid at nag-empake ng kaniyang mga damit.
“Aalis na ko sa pamamahay na ‘to. Hindi ko na matatagalan pa ang ginagawa mo sa akin, ate! Parang hindi mo ako kapatid kung itrato mo!” umiiyak na sambit ni Ana sabay alis ng kanilang bahay.
“Huwag ninyo siyang pigilan. Umalis siya ng bahay na ‘to. Matuto siyang bumalik,” mariin niyang sambit sa kaniyang mga magulang na akmang pipigilan ang dalaga sa pag-alis.
Nagpunta naman ang dalaga sa kaniyang nobyo upang magpalipas ng sama ng loob. Kinagabihan ay nagulat na lamang siya ng sunduin siya ng kaniyang mga magulang. Wala naman siyang nagawa kundi sumama.
“Hayaan mo na ang ate mo. Natatakot lamang siya na baka mamaya ay kung ano ang mangyaring masama sa iyo sa pagnonobyo mo,” paliwanag ng ina.
Ngunit kahit anong sabihin nila ay hindi na maiaalis ang galit ni Ana sa kaniyang ate. Alam niyang walang ibang paraan para makaalis sa kanilang pamilya kundi ang magpakasal siya.
“Buntisin mo ako, mahal,” wika niya sa kaniyang nobyo. “Sa ganoong paraan ay pipilitin nilang ikasal tayo. Tapos noon ay magiging malaya na tayo.”
Dahil sa labis na pagmamahal ng binata, kahit labag pa ito sa kaniyang kalooban ay sinunod niya ang gusto ni Ana. Ngunit hindi naman nabuntis itong si Ana. Nakarating ang balitang may nangyayari na sa kanilang dalawa sa kanilang mga pamilya. Hindi na naman napigilan ni Elena ang magalit kay Ana. Aga niya itong sinugod at sinabunutan.
“Hindi ka talaga nag-iisip! Akala mo ay ganoon lang kadali ang lahat? Akala mo ang pagbubuntis at pag-aasawa ang tanging paraan para maging malaya ka? Gamitin mo nga ‘yang kokote mo!” halos malatiran ng litid si Elena sa pagsigaw.
“Alam mo, ate, lahat ng nangyayaring ito ay dahil sa’yo!” tugon ni Ana.
“Ikaw ang dahilan kung bakit gusto ko nang kumawala sa pamilyang ‘to. Pagod na pagod na ako sa ginagawa mo sa’kin. Sobra ka na! H’wag mong ibuntong sa akin ang pagiging malungkot mo sa buhay sapagkat wala talagang magkakagusto sa’yo sapagkat magaspang ang ugali mo!” aniya.
“Tama na ‘yan Ana!” awat ng ina. “Huwag mong pagsalitaan ng ganiyan ang nanay mo!” pag-amin ng kanilang ina dahil sa pagkabigla. “Elena, sabihin mo na sa kaniya ang katotohanan,” wika niya.
“Anong ibig ninyong sabihin na nanay ko siya?” sambit ng dalaga. “Ate, ano ba ang totoo?” hindi na napigilan pa ni Ana ang kaniyang mga luha.
“Oo, tama ang nanay. Anak nga kita,” napaluha na lamang si Elena. Dahil hindi makapagsalita ay ang ina lamang nito ang nagwkento.
“Labingsiyam na taong gulang noon si Elena. Kapistahan din iyon sa baryo naming sa Ilocos. Susunduin sana naming ang tatay mo sa sa bukid dahil nakikipag-inuman siya sa kaniyang mga kumpare. Nauna na si Elena sa akin sapagkat abala pa ako sa pagluluto. Nang makarating siya sa bukid ay nadatnan niya ang tatay niya na lango na sa alak. Dahil walang kalaban-laban si Elena sa lakas ng mga taong iyon ay sinunggaban siya at pinagsamantalahan, nakahagip siya ng itak at saka niya tinaga ang sumalbahe sa kaniya. Buti na lamang ay hindi siya nakulong sapagkat napatunayan na ipinagtanggol lamang niya ang kaniyang sarili,” kwento ng ginang.
“Kahit lugmok noon ang nanay mo, Ana ay hindi niya inisip na ipalaglag ka. Mula noon ay nag desisyon kami lumipat dito sa Maynila at magsimula ng panibagong buhay. Inari ka naming na parang tunay naming anak at lumaki ka na kinikilala o siyang ate. Hindi na siya nag-asawa pa kahit kailan sapagkat gusto niyang ilaan na lamang ang kaniyang buhay sa pag-aaruga sa pamilya natin lalong lalo na sa’yo,” dagdag pa niya.
Pagkatapos magsalita ng nanay ni Elena ay agad siyang nagwika kay Ana. “Hindi ko alam kung paano magiging ina sa’yo. Kung paano kita mapoprotektahan upang hindi mangyari sa’yo ang sinapit ko. Mahal kita, anak. At patawarin mo ako kung hindi ko man masabi o maparamdam ito sa’yo,”
Bumaha ng luha sa mga sandaling iyon. Ang kaniya palang tinuturing na ate na sobra ang higpit sa kaniya ay ang tunay pala niyang ina. Ngayon ay maliwanag na sa kaniya ang lahat. Dali-dali siyang tumakbo patungo kay Elena upang yakapin ang kaniyang ina.
Mula noon ay maganda na ang naging pagsasama ni Elena at Ana. Naiparamdaman na rin ni niya sa dalaga ang kaniyang tunay na pagmamahal bilang ina nito. Namuhay sila ng payak at masaya at may pag-asang sa kinabukasan ay makalimutan na ang hapdi ng nakaraan.