Inday TrendingInday Trending
Unang Beses Ko Kasi Magpeysbuk

Unang Beses Ko Kasi Magpeysbuk

“Criselle, tama na muna ‘yang kakatelepono mo d’yan. Tumulong ka muna dito sa pag-aayos ng hapag kainan. Malapit nang umuwi ang papa mo para sabay-sabay na tayong mananghalian,” utos ni Rosa sa anak.

“Criselle, parang wala kang naririnig. Ano ba ‘yang tinatawa-tawa mo riyan?” muli niyang tawag sa anak.

“Ay, pasensiya na po, ma. Hindi ko po kayo naririnig,” tugon niya.

“Ano ba ‘yang ginagawa mo kasi d’yan sa telepono mo, anak? Palagi ka na lang nakasubsob d’yan. Sa tuwing makikita kita lagi kang nakaharap sa telepono mo,” saad ng ginang.

“Nagpe-Facebook po ako, ma. Sabi ko naman sa inyo gagawan ko na kayo ng sarili ninyong account sa Facebook, eh. Parang kayo na lang ata ang tao sa mundo na ganito,” pangangantiyaw ng dalaga.

“Nako anak, alam mo namang wala akong hilig sa mga ganyan. Okay na ako sa payak nating buhay. Napakarami ko nang iniintindi dito sa bahay para intindihin pa ‘yang peysbuk o kung ano man ang tawag d’yan,” tugon ni Rosa sa anak.

“Ang sarap kaya magkaroon nito, ma. Makikita po ninyo dito ‘yung mga kaibigan ninyong matagal ninyo nang hindi nakakausap at nakikita. Puwede ninyo ring malaman ang ibang kaganapan sa buhay nila tulad po nito, tingnan ninyo po,” wika ni Criselle habang ipinapakita ang kaniyang telepono sa ina.

Namangha naman si Rosa sa kaniyang nakita. Ilang saglit lamang ay dumating na ang kaniyang mister.

“Mukhang abalang-abala kayo r’yan na magnanay, ha. Ano ba ‘yan?” pagtataka ni Rodolfo, asawa ni Rosa na isang drayber ng dyip.

“Wala po, pa, pinapakita ko lang po kay nanay itong peysbuk ko. Ineengganyo ko nga po siya na gumawa na rin ng sarili niya para naman magkaroon naman po siya ng koneksyon sa mga dati niyang kaibigan. Para kahit na nakakulong siya lagi dito sa bahay ay kahit paano ay naaaliw siya,” sambit ni Criselle.

“Ikaw talagang bata ka. O siya, kumain na tayo at kanina pa ako nagugutom,” wika ni Rodolfo. Masayang nagtanghalian ang mag-anak.

Isang payak na may bahay itong si Rosa. Umiikot lamang ang kaniyang buong araw sa apat na sulok ng kanilang tahanan. Wala siyang ginawa sa tuwina kundi asikasuhin ang kaniyang mag-ama at ang kanilang pamamahay. Nasanay na siya sa ganoong sitwasyon. Ang tanging pinagkakalibangan lamang ni Rosa ay ang panonood ng telebisyon.

“Ma, nagawan ko na po kayo ng sarili ninyong account sa peysbuk, tingnan po ninyo!” natutuwang sigaw ni Criselle habang pababa ng kanilang hagdanan.

“Ito pong larawan ninyo na ‘to ang inilagay ko kasi maganda kayo dito, ma,” masaya niyang wika. “Ngayong may peysbuk na kayo, ma, pwede ninyo na pong padalhan ng friend request ang mga dati ninyong kaibigan, kaklase, kakilala. Hahanapin inyo lang po ang pangalan,” dagdag pa niya.

Inabutan na ng gabi ang mag-ina sa pagbubutingting ng peysbuk. Namamangha naman itong si Rosa sapagkat sa wakas daw ay nagkaroon na siya ng balita sa kaniyang mga kakilala.

Simula noon ay hindi na rin maialis ni Rosa ang kaniyang mata sa kaniyang telepono. Palagi rin ang pagpopost niya ng mga larawan maging ang pagiging chat sa kaniyang mga dating kaibigan. Isang araw ay nagpaalam itong si Rosa na aalis upang makipagkita sa dati niyang mga kaklase. Agad naman siyang pinayagan ng asawa.

“Sabagay, kailangan mo rin ang lumabas paminsan-minsan kasama ang iyong mga kaibigan para naman may nakikita kang bago sa paligid mo at hindi puro mga gawaing bahay ang kaharap mo. Tawagan mo na lamang ako kung susunduin na kita,” wika ng kaniyang asawa.

Kahit buong araw na kasama ni Rosa ang kaniyang mga kaibigan ay wala pa rin humpay ito sa pagchat sa kanila. Inabot na siya ng madaling araw hanggang sa nakatulugan na niya ang kaniyang telepono. Kinabukasan ay tanghali na nagising itong si Rosa. Makalat pa rin ang bahay.

Pag-uwi ni Rodolfo mula sa pamamasada ay nagtataka siya na wala pang nakahaing tanghalian.

“Gutom na ako, ano ang ulam natin?” tanong ng mister. Ngunit tila hindi ito narinig ng asawa na abala na naman sa pakikipagchat.

“Rosa, pinapayagan naman kita sa mga gusto mong gawin pero sana naman ay hindi mo rin mapabayaan ang mga tungkulin mo dito sa bahay. Tulad ngayon ay wala pa palang ulam, ni wala pang sinaing. Ilang sandali na lang ay uuwi na ang anak mo, wala rin siyang makakain,” aniya.

“Bumili na lang tayo sa labas. Minsan lang naman ako pumalya, Rodolfo. Ang dami mo nang sinasabi riyan,” nayayamot na tugon ni Rosa.

“Rosa, tama na nga ‘yang kakatelepono mo. Ni hindi ka na nga makatingin sa mga mata ko,” naiinis na wika ni Rodolfo. “O siya bibili na lamang ako ng pagkain sa labas para makakain na tayo,” saad niya.

Nagpatuloy sa ganitong gawain ni Rosa. Hindi na tulad ng dati ang kanilang tahanan na malinis ang bawat sulok. Wala na rin itong bukambibing kundi ang mga nakikita niyang kaganapan sa kaniyang telepono.

Isang araw ay bigla na lamang nam*tay ang kuryente sa kanilang bahay. Ang akala ng ginang ay brown out ngunit laking pagtataka niya na tanging ang bahay lamang nila ang walang kuryente. Doon niya naalala na nakalimutan pala niya itong bayaran ang kanilang kuryente. Kahit na naiinis si Rodolfo ay pilit niyang iniitindi ang asawa. Ngunit tuluyan nang naputol na ang kaniyang pisi dahil sa isang insidente.

Dahil sa pagkaaabala na naman ni Rosa sa peysbuk ay hindi niya namalayan na nasusunog na pala ang kaniyang niluluto. Bigla na lamang nagliyab ang mga kalat. Muntik nang kumalat ang apoy, mabuti na lamang ay dumating agad ang kaniyang mister at naapula ito.

“Hindi ko na makakayanan pa itong nangyayari sa’yo, Rosa. Buti pa noong wala kang peysbuk ay tutok ka lamang sa amin ng anak mo. Ngayon ay hindi ko na alam kung sino ka, hindi na ikaw ang asawa ko!” nagagalit na sambit ni Rodolfo.

Dito na natauhan ang ginang. Hindi niya lubusang akalain na hindi na rin niya kilala pa ang kaniyang sarili.

“Patawad at hindi ko na namalayan kung ano na ba ang nangyayari sa akin dahil sa pagkahumaling ko sa peysbuk. Hindi ko akalain na aabot sa ganito ang simpleng nais ko na makipagkamustahan sa aking mga kaibigan,” wika ng ginang. “Pangako simula ngayon ay hindi na ako gagamit pa ng peysbuk. Ibabalik ko na rin ang dati kong pagkalinga sa inyo. Patawarin ninyo ako,” giit niya.

“Wala naman kaso sa akin, Rosa, kung ikaw ay makikipag kuwentuhan sa mga kaibigan mo o kung gagamit ka ng telepono para diyan sa peysbuk na ‘yan. Ang sa akin lamang ay bigyan mo ng limitasyon. Hindi buong oras mo ay d’yan na umiikot,” pahayag ng asawa.

Hiyang-hiya si Rosa ngunit wala na siyang magagawa sapagkat nangyari na ang lahat ng ito. Ang magagawa na lamang niya ay itama ang lahat ng kaniyang kamalian.

Mula noon ay hindi na gumamit pa ng peysbuk itong si Rosa. Napagtanto niya na sapat na sa kaniya ang kanilang payak na pamumuhay. Nanumbalik naman na ang dating kaayusan sa kanilang tahanan. Napatawad na rin siya ng kaniyang mister at nangako siya na hindi na ito uulitin pa.

Advertisement