Minahal ng Dalaga ang Lalaking Pakakasalan ng Ate Niya, May Lihim Pala Itong Mabubunyag sa Huli
Nagtatrabaho bilang isang writer ng mga children’s book si Catherine, mahilig kasi siya sa mga bata at masaya na siyang nakakasulat ng mga libro para mapasaya ang mga ito. May sarili siyang condo sa Maynila at tahimik na sana ang buhay niya, pero tinawagan siya ng mga magulang dahil ikakasal na raw ang kanyang ate at hindi siya pwedeng mawala.
“Mommy, bakit kasi hindi pwedeng mismong araw ng kasal nalang ako pumunta? I don’t get it, one month preparation tapos kailangan andyan rin ako? Ano’ng gagawin ko dyan?” kausap niya sa cellphone ang kanyang ina habang nagda-drive papunta sa probinsya.
“Dalawa lang kayong magkapatid ng Ate Celine mo, kailangang suportahan mo siya rito. Besides, may paparating na bagyo at mahihirapan kang makaluwas,”
Kailangan suportahan si Ate, kawawa si Ate, samahan si Ate. Si Ate si Ate si Ate. Isa ito sa mga dahilan kung bakit ayaw niyang umuwi, para naman kasi siyang invisible sa kanyang pamilya dahil wala nang ibang nakita ang mga ito kundi ang Ate niya.
“Eto na nga papunta na. Di ko lang maintindihan, kasal nilang dalawa yan ni Clint pero pati ako-“
“Naku anak! Mali ka, hindi si Clint! Wag mong mabanggit banggit ang pangalan na yan pag nakaharap ang ate mo. Iba itong fiance niya,” pabulong ang mommy niya habang nagsasalita.
Ha? Parang dalawang linggo lang ang nakalilipas nang makita niya ang ate niya na nagpost ng picture nito at ni Clint sa Facebook. Tapos biglang iba na ang nobyo ngayon, at magpapakasal pa?!
“Sino yan? Bakit..ang bilis naman yata? Diba 5 years sila ni Clint?”
“Wag ka na ngang tanong nang tanong! Umuwi kana rito at dito na mag usap, I need to help your Ate na mamili ng gown,” di na siya hinintay nitong makasagot at ibinaba na ang tawag.
Na-intriga tuloy siya, buong byahe ay nag iisip siya kung sinong Poncio Pilato ang mabilisang pakakasalan ng Ate niya.
Pagdating na pagdating niya ay sinalubong siya ng kanyang Yaya Meding, ito lang yata ang interesado sa pagdating niya. Pagpasok niya sa bahay ay abala ang lahat na nakaharap sa ate niya, sinusukatan ito ng gown.
“Oh my gosh! Cathy! I’m glad na pumunta ka,” sabi ng ate niya at pilit pa siyang niyakap kahit suot nito ang magarbo at mabigat na gown.
“Why so sudden?” di maiwasang tanong niya rito.
“Ang alin? Oh! the wedding? Di kaba naniniwala sa whirlwind romance? Yun ang nangyari sa amin ni Sullivan,” sagot nito at napalingon sa pinto, “Speaking, eto na sya. Ivan, this is my baby sister Catherine. Cath, si Ivan, mapapangasawa ko,”
Unti unting napalingon si Catherine sa tinutukoy nito at di niya maintindihan kung bakit tumalon ang puso niya pagkakita sa kaharap. Matangkad ito, medyo singkit, at gwapo! Ang malinis na gupit ng buhok nito ay lalong bumagay sa lalaking lalaki nitong panga.
Kahit hindi hapit ang suot na polo ay mahahalatang maganda ang hubog ng katawan ng lalaki.
“Hi,” simpleng sabi nito at inilahad ang kamay. Nang maglapat ang kanilang mga palad ay may kung anong kuryenteng dumaloy sa katawan ni Catherine.
Hoy Catherine Elise, mapapangasawa ng ate mo yan! Magtigil ka! Saway niya sa sarili. Bakit ba kasi kinikilig siya?
“H-hello,” sagot niya naman. Mabilis ang naging andar ng oras dahil sobrang busy ang mga tao, palibhasa ay mabilisang kasal lang ang magaganap pero ayaw pa rin ng parents niya na magmukhang kawawa ang kanyang ate kaya pinipilit pa rin ng mga ito na maging maganda ang kalalabasan. Ilang oras pa ay nasa hapag kainan na sila, kumpleto ang kanyang buong pamilya.
Magkatabi ang Ate niya at si Sullivan habang katapat niya naman ang binata. Syempre, bidang bida ang ate niya habang siya naman ay binibilisan na ang pag kain para makabalik na sa kanyang kwarto.
“Cathy, kumusta ka pala sa Maynila?” naalalang tanong ng isa sa mga tita niya. Bilang di sanay sa atensyon ay parang nagulat pa siya na nakatingin ngayon lahat sa kanya.
“O-okay naman po-“
“What do you do? Nagsusulat ka pa rin ng mga petty children’s books, ano, mga alamat ng pinya ganyan, ang pagong at ang unggoy- kumikita pa ba kayo dyan? Ngayon kasi ang gusto na ng mga bata, yung..yun bang moderno like internet. Nalalaos ang trabaho mo, bakit di ka mag apply sa Ate mo na sa sikat na magazine nagtatrabaho? Mas malaki ang kita tapos mas sikat,” sabi nito. Hindi tiyak ni Catherine kung nagsa-suggest ba ito o pinapahiya sya.
“Ah,gusto ko naman pong-“
“Maganda ang children’s books, I believe na creative ang isang taong nagsusulat ng ganoon. Imagine, kailangan makuha mo ang atensyon ng bata, you must really be good at it! Bilib ako sayo,kung mabibigyan nga lang ng chance magbabasa ako nun eh. Kaya lang pinagtitinginan ako sa bookstore,” pagsingit ni Sullivan sa usapan. Dahil bagong miyembro ito ng pamilya ay napahiya ang mga tita niya at umayon dito. Sinundan pa iyon ng mga biro nito upang gumaan ang paligid.
“Thank you,” senyas ni Catherine sa binata. Nginitian lang naman siya nito.
Akala ni Catherine, magiging mahirap ang pananatili niya ng isang buwan sa probinsya. Salamat kay Sullivan na palagi niyang ka-kwentuhan, ito ang palaging nagpapatawa sa kanya lalo pa pag na-out of place na siya. Ewan niya ba, bihira niyang makitang magkausap ito at ang ate niya, inoobserbahan niya kasi ang dalawa. Mas madalas pa ngang tulala ang Ate Celine nya tapos pag may nakapansing kamag anak ay lalapit ito kay Sullivan at magkukunwaring naglalambing, aakbayan naman ito ng lalaki.
“Shall I start calling you ‘Kuya’?” natatawang tanong niya sa binata isang hapon na nagmemeryenda sila. Ang Ate niya ay abala sa pagpili ng mga invitations, kaya na raw nitong mag isa.
“No!” parang nabiglang sagot nito.
“Bakit naman? Eh eventually magiging kuya na kita pag kinasal na kayo ni ate,”
“Just…just don’t. Okay na ang Sullivan,” sabi nito at kumindat pa.
Hindi na nakasagot pa si Catherine dahil kinilig siya sa inakto nito, kahit pa paulit ulit niyang pigilan ang sarili ay tila lalong lumalalim ang pagtingin niya kay Sullivan. Bahala na, tutal pagkatapos naman ng kasal ay babalik na siya sa Maynila at di niya na ito makikita pa. Lilipas rin siguro ang nararamdaman niya.
Isang gabi ay natataranta na ang lahat dahil kinabukasan ay araw na ng kasal. Dumagdag pa ang malakas na buhos ng ulan.
“My God I can’t believe it! Ano’ng sa isang araw pa ide-deliver? Bukas na ang kasal ko! Walang isusuot ang mga abay, ilang linggo nyo nang dine-delay yan! Had I known, sa iba nalang ako nagpagawa sana!” pagbubunganga ng kanyang ate sa telepono. Hinihimas pa nito ang sentido, di malaman kung bubuntong hininga o iiyak.
Hindi na malaman ng kanyang mga magulang kung paano sosolusyonan ang sitwasyon kaya nagkusa na rin si Catherine.
“I got this na, wag ka nang ma-stress. Magda-drive ako papunta sa bayan at maghahanap ako ng gowns doon. Ilan ba?” sabi ni Catherine.
“Are you sure baby sis?” tila nakahinga nang maluwag ang kanyang kapatid, tumango siya at sinabi nito kung ilang damit ang kailangan. Binuksan niya na ang makina ng kotse nang magulat siya dahil biglang sumakay si Sullivan sa passenger’s seat.
“Hindi kita pwedeng pabayaang mag isa, bumabagyo,” sabi nito.
Matagumpay naman silang nakabili ng gown sa bayan, pero pauwi na sila nang biglang masira ang kanyang sasakyan. Madilim ang paligid at maagang nagsara ang mga tindahan dahil sa bagyo. Malakas rin ang kidlat.
“Patay.” sabi ni Catherine. Walang signal ang kanyang cellphone at ganoon rin ang kay Sullivan.
“Aabot pa naman tayo kasi 10am ang kasal, di tayo pwedeng sumuong ngayong gabi,”
“What do you mean?” nagtatakang tanong niya rito, nagulat siya nang makita ang inginuso nito. Isang maliit na hotel. Bigla siyang kinabahan.
“No no no..no.” sabi niya paulit ulit. Ang totoo ay sa sarili niya sinasabi iyon dahil aminin niya man o hindi ay nakakaramdam siya ng kilig.
“I won’t bite. Cathy, look at me. Magkahiwalay tayong kwarto,” seryosong sabi nito kaya sumama na siya.
Kaya lang, dahil siguro bagyo ay ubos ang mga kwarto at iisa na lamang ang natitira. Wala silang choice kundi kunin na iyon, si Sullivan sa lapag at siya sa kama. Pareho silang basang basa ng ulan kaya kinailangan nilang maghubad, dahil walang pamalit ay nagtago na lamang siya sa kumot, habang ang binata naman ay naka-boxer shorts at nakatalungko sa sahig. Iniiwasan niyang tignan ito pero hinahaplos naman siya ng awa.
Tumayo si Catherine at pinatay ang aircon, sa sobrang taranta niya ay natapakan niya ang sariling kumot na bumabalot sa kanyang katawan. Huli na ang lahat bago niya maisip ang katangahan dahil nakadapa na siya sa ibabaw ng binata, walang saplot ang kalahati ng katawan.
“Oh my God I’m sorry, I’m so sorry-” tatayo na sana siya pero hinigpitan ni Sullivan ang hawak sa kanyang bewang.
“Ang ganda ganda mo Cathy, wag na wag mong pagdududahan ang sarili mo..” bulong nito. Ewan ni Catherine pero may kung ano sa mga mata nito at nakulong siya roon. Namalayan niya na lamang ang sarili na hinahalikan na ito.
Binuhat siya ni Sullivan sa kama, pinatay nito ang ilaw at umibabaw sa kanya.
“Sana Cathy, ganito lang tayo palagi..” bulong nito sa kanya bago siya muling hinalikan. Ilang sandali pa ang nakalipas ay isinuko niya na ang sarili sa binatang minamahal.
Kasabay noon ay ang pagpatak ng kanyang mga luha. Dahil alam na alam niya, malinaw pa sa sikat ng araw..hinding hindi magiging kanya si Sullivan.
Kinabukasan ay maagang nagising si Catherine, wala silang imikan ng binata nang sumakay sila pauwi. Pinahatak na lamang nila ang sirang kotse.
“My God! Akala ko hindi na kayo darating, Sulley,” niyakap ng ate niya ang binata. Ibinaling niya ang tingin sa ibang direksyon dahil hindi niya kayang tignan ang dalawa. Masakit ang puso niya at nagi-guilty rin siya.
Tila may ibinulong rito ang lalaki tapos ay iginiya ang ate niya sa isang kwarto. Ang tagal ng dalawa, baka nag usap, naghalikan, nag aminan, nagkapatawaran..nag..ah!
“Catherine, aayusan kana anak,” nakangiting sabi ng mommy nya. Malungkot na umupo na lamang siya at pinabayaan ang baklang taga-make up na ayusan siya. Ilang sandali pa ang lumipas ay nakaayos na silang lahat sa simbahan, ang ganda ganda ng ngiti ni Sullivan.
Iba ang gown na ipinasuot sa kanya ng ate niya, kinulang raw kasi ang gown ng mga abay na nabili nila kaya siya na lamang ang nagparaya. Isang bestidang puti ang kanyang suot pero maganda rin naman at elegante.
Nang tumunog ang piano ay nagulat pa siya dahil hinawakan siya ng kanyang ate at sabay silang nag-martsa, ipinatong nito sa ulo niya ang isang maliit na koronang may belo.
“H-huy!Anong gimik to?”
“Just smile,” simpleng sabi ng ate niya dahil nakatingin sa kanila ang mga tao. Hindi maintindihan ni Catherine ang nangyayari pero nanlaki ang mata niya nang mapadako ang paningin niya sa altar.
Naroon si Clint, at si Sullivan.
Ang lakas lakas ng tibok ng dalaga, at unti unti siyang binabalot ng kilig. Nakangiting hinawakan ni Sullivan ang kamay niya at inakay siya sa unahan, kung saan may upuang naghihintay para sa apat na tao.
Double wedding ang naganap! Parang lumulutang si Catherine sa alapaap at namalayan na lamang niyang hinahalikan na siya ng kanyang ‘mister’ sa unahan.
“Naguguluhan raw siya, pero nag ‘I do’ naman,” tukso sa kanya ni Sullivan habang sakay sila ng kotse. Pulang pula ang pisngi niya at hindi malaman ang isasagot.
Nang hindi siya magsalita ay nagpaliwanag na ang lalaki, “Ang totoo ay friends lang kami ng Ate mo, naawa ako sa kanya kasi buntis siya nang magbreak sila ni Clint. Sabi nya, gusto nyang pagselosin si CLint so pumayag na ako, I did not expect though, na magiging extreme at aabot sa usapang kasal. I was about to back out, aatras na dapat ako sa plano pero bigla ka nilang ipinakilala nung araw na iyon. At nagbago na ang lahat, araw araw ay eager akong maki-cooperate dahil iniisip kong sayo ako ikakasal, at eto na nga..” masuyong sabi nito at hinaplos ang kamay niya.
“Kaya pala ayaw mong magpatawag na Kuya,” natatawang sabi ni Catherine. Tumango ang lalaki at binulungan siya, “Mahal kita Cathy..”
Bilang sagot ay hinalikan niya ang binata.
Iba ring maglaro ang tadhana. Sino ang mag aakala na aayaw ayaw pa siyang umuwi sa probinsya, dito nya pala makikilala ang lalaking bubuo sa pagkatao niya.