Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Suwail na Anak ang Ina Upang Magbulakbol; Paguwi Niya sa Bahay ay Huli na ang Lahat Upang Magsisi Siya

Iniwan ng Suwail na Anak ang Ina Upang Magbulakbol; Paguwi Niya sa Bahay ay Huli na ang Lahat Upang Magsisi Siya

Sa pagbibinata ng anak nina Kevin at Wena na si Nathan ay napadalas ang pagsama nito sa mga kabarkadang masasama ang impluwensya. Anumang pilit nila sa anak na layuan ang barkada ay hindi ito nakikinig.

Isang pulis si Kevin at ang kaniyang asawa na si Wena ang palaging naiiwan sa bahay dahil pag alis ni Nathan papasok sa eskwela ay halos gabi na ito umuuwi.

“Nathan, hindi naman sa pinagbabawalan ka naming makipagkaibigan, kaya lang ay mamili ka naman ng pakikisamahan mo.” Paalala ni Kevin.

“Pwede ba wag na nga lang kayong nakikialam.” Sagot nito sabay pasok sa kwarto.

Nagkatinginan na lamang ang mag-asawa sa inasal ng anak. Sa pagtagal ay kinasanayan na nila ang matabil nitong dila at kawalang respeto sa kanila.

“Ano ka bang bata ka? Ala-una na kanina pa ako nagaalala sa iyo.” Wika ng umiiyak na si Wena.

“Sabi ko wag niyo akong pakialaman!” Sabay tulak sa kaniyang ina.

Nakita ni Kevin kung paanong napaupo si Wena sa pagkakatulak ng lasing na anak at labis niya itong ikinagalit. Nagdilim ang kaniyang paningin at pinagsusuntok ang anak.

“Hindi mo na nga kami nirerespeto nagawa mo pang saktan ang nanay mo! Ano bang problema mo?” Sigaw niya rito.

“Ang problema ko napaka-pakialamero niyo! Ano susuntukin mo ako ulit?” Sagot niya sa amang nakaamba ang kamao.

“Hindi kita pinalaking ganito, wala kang modo!”

“Tama na, anak pumasok kana sa kwarto mo sige na.” Pagpipigil ni Wena sa mag-ama.

Kinaumagahan, araw ng Sabado ay maagang pumasok si Kevin upang hindi na makasagutan pa ang anak. Samantalang ipinaghanda naman ni Wena ang anak ng almusal.

“Pasensya ka na kagabi Ma, lasing lang ako.”

Natuwa naman si Wena sa narinig at agad na pinatawad ang anak. Ngunit ilang oras lamang ang lumipas at nagbibihis na naman ito para umalis.

“Mukang bihis na bihis ka ah, wala naman kayong pasok.” Wika niya.

“Kaarawan ng kaibigan ko, wag niyo na ko hintayin, gagabihin ako ng uwi.” Sagot nito.

Hindi na mapigilan ni Wena ang anak at tuluyan na itong umalis. Bandang alas tres ng hapon habang siya’y namamaghinga sa silid nang may pumasok sa kanilang bahay.

“Kevin? Ikaw na ba yan? Ang aga mo yata ngayon.”

Lumakas ang yabag ng paa na papalapit sa kanilang silid. Ilang ulit niyang tinawag ang pangalan ng asawa ngunit hindi ito sumasagot, laking gulat niya nang isang lalaking nakamaskara ang biglang pumasok sa kanilang kwarto.

“Wag kang sisigaw.” Pananakot nito sa kaniya habang tinututukan siya ng patalim.

Naghalughog ang lalaki sa kanilang silid at pinilit si Wena na ilabas ang kanilang nakatagong pera at alahas. Lahat ng aparador ay binuksan nito ngunit limang libo lang ang nahanap ng lalaki at nababalisa na ito. Pagkakataong nakita ni Wena para tumayo at tumakas ngunit hindi pa siya nakakalabas ay hinila na nito ang kaniyang buhok saka siya sinikmuraan at sinaksak.

Habang nasa presinto naman si Kevin ay nakatanggap siya ng report na kailangang respondehan.

“Kevin dito daw sa address na ito ang pupuntahan mo, magsama ka ng backup.” Utos ng kaniyang hepe.

Nanlumo si Kevin nang makitang address ng kanilang bahay ang kanyang pupuntahan, mabilis siyang lumabas ng prieinto na agad namang sinundan ng kaniyang partner na pulis.

Dinatnan nila ang bangkay ng kaniyang asawang naliligo sa sarili nitong dugo. Isang malagim na trahedya ang sinapit nito sa tumakas na magnanakaw. Sinilip niya ang kwarto ng anak ngunit wala ito. Mayamaya pa’y hinihingal na dumating si Nathan.

“Nasa’n ka ha! San ka galing! Iniwan mo nanaman ang nanay mo! Kung hindi ka umalis sana naipagtanggol mo siya!” Galit niyang sigaw dito.

“Pa, sorry po! Hindi ko alam.” Wika ng humahagulgol na anak.

Isang linggo ang lumipas at inilibing na nila ang mga labi ni Wena, agad ding nadakip ang suspek na pumatay sa kaniya. Sa unang gabi ng mag-ama sa bahay na wala ang ina ng tahanan ay binalot sila ng katahimikan.

“Alam kong wala kang kasalanan, patawarin mo ako dahil sa ‘yo ko ibinuhos ang galit ko.” Wika niya.

“Patawad Pa, kung sana nandito ako eh di hindi mag-isa si mama, mas pinili ko pang magbulakbol kesa samahan siya.”

Agad na niyakap ni Kevin ang nagsising anak na paulit-ulit na humihingi ng tawad. Sa paglipas ng panahon ay naging mabuti ang pagsasama ng mag-ama. Alam nilang wala silang ibang maaring paghugutan ng lakas ng loob ngayon kundi ang isa’t-isa.

Anumang galit o poot ang ating nararamdaman sa sarili nating kapamilya ay dapat na ipagsangtabi lalo na kung sa huli ay labis naman itong pinagsisisihan.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement