
Hindi Maganda ang Trato ng Babaeng Ito sa mga Nagiging Yaya ng Kaniyang Kapatid; Matiis at Makayanan Kaya Siya ng Bagong Pasok na Matandang Yaya?
“Sino ka? Anong ginagawa mo rito sa bahay namin?”
Napatda ang matandang babae nang makita si Gretchen. Tila namalikmata ito sa taglay na kagandahan ng kausap. Ngunit kinalamay ng matandang babae ang kaniyang sarili.
“M-Ma’am, magandang araw po. Ako po si Nilda. Ako po ang bagong yaya ng kapatid ninyo,” nauutal na tugon nito.
PInasadahan ng tingin ni Gretchen ang anyo ng matandang babae mula ulo hanggang paa. Parang pamilyar sa kaniya ang hitsura nito, lalo na ang mga mata nito.
“Nagtrabaho ka na ba rito dati? Bakit parang pamilyar ka sa akin?”
“Ay hindi pa po Ma’am. Ngayon lang po ako nakatuntong dito sa maganda ninyong bahay.”
“Ganoon ba? Sinong tumanggap sa iyo rito? Saka bakit ikaw? Matanda ka na. Kaya mo pa bang mag-asikaso ng bata?” untag ni Gretchen.
“Ay opo Ma’am, sanay naman po akong mag-alaga ng bata. Mommy po ninyo ang tumanggap sa akin dito.”
“Uunahan na kita ha? Ayoko sa lahat dito yung tatanga-tanga, maliwanag ba? Yaya ka lang ng kapatid ko kaya huwag kang mangingialam sa ibang mga bagay rito. May labandera at plantsadora kami, may tagaluto, may tagalinis. Si Sheena lang ang babantayan at aasikasuhin mo.”
“O-Opo Ma’am. Malinaw na malinaw po,” nauutal na sabi ni Nilda.
At tinalikuran na siya nito.
“Naku, alam mo ba, ilang mga yaya na ang umalis dito dahil sa kaniya. Kami-kami na lang nagtitiyaga kasi mababait naman ang mga magulang niya na siyang tunay na amo at nagpapasuweldo sa amin. Iyang si Gretchen, labis ang pagkamaldita niyan kaya mag-ingat ka,” sabi sa kaniya ng kusinerang si Lugring.
“Bakit nagkaganoon siya? Kung mababait naman ang mga magulang niya, bakit siya naging masungit?”
Bahagyang lumapit sa kaniya si Lugring. “Bali-balita kasi na ampon siya. Hindi siya tunay na anak, kaya ganyan siya katigas. Parang nais niya na ipakita sa mga magulang niya na karapat-dapat siyang mapabilang sa pamilya nila.
Napalunok na lamang si Nilda.
“G-Ganoon ba… pero masuwerte siya kasi inaruga siya ng mag-asawa, kaya wala siyang dapat na ikagalit sa buhay niya.”
At nagsimula na nga ang pagyayaya ni Nilda kay Sheena. Mabait naman ang kaniyang alaga, masunurin ito at magalang. Subalit ang talagang mabagsik ay si Gretchen, lalo na sa kaniyang kapatid. Lagi nitong sinisinghalan si Sheena lalo na kapag wala ang kanilang mga magulang. Kapag kaharap naman sila, akala mo ay maamong tupa.
Minsan, naabutan ni Nilda na inaaway ni Gretchen ang alaga. Umiiyak ito.
“A-Ate, sorry na… hindi ko naman sinasadyang marumihan ang damit mo…”
“Tatanga-tanga ka kasi! Wala ka talagang silbi sa bahay na ito!”
Agad na dinaluhan ni Nilda ang alaga.
“Ma’am, mawalang-galang na ho, huwag naman ninyong pagsalitaan nang masakit ang kapatid ninyo,” pagtatanggol ni Nilda sa alaga.
“Aba… at ipinagtatanggol mo pa? Hoy! Wala kang pakialam kung ano ang gawin ko sa kapatid ko, o sa pamamahay na ito, dahil anak ako ng may-ari. Ikaw, yaya ka lang dito baka nakakalimutan mo!” bulyaw ni Gretchen sa yaya ng kaniyang kapatid.
“Ma’am, kahit na yaya lamang ako, pare-parehas lang po tayong tao. Pareho po tayo ng kinakain. Pareho ang amoy ng mga utot natin. Bumabaho ang hininga. Naliligo,” sagot ni Nilda.
Nagpanting ang mga tenga ni Gretchen. Akmang sasampalin niya si Nilda nang biglang dumating ang mga magulang nila. Agad na inawat ang anumang gagawin ng anak.
“Gretchen! Itigil mo ‘yan! Huwag mo siyang sasaktan, siya ang…”
Nagkagulatan sila. Nagkatinginan sina Nilda at ang Mama ni Gretchen na si Stella.
“Siya ang… ang alin, Ma? Bakit mo ba kasi kinuha ang matandang ito? Bastos! Sinasagot-sagot ako. Palayasin na natin ang babaeng ito at humanap na lamang ng mas bata-batang yaya! Baka hindi pa natin ito mapagkakatiwaalaan.”
“Diyan ka nagkakamali, Gretchen. Lubos ang tiwala namin kay Nilda. Matagal na siya sa amin. Muli lamang siyang nagbalik… dahil may binabalikan siya.”
“Binabalikan? Sino?” tanong ni Gretchen. Nakita niya ang pagsenyas ni Nilda sa kaniyang Mama, na para bang may lihim silang dalawa.
“Palagay ko ay dapat mo nang malaman ang totoo. Gretchen, si Nilda ang tunay mong lola. Anak ka ng dati naming kasambahay na nabuntis at pagkaraan ay nasawi sa panganganak sa iyo. Si Nilda naman ay yaya ko kaya kilala niya ako, at kilalang-kilala ko siya.”
“Patawain mo ako, apo. Hindi ko kasi maibibigay ang magandang buhay na tinatamasa mo ngayon kaya pumayag akong ampunin ka na lamang nila, dahhil yung mga panahon na iyon, akala nila ay hindi na sila magkaka-anak. Subalit dumating si Sheena. Patawarin mo ako, apo,” lumuluhang paghingi ng tawad ni Nilda sa apo.
“Ganoon na lang ba ‘yun ha? Hindi ako makakapayag! Hindi!” umiiyak na sabi ni Gretchen.
“Hindi ko naman nais na kunin ka, Gretchen, dahil alam kong nasa mabuti kang kalagayan. Nais lamang kitang makita at makilala apo. Maganda na ang buhay mo rito, kaya ayoko nang masira pa kung sasama ka sa akin.”
Hindi naging madali para kay Gretchen ang pagtanggap sa katotohanan. Hindi siya sumama sa kaniyang Lola Nilda dahil ang mga magulang na itinuturing niya ay ang mga nagpalaki sa kaniya.
Para naman kay Nilda, ayos lamang iyon. Naniniwala siya na paunti-unti, tatanggapin din siya ng apo bilang lola nito. Sa takdang panahon.
Habang lumilipas ang panahon, matiyagang ipinakita ni Nilda na sinsero siya sa paghingi ng tawad sa kaniyang pinamigay na apo.
Hanggang sa dumating na nga ang araw na naging maayos na ang relasyon bilang maglola nina Nilda at Gretchen, bagama’t doon pa rin sa mansyon nanirahan ang dalaga.