Nagulat ang Mag-anak Nang Makita ang Isang Malaking Sementadong Bahay sa Gitna ng Pinapasyalan Nilang Gubat; Sino ang Nagmamay-ari Nito?

Bakasyon na naman at nagpasya ang mag-asawang Fidel at Lorie na dalhin ang kanilang anak sa lugar na hindi pa nila napupuntahan. Dinala ng mag-asawa ang kaisa-isang anak na si Jake sa isang gubat.

Magkaklase sina Fidel at Lorie noong nasa masteral studies sila at minsan ay nakapunta na sila sa gubat na iyon sa Los Banos, Laguna para sa kanilang proyekto.

“Maganda ba po ba roon, Papa? Bakit doon tayo pupunta at hindi na lang sa mall?” untag ni Jake sa kaniyang papa.

“Para naman maiba ang pagpapasyalan natin, anak. Tiyak na matutuwa ka kapag nakita mo na ang tutuluyan natin doon,” saad ni Fidel habang nagmamaneho.

“Oo nga anak, tiyak na matutuwa ka. Maraming ibong malalaki at makukulay na makikita mong palipad-lipad sa mga puno.”

Nakarating na sila sa gubat na sinasabi nina Fidel at Lorie. Subalit nagtaka sila sa kanilang nakita: isang bahay na yari sa semento ang nakatirik na roon.

“Siguro bagong gawa lamang ang bahay na ito, kasi dati ay wala naman ito. Ang galing naman. Sino kaya ang nakaisip na magtayo ng bahay sa gitna ng kagubatan?

Tiningnan lamang ni Fidel ang bahay at nagkibit-balikat. Kahit siya ay manghang-mangha sa malaking bahay na nasa gitna ng gubat. Maging si Jake ay gandang-ganda sa bahay.

Advertisement

Nang makarating na sa kanilang lokasyon ay itinayo na nga nina Fidel at Lorie ang kanilang tent. Habang itinatayo nila ito, pinayagan nila si Jake na maglakad-lakad, subalit mahigpit ang bilin nila na huwag itong lalayo, at iwasan ang masyadong mga matalahib o madamong bahagi.

Hindi namalayan ni Jake na nakarating na pala siya sa bahay na sementado. Tinangka niyang kumatok sa pinto. Sinilip-silip ang mga nakapinid na bintana.

“Sino ka? Anong ginagawa ng isang batang gaya mo rito sa kagubatan?”

Nagulantang si Jake nang makita ang isang matandang lalaki. May bitbit itong mga supot ng pagkain. Mukhang namalengke ang matanda.

“Namamasyal po kami ng Daddy at Mommy ko tapos nakita po namin na may magandang bahay. Pasensya na po,” paghingi ng paumanhin ni Jake.

Pinapasok ng matandang lalaki si Jake. Habang naghahanda ang matanda ng masasarap na pagkain ay nagkukwento siya.

“Bakit ho dito kayo nakatira sa gubat? Nasaan po ang pamilya ninyo?” untag ni Jake.

“Iniwan na ako ng pamilya ko dahil hindi na raw nila kaya ang pag-uugali ko. May bago na silang pamilya at ako’y nakalimutan na kaya ikaw, iwasto mo ang mga ‘di-magagandang ugali habang bata ka pa,” paalala ng matanda kay Jake.

Advertisement

Sinabayan ni Jake sa pagkain ang matanda dahil marami itong hinanda. Patuloy pa rin sa pagkuwento ang matandang si Mang Delfin.

Ayon sa kanya, talagang mayaman sila kaya lang palagi siyang walang oras sa pamilya niya noon at palagi silang nag-aaway sa sama ng ugali niya. Isang araw, nagulat na lang siya na nilisan na nila ang mansyon nila at hindi na nagpakita kailanman.

“Nalaman ko na lang na bumuo na ng bagong pamilya ang aking asawa kasama ang aming tatlong anak. Ayaw na nilang bumalik sa akin at kahit naghihirap sila ngayon ay mas pipiliin daw nila ang buhay na iyon kaysa makasama ang isang tulad ko.”

“Ngayong wala na ang pamilya ko, para wala na rin ako sa mundong ito. Aanhin ko tong sandamakmak na pera, eh, wala naman akong kasama sa buhay,” malungkot na pahayag ni Mang Delfin.

“Kaya ikaw, mahalin mo ang mga magulang mo at huwag magpasaway sa kanila.”

Tumagal pa ang kuwentuhan ng matanda at ni Jake. Aliw na aliw si Mang Delfin dahil ngayon lamang daw siya nagkaroon ng kausap. Aliw na aliw din si Jake dahil ngayon lamang siya nakaengkuwentro ng isang matandang lalaking maraming kuwento. Hindi na kasi niya naabutan ang mga lolo at lola niya.

Matapos iyon ay bumalik na rin si Jake sa kanilang tent. Hindi na niya namalayan ang oras. Kanina pa pala siya hinahanap nina Fidel at Lorie. Narinig niyang tila nag-aalala na ang dalawa para sa kaniya. Narinig niya ang mga pahayag ng Mama niya.

“Mawawalan na nga tayo ng bahay dahil sa mga utang natin, mawawala pa sa atin si Jake? Saan kaya nagsuot ang batang iyon. Bakit mo naman kasi pinabayaan eh gubat ito,” naiiyak na sabi ni Lorie.

Advertisement

Agad na yumakap si Jake sa kaniyang mga magulang.

“Akala namin ay kung napaano ka na! Saan ka ba nagsuot na bata ka?” nag-aalalang tanong ni Fidel sa anak.

“Mama, Papa, ang bait-bait po ni Lolo Delfin at nakakaawa siya. Tama kayo, kakaibang bakasyon nga ang mararanasan natin dito,” sabi ng bata.

“Lolo Delfin? Sino si Lolo Delfin?”

“Yung may-ari po ng malaking bahay na sementado na nadaanan natin kanina.

Ikinuwento ni Jake ang nangyari. Hangang-hanga ang mag-asawa sa mga aral na napulot ng kanilang anak mula sa kuwento ng matanda.

Bago sila umuwi, dumaan sila sa bahay na iyon upang personal na makilala si Mang Delfin. Doon na rin sila naghapunan.

This image has an empty alt attribute; its file name is image-196.png

“Puwede po ba kaming magbakasyon dito kung pupunta kami sa gubat na ito? Dito na lang po kami tutuloy,” tanong ni Fidel sa matanda.

Advertisement

“Bukas ang bahay ko para sa inyo. Mainam din iyan para naman may makausap ako gaya nito. Sabik na rin kasi ako sa apo. Gusto kong ituring na apo si Jake.”

“At kayo naman po ang Lolo Delfin ko!” sabi naman ni Jake.

“Mainam nga ho iyan at nang may mapulot siyang magagandang aral mula sa inyo,” giit naman ni Lorie.

At magmula noon, hindi na nangingiming mamasyal sa gubat ang mag-anak dahil alam nilang may tutuluyan silang ligtas na lugar—sa bahay ng bago nilang tagpong kaibigan at lolo para kay Jake—si Lolo Delfin.