
Napatapat ang Delivery Rider na Ito sa Isang Masungit na Kustomer; Hindi Niya Akalain ang Magagawa Nito sa Kaniya
Kinakabahan si Mang Tano sa kaniyang pagpila sa isang fast food chain upang umorder ng mga pagkaing ibinigay sa kaniya ng kustomer. Isa siyang delivery rider.
Para madagdagan ang kaniyang kita. Minabuti ni Mang Tano na mag-extend nang kaunti. Hanggang 6:00 ng gabi lamang siya subalit may humabol kasi. Sayang naman ang dagdag na kita kung hindi niya ito tatanggapin.
Subalit pakiramdam niya ay masungit ang kaniyang kustomer. Sa bawat 15 minuto ay nagtetext ito sa kaniya. Nagfa-follow up. Gutom na gutom na raw kasi.
Sumakto naman na maraming inaasikasong kustomer ang fast food chain na napuntahan niya. Gusto na niyang ikansela ang kaniyang order, kunin ang bayad, at humanap ng ibang branch nito. Subalit kung gagawin niya iyon, gugugol na naman ito ng oras, at baka maghuramentado na ang kustomer niya.
“Miss,” magalang na tanong ni Mang Tano sa isang service crew. “Matagal pa ba yung order ko? Baka puwedeng pakiuna na kasi nagagalit na kustomer ko eh.”
“Ay sir, hintayin lang po natin. Prayoridad po namin yung mga kustomer na kakain dito at mag-take out,” ni hindi sumulyap sa kaniya ang kausap na service crew. Patuloy lamang ito sa paglilinis ng mesang kinainan ng kanilang kustomer.
Minabuti na lamang ni Mang Tano na magtimpi. Mahirap na at baka mapaaway pa siya. Sanay naman siya sa ibayong pagtitimpi. Sa dami ba naman ng mga kustomer niya na kay susungit, natutuhan na niyang babaan ang ego niya.
Tapos siya bilang isang Geodetic Engineer subalit pinili niyang maging delivery rider tuwing Biyernes ng gabi, Sabado, at Linggo para lamang madagdagan ang kita. Kailangan kasi niya ng malaking pera para sa misis na sumasailalim sa kidney dialysis. Parang pakiramdam niya ay nasasayang ang panahon niya kung magmumukmok lamang siya sa bahay.
Maya-maya, nag-ring ang cellphone niya.
“Napakabagal mo naman! Gutom na gutom na ako. Matagal pa ba ‘yan?” tanong ng babaeng kustomer niya sa kaniya. Pakiramdam niya ay umuusok na ang ilong nito sa galit sa kaniya.
Mahinahon niya itong tinugunan.
“Ma’am, saglit na lang ho, kasi medyo matagal pa po silang mag-asikaso gawa ng maraming kustomers. Bibilisan ko na lamang po kapag nakuha ko na. Pasensya na po.”
“Bababaan ko ang rating sa iyo!” banta nito.
Minabuti na lamang ni Mang Tano na huwag na lamang patulan ang kustomer.
Kumain pa ng sampung minuto bago naibigay ang orders niya. Sa pagmamadali, hindi na niya nasuri kung nagbigay ba ng ketchup para sa fries at burgers. Pagkaabot sa kaniya ng nakaplastik na order ay umariba na siya ng alis at agad na nagtungo sa kaniyang motorsiklo. Inilagay sa loob ng lalagyanan ang orders.
Gumugol siya ng 20 minuto para ihatid ang mga order sa kaniyang kustomer. Dahil nga nagmamaneho, hindi niya masagot ang tawag nito. Tunog nang tunog ang kaniyang cellphone.
Sa wakas, nakarating na rin. Tama siya. Isang nakapameywang na babae ang bumungad sa kaniya. Tantya niya ay kasing-edad ng anak niyang babae.
“Ma’am, magandang gabi po. Pasensya na po at natagalan nang kaunti…”
“Anong kaunti, matagal na talaga! Dalian mo na, tanda. Gutom na kami!”
Nagulat siya sa tabas ng dila nito, at lalo na sa paraan ng pagkakabanggit nito sa kaniya.
Nagulat siya nang pagbukas niya sa lalagyanan niya, naglalawa ito. Natapon ang isang softdrinks. Namutla si Mang Tano.
“Ma’am, pasensya na po ho at natapon yung isang softdrinks…”
Nagulat si Mang Tano sa ginawa ng kustomer. Ibinuhos nito sa mukha niya ang isa pang softdrinks na hindi nadisgrasya.
“Oh hayan, sa iyo na rin iyan! Hindi ko babayaran iyan kasi sinayang mo. Lumayas ka na nga! Bad trip ka. Humanda ka sa review.”
Mabuti na lamang at may mga nakakita sa kaniya. Ang isa, nakuhanan pa ito ng video.
“Hoy miss, grabe ka naman sa delivery rider, wala kang manners!” tungayaw nito.
“Sir, hayaan ninyo na. Kung bibigyan niya ako ng bagsak na review, irereklamo ko na lang siya sa barangay ninyo, hindi bilang delivery rider, kundi bilang karaniwang tao.”
Kinabukasan, nagulat na lamang si Mang Tano nang mag-viral siya at ang nangyari. Inupload pala ng lalaking ang video niya at agad itong nakatikim ng reaksyon sa mga netizens. Agad nilang binatikos ang babaeng kustomer. Sising-sisi naman ito sa kaniyang ginawa dahil masyado siyang nagpadalos-dalos sa kaniyang buso ng damdamin.
Hindi na lamang itinuloy ni Mang Tano ang balak niyang pagrereklamo sa barangay. Sapat na sapat na ang galit na natamo nito sa lahat. Balita pa nga niya, natanggal umano ito sa trabaho dahil lamang sa mga nangyari. Iniingatan kasi ng kompanya ang kanilang reputasyon na mabubuti at mababait ang kalooban ng kanilang empleyado.