Inday TrendingInday Trending

Kinidnap si Jiro, ang anim na taong gulang na busong anak nina Arnold at Gemma. Ang impormasyon lang na naibigay ng mga nakasaksi sa pinangyarihan ng insidente ay nakasuot ng damit na kulay asul ang isa sa mga kidnaper at walang plate number ang kotseng sinakyan ng mga ito.

Apat na araw makaraan ay tumawag ang mga kidnaper. Pinanayuan ng balahibo si Arnold sa boses ng nasa kabilang linya. Malaki iyon na nakalulunos pakinggan.

“Isasauli namin ang bunso niyong anak kapalit ng panganay niyong anak!” sabi nito.

“S-si Jin? Bakit si Jin? Bakit hindi pera na lang?” tanong ni Arnold.

“Wala nang tanong pa! Wala ring pulis kung gusto niyong mabuhay pa ang inyong bunso! Mangyayari ang palitan sa Sabado, alas otso ng gabi!”

Matapos sabihin ang lugar ng tagpuan nila ay nawala na sa kabilang linya ang kindaper.

Tigagal si Arnold. Bakit ang panganay niyang si Jin ang hinihinging ransom ng mga kriminal? Bakit sila interesado sa anak nila na isang ‘Albino’?

Nang malaman ni Gemma ang napag-usapan ng asawa at ng kidnapper ay laking gulat nito.

“B-bakit si Jin? Anong kasalanan ng anak ko sa kanila?”

“Baka may nagawang kalokohan ang anak mo sa mga iyon kaya siya ang hinahanap!” galit na sabi ni Arnold.

“Napakabuting bata ni Jin, alam mo iyan dahil isa ka sa nagpalaki sa kanya!” sabi ni Gemma sa asawa.

Natutop na lamang ng dalawang palad ni Arnold ang mukha. Aminado naman siya na totoo ang sinabi ng kanyang asawa. Isang mabait na bata ang ‘ampon’ nilang si Jin.

Nang sumunod na araw ay muling tumawag ang mga kidnapper. Si Jin pa rin ang hinihinging ransom kapalit ni Jiro. Gusto nang magsumbong ni Gemma sa mga pulis ngunit humadlang si Arnold.

“Nasisiraan ka na ba? Kapag ginawa mo iyan ay baka hindi na natin makitang buhay ang bunso natin,” wika ng lalaki.

“At anong paraan ang naisip mo? ha?!” histerikal na sabi ni Gemma

“N-napamahal na sa atin si Jin… pero siya lang tanging paraan para…”

Nanghilakbot ang babae sa nais mangyari ng asawa.

“Hindi! Ayokong ipagpalit siya! Huwag tayong susuko! May iba pang paraan!”

“Teka, wala ka bang malasakit sa bunso natin? Kung kaya mong mawala si Jiro… ako hindi! Dahil siya ang tunay nating anak!” mariing wika ni Arnold sa asawa.

Natigil sa pag-aaway ang mag-asawa nang makitang nakatayo sa pintuan ng kanilang kwarto si Jin.

“Sige po, Papa… payag po ako… alang-alang kay Jiro.” sabi ng bata.

“Huwag, anak! Mapanganib ang gagawin mo!” wika ni Gemma at mahigpit na niyakap ang anak.

Nanikip ang dibdib ni Arnold. Bigla siyang nakonsensiya. Napakasakit para kay Jin ang binitawan niyang salita. Ngayon lang kasi nito nalaman na hindi pala nila ito tunay na anak.

“Patawarin mo ako anak… nabigla lang ako. Tama ang Mama mo, may iba pang paraan,” hayag niya sa bata sabay niyakap din ito nang mahigpit.

Kinaumagahan ay may natanggap silang sulat. Iniwan iyon sa labas ng kanilang bahay. Agad nila iyong binasa.

“Dalhin niyo si Jin bukas ng alas otso ng gabi. Tandaan niyo, huwag kayo magsasama ng pulis!” sabi s sulat.

Hindi mawari ni Gemma pero bigla siyang kinabahan. Kaya agad niyang pinuntahan ang kwarto ni Jin. Nagulat sila nang makita nila na wala ang bata sa loob ng kwarto nito. Napansin ni Gemma na may nakapatong na lumang artikulo sa ibabaw ng mesa. Ikinagulat niya natuklasan.

“Diyos ko!” bulalas niya.

Dali-daling ipinakita ni Gemma sa asawa ang nalaman. Nagimbal si Arnold sa nabasa niya sa lumang artikulo. Nakasaad doon na kinikindap ang mga albino sa ibang bansa para kitlin ang buhay. Ang dugo, balat at buhok ng mga albino raw ay ginagamit ng mga kulto para gumawa ng gamot na pampahaba ng buhay. Binabayaran ng mga kulto ang mga kidnapper ng malaking halaga para rito.

Sa isip nila ay nakaabot na sa Pilipinas ang ganoong paniniwala. Kaya pala interesado ang mga kidnapper kay Jin para ibenta ito sa mga kulto.

“Diyos ko nasaan na ba si Jin? Baka nakuha na siya ng mga kidnaper, Arnold!” nag-aalalang sabi ni Gemma.

“Huminahon ka nga, Gemma. Kung nakuha na nila si Jin ay hindi na sila magbibigay pa ng sulat sa atin.”

“Anong gagawin natin? Bukas na ang deadline na ibinigay nila sa atin?”

“Sabi mo nga… may iba pang paraan. Huwag tayong susuko.” paalala ni Arnold sa asawa.

Humingi sila ng tulong sa kaibigang pulis ni Arnold. Pinagplanuhan nila kung paano maililigtas ang bunsong anak sa kamay ng mga kidnaper. Kinabukasan ay handa nag lahat. Pumunta sila sa lugar kung saan sila nakatakdang magtagpo. Nagpanggap ang isang asset na unano bilang si Jin. Nakasuot ito ng jacket at bonnet sa ulo para hindi makalahata ang mga kidnapper na hindi iyon ang tunay na Jin.

Maya-maya ay may pumaradang van sa harap nila. Bumaba roon ang tatlong lalaki. Hawak ng isa si Jiro.

“Mag-iingat ka, Arnold,” kinakabahang sabi ni Gemma.

“Huwag mo akong intindihin. Matatapos din ang lahat ng ito,” sagot ng asawa.

Akmang lalapit na sila sa mga kidnaper nang bigla na lamang may pumarang dalawang kotse at lumabas sa isang kotse ang isang batang Albino, si Jin.

Malaki ang hakbang nito patungo sa kinaroroonan ng mga kidnapper at ng kapatid. Nang malapit na ito ay biglang nagsibabaaan sa kotse ang mga kalalakihan at pinagtulungang bugbugin ang mga kidnaper. Si Jin naman ay dali-daling kinuha ang kapatid at dinala sa kinaroroonan ng mag-asawa.

Saka lang napansin nina Arnold at Gemma na ang mga lalaking tumulong sa kanila ay mga Albino rin.

Habang nagkakagulo ay rumesponde na rin ang mga pulis na nakapaligid lang sa tabi-tabi. Mabilis na nahuli ang mga kidnaper at naipakulong ang mga ito.

“Salamat anak. Hindi ko akalaing ikaw pa ang magliligtas sa iyong kapatid,” wika ni Arnold.

“Wala pong anuman Papa. Nag-research po ako kung bakit tulad kong Albino ang gusto nilang kidnapin at nalaman ko nga ang dahilan sa isang lumang artikulo na nakuha ko sa internet. Kaya humingi ako ng tulong sa asosayon na nangangalaga sa mga katulad kong Albino para mailigtas ang aking kapatid,” sagot ng bata.

“Patawarin mo ako anak kung may mga nasabi man ako sa iyo,” tugon ni Arnold.

“Wala na po sa akin iyon Papa. Mahal na mahal ko kayo ni Mama at ni Jiro.”

Mula noon ay mas lalong napamahal si Arnold sa ampon nilang si Jin. Hindi niya inakala na ang hindi pa nila tunay na kadugo ang tutulong sa kanila para mailigtas ang tunay nilang anak.

Hindi talaga nasusukat sa pisikal na anyo ang tunay na pagkatao kundi sa kagandahan ng kalooban nito.

Advertisement