Bida-bida Kong Pinsan
Nasa elementarya pa lamang si Jomarie inis na inis na siya sa tuwing sasabitan ng medalya ang kanyang pinsan na si Rollan. Palagi na lamang kasi itong nangunguna sa klase habang siya, palaging kulelat kaya madalas ito ang bida sa kada reunion ng kanilang pamilya.
“O, Jomarie, ayaw mo gayahin ang pinsan mo o, hindi ba magkaklase kayo? Dapat nagpapaturo ka sa kanya para may medal ka rin lagi.” ika ng tiyuhin nilang dalawa habang naglalaro ng baraha.
“Tinuruan ko nga po siya kaso ayaw niya. Lagi niya pa akong sinasabihan na pabida daw ako.” sambit naman ni Rollan.
“Eh totoo naman eh, kita mo ngayon reunion natin tapos nakasuot ka ng medal? Baka akala mo recognition itong pinuntahan mo?” sagot naman ni Jomarie, bakas sa mukha nito ang pagkainis.
“Jomarie, gusto ko lang ipakita sa kanila na nag-aarala akong mabuti, na hindi sayang yung pangpaaral nila sakin.” depensa naman ni Rollan na lalong nagpainit ng ulo ng lalaki.
“Ang sabihin mo, bida-bida ka lang talaga.” sambit ni Jomarie saka binirahan ng hila sa medalya ng pinsan dahilan para mapiktal ito sabay takbo nang mabilis.
Umigting pa ang kumpetensya sa pagitan ng dalawa nang tumuntong na sila sa hayskul. Napunta kasi sa mataas na klase si Rollan habang siya ay napunta sa pangalawa sa pinakamababang klase dahil binase ito sa kanilang grado sa huling markahan nila noong elementarya. Labis ang nararamdaman niyang inggit lalo na’t may mga silid ang pinsan niya na de aircon pa habang mayroon lamang silang isang electric fan sa loob ng silid-aralan, tumitirik pa ito kung minsan.
“Hintayin mo lang ako Rollan, maabutan rin kita. Mag-aaral akong mabuti para makatikim rin ako ng aircon at higit sa lahat, maipagmalaki rin ako nila Tito!” inis na ika ni Jomarie sa sarili habang nakatanaw sa silid kung saan napasok ang pinsan.
Ginawa nga ng binata ang lahat ng makakaya para matapatan ang pinsan. Palagi siyang aktibo sa talakayan sa silid, nakikibahagi siya sa mga aktibidad sa school at higit sa lahat nagsusunog talaga siya ng kilay kapag may pagsusulit dahilan para sa huling taon nila sa hayskul, maging magkaklase muli sila ng kanyang pinsan, parehas na sila ngayong nasa mataas na klase. Halos lahat ng kanilang kaanak ay tila natutuwa sa pagpupursigi ng binata.
“Syempre, hindi ito dito nagtatapos, lalo ko pang gagalingan sa kolehiyo, dahil ang tunay na tagumpay ay nakakamit kapag kumikita na ako ng pera.” bulong ni Jomarie sa sarili habang nakatingin sa pinsang nagbabasa ng libro.
Tinupad niya nga ang kanyang plano. Mas lalo niyang ginalingan pagtapak niya sa kolehiyo. Nawalan naman siya ng balita sa kanyang pinsan dahil lumuwas ito ng Maynila para mag-aral. Ika niya pa, “Lumuwas pa ng Maynila para mag-aral? Pabida na naman.”
Lumipas ang mga taon at nakapagtapos na bilang isang cum laude si Jomarie, lahat ng kaanak niya ay tuwang-tuwa sa tagumpay na nakamit ng binata. Ngunit kahit ganoon, nahirapan siya maghanap ng trabaho sa kanilang lugar kaya naman makalipas ang isang taon pagkatapos niya makapagtapos, napilitan na siyang lumuwas ng Maynila.
Sa kabutihang palad naman natanggap agad siya bilang isang data analyst sa isang kompanya doon. Labis ang kagalakang naramdaman niya lalo na’t noong malaman niya na malaki ang kanyang sasahurin.
Kinabukasan, unang araw ni Jomarie sa kanyang trabaho, maaga siyang kumilos at pumasok. Sakto naman pagsakay niya ng elevator, bigla niyang nakita ang kanyang pinsan na tila may kausap sa telepono.
“Hoy Insan! Kamusta ka na?” masayang bati ni Jomarie.
“O, Jomarie! Ayos lang ako, ikaw?” nakangiti namang sambit ni Rollan.
“Ito, isa nang ganap na data analyst dito sa kompanyang ito. Mag-aapply ka ba ng trabaho dito? Naku maghanap kana lang iba, mahirap makapasok dito tiyak hindi mo kakayanin. O siya, baka ma-late pa ako, dyan kana.” babala ni Jomarie saka sumakay ng elevator, napangiti naman ang kanyang pinsan.
Pag-akyat niya sa kanilang opisina, napansin niya agad ang litrato ng kanyang pinsan sa isang silid, kaya naman agad niya itong pinagtanong.
“Ah-eh, excuse me po, bakit po may picture ni Rollan sa silid na iyon?” sambit ni Jomarie sa babaeng nakaupo sa labas ng silid na tinutukoy niya.
“Ah si Sir Rollan? Siya ang may-ari ng kompanyang ito, hindi niya ba nabanggit sayo? Sa katunayan siya ang nagpasok sayo sa trabaho.” ika ng babae. “O, ayan na si Sir Rollan, gusto mo ba siya kausapin?” dagdag pa nito.
Tila tumigil ang mundo ng binata sa mga salitang narinig. Labis pa man din siyang nagmalaki sa pinsan kanina, lingid pala sa kaalaman niyang ito ang nagpasok sa kanya. Kaya naman upang makabawi, bago siya umuwi dumaan muna siya sa opisina ng kanyang pinsan upang humingi ng tawad.
“Pasensya kana Insan ha, nahihiya talaga ako sayo. Hindi ko lubos isiping ikaw ang may-ari nito, hindi naman rin nabanggit sakin nila Tito.” nguso ni Jomarie, hindi niya magawang tumitig sa kanyang pinsan dahil sa kahihiyan.
“Hindi ko talaga pinasabi muna sa kanila, alam ko kasing wala ka pang trabaho baka alam mo na, magalit ka sakin. Noong mabalitaan ko na lumuwas ka ng Maynila at nag-apply dito, binilin ko agad sa kanila na huwag ka masyadong pahirapan. Hindi ako nagpapabida ha, gusto lang kitang tulungan, katulad dati.” patawa-tawa namang ika nito.
Simula nang pangyayaring iyon, natigil ang kumpetensya sa pagitan ng dalawa. Natanggap ni Jomarie na hindi niya kalaban ang pinsan sa larangan ng buhay, kundi ito ang kanyang pinakamabuting kakampi.
Minsan talaga sa kagustuhan nating maging bida sa ating mga pamilya, ginagawa natin ang lahat para mapansin nila, nakikipagkarerahan tayo at nakikipagpataasan na talaga nga namang hindi maganda sa buhay ngunit ang mahalaga ay kung paano mo matatanggap kung sino ka man sa dulo ng iyong karera.