Ika-27 ng Setyembre, saktong isang taon nang iwan ni Julius si Kiara para sa ibang babae.
“Grabe ka naman Kiara, isang taon nang hindi kayo ni Julius pero hindi ka pa rin nakakamove-on sa kanya, ano bang pinakain sa iyo niyan at ‘di mo makalimutan yung cheater na yun?” masungit na tanong ni Nikka sa kaibigan.
“Alam mo naman na mahal ko pa rin talaga yung tao. Mas maganda naman ako dun sa pinalit niya sa akin,” sagot naman nito habang pinipilit ngumiti sa harap ng mga kaibigan.
Habang namamasyal ang magkakaibigan sa mall malapit sa kanila ay biglang tumunog ang cell phone ni Kiara.
“Guys, mauuna naman muna ako sa inyo ha? May emergency lang kamo sa bahay. Kailangan atang dalhin yung tita ko sa ospital,” pamamaalam nito at dali-daling umalis ng mall.
Dahil sa labis na pag-aalala ay napagkasunduan ng magkakaibihan na samahan si Kiara sa kanyang tita. Subalit, habang naglalakad sila ng mabilis ay hindi nila sinasadyang makabanggaan ang dating nobyo ng kanilang kaibigan.
“Julius? Anong ginagawa mo dito? Ayos ka lang ba?” tanong ni Nikka habang pinapagpag ang kanya damit mula sa pagkahulog.
“Ok lang naman. Sorry ha? Nagmamadali kasi ako, may emergency sa bahay namin,” sagot ng binata sabay karipas ng takbo papalayo kila Nikka.
Kinabukasan ay muling nagkita kita ang magkakaibigan. Dito, nagkwento na si Nikka tungkol sa insidente na nangyari sa kanila ni Marlon.
“Uy Kiara! Nakita namin kahapon si Marlon sa mall ah. Tapos nagmamadali rin siya dahil ata sa emergency rin sa bahay nila,” sabi nito sa kaibigan.
“O, ano naman? Kaya hindi ko siya makalimutan eh. Kasi palagi pa rin kayong nagkukwento tungkol sa kanya. Hayaan na natin siyang maging masaya sa bago niyang girlfriend,” mahinahon na sagot ni Kiara. Agad naman na nagtungo ang mga ito sa kanilang pupuntahan para mamili ng ilang damit.
Habang naglalakad sila sa mall ay pansin na pansin ng isa pa nilang kaibigan na tutok at abalang-abala si Kiara sa pagtetext sa kanyang cell phone kaya agad niya itong kinulit.
“Uy girl! Sobrang saya mo naman ata? Sino naman ‘yang bagong guy?” malokong tanong nito habang sinusubukang kunin ang phone ni Kiara.
“Huy! Mikee, ‘wag please! May kausap lang ako na kaibigan. Akin na yan!” inis na sabi nito nang makuha ng kaibigan ang kanyang telepono. Dahil sa pinakitang pagkainis ng dalaga ay agad na iniabot ni Mikee pabalik ang telepono.
“O, ayan na phone mo! Sorry na. Gusto ko lang naman malaman kung sinong kausap mo,” nahihiyang sabi ni Mikee habang inaabot ang telepono ni Kiara. Agad naman itong kinuha ng dalaga at nagpaalam na aalis na muna siya.
Ilang minuto matapos makaalis si Kiara, naging paksa siya ng pag-uusap ng magkakaibigan.
“Bakit kaya laging umaalis si Kiara? Sobrang emergency kaya yung nangyari sa pamilya niya? Ano ‘yon, lagi na lang may naoospital sa kanila?” nagtatakang tanong ng isa nilang kaibigan.
“Ewan ko nga. Pero parang seryoso e! Kung gusto niyo, puntahan natin sila sa bahay nila. Baka may maitulong tayo sa kaibigan natin,” sagot naman ni Nikka na handang tumulong sa kaibigan. Mabilis na sumang-ayon ang mga kaibigan nila kaya agad silang tumungo sa bahay ni Kiara.
Pagkarating nila ng bahay ni Kiara ay sinalubong sila ng ina nito.
“Oh, bakit kayo naparito? Wala si Kiara dito e,” gulat na tanong ng ina. Nagulat rin ang mga ito dahil ang buong akala nila ay palaging umuuwi ng maaga si Kiara dahil sa problema sa bahay.
“Wala po siya rito? Kasi palagi niya kaming iniiwan agad kahit kaka-kita pa lang namin. Sabi niya may emergency raw po dito sa inyo,” sagot naman ni Nikka na halos hindi pa rin makapaniwala sa nangyari.
“Hindi ba palagi kayong lumalabas at inaabot ng hating gabi dahil nagpupunta pa si Kiara sa inyo?” nagaalalang tanong ng ina.
“Hala tita, hindi po. Kasi wala pa pong alas sais ng gabi ay iniiwan na agad kami ni Kiara,” gulat na sagot ni Nikka sa ina. Nagtuloy tuloy ang kanilang paguusap at unti unti na rin na nag uwian ang mga kaibigan ni Nikka.
Mag-aalas onse na ng gabi nang makauwi si Kiara sa bahay nila. Laking gulat nito ng salubungin siya ng kanyang ina at matalik na kaibigan na si Nikka. Sasampalin na sana si Kiara ng kanyang ina ngunit natigilan ito ng makita ang luha na pumatak mula sa mata ng anak.
“Anong nangyari sa’yo, anak? Anong nangyayari sa’yo?” naluluhang tanong ng ina habang yakap yakap ang anak.
“Ma, sorry. Ma, sorry po! Sinubukan kong ipagsiksikan ang sarili ko kay Marlon kahit may iba na siyang girlfriend pero kahit kabit lang niya ako, nagawa pa rin niya akong lokohin,” naiiyak na sabi ni Kiara habang patuloy ang pagyakap sa ina.
Ikinwento ni Kiara na sa tuwing iiwan niya ang kanyang mga kaibigan ay nakikipagkita siya kay Marlon para ibigay ang kaligayan na hinihingi nito. Subalit, nalaman nito na hindi lang pala siya ang kabit ng binata kaya labis ang sakit na nararamdaman niya.
“Hayaan mo na ‘yon! Pangit naman ‘yon e!” natatawang sabi ng ina ni Kiara.
“Tama si tita! ‘Te, tara mag shopping at magpa-ganda na lang tayo. Hindi niya deserve ang beauty mo!” dagdag naman ni Nikka.
Pagkatapos ng pag-uusap ni Nikka, Kiara at ang kanyang ina ay buo na ang loob ng dalaga. Bago matapos ang Setyembre, sinisiguro niyang tuluyan na niyang puputulin ang malanding ugnayan nila ni Marlon.
Hinding-hindi na niya sasayangin ang kanyang sarili at ang kanyang pagkababae nang dahil lamang sa isang manlolokong lalaki. Dito, natutunan niyang mahalin ang kanyang sarili. Itinigil na rin niya ang pagsisinungaling sa mga kaibigan dahil napagtanto niyang para ito sa sarili niyang kapakanan.