Gagawin ang Lahat sa Ngalan ng Kasikatan
“Bes, tignan mo nga. Tumaba ba ako? Ang dami ko kasing kinain doon sa debut kagabi, eh.” ika ni Valerie sa kaibigan habang nakatingin sa salamin. “Ano ka ba? Halos puro ulam nga lang ‘yong kinain mo kagabi, eh.” sagot naman ni Mase, matalik niyang kaibigan.
“Iyon nga, eh, puro taba kaya sigurado akong nadagdagan na naman ang timbang ko!” nakangusong sambit naman ng dalaga.
“Ano naman kung nadagdagan? Mas mabuti nga ‘yon kasi napakapayat mo na.” naiinis na sambit ng kaniyang kaibigan.
“Anong mapayat? Ganito lang talaga ang trending na katawan ngayon! Kaya hindi ko hahayaang tumaba ako kahit isang kilo at mawala ang mga likers ko sa Facebook!” depensa naman ni Valerie dahilan para iwan siya ng kaibigan.
Sikat sa Facebook ang dalagang si Valerie dahil sa taglay nitong kagandahan at kaseksihan. Madalas nakakakuha siya ng kalahating milyong likes kapag nagpo-post siya ng litrato niyang naka-bikini o naka-sleeveless. Gumagamit rin siya ng iba’t-ibang filter para magmukhang morena ang kulay ng kaniyang balat na marami ang may gusto ngayon kaya naman ginagawa ng dalaga ang lahat para mapanatili ang kanyang seksing katawan.
Ngunit tulad ng ibang sikat na personalidad nakakakuha ng iba’t-ibang batikos ang dalaga. Ika nga ng iba niyang kaklase sumosobra na daw ang pagpapapayat ng dalaga na kung minsan ay hindi na daw ito kumakain sa paaralan na labis namang ikinagagalit ng kaniyang ina.
“Mommy, kailangan ko kasing mapanatili ‘yong kaseksihan ng katawan ko kaya nagda-diet ako. Malay mo dahil sa Facebook maging artista ako.” Pangangatwiran ng dalaga nung minsan siyang bungangaan ng ina.
“Valerie, hindi ka na seksi. Tingting ka na. Baka nga kapag lumabas ka ng bahay habang may bagyo ay matangay ka na. Kumain ka ng tama at ibalik mo ‘yong dating katawan mo kung ayaw mong maagang mawalan ng buhay!” inis namang sambit ng ina ng dalaga tsaka nilapagan ng makakain ang anak. Patago naman itong tinapon ng dalaga sa basurahan.
Kahit pa pinangaralan na ng ina ay tuloy pa rin ang dalaga sa pagpapapayat. Lalo pang tumindi ang kagustuhan nitong magbawas ng timbang nung minsang bumaba ang nakuha niyang likes sa Facebook. Pinilit niyang halos buong araw na hindi kumain kahit pa tubig ay nililimitahan niya lang ang pagkonsumo dahil nga ika niya nakakalaki raw ito ng tiyan.
Lumipas ang isang linggo na ganoon ang ginagawa ng dalaga na labis namang ikinabahala ng kaniyang matalik na kaibigan. Palagi na kasi itong nahihilo at nanghihina.
“Valerie, kumain ka naman, o. Hindi na tama ‘yang ginagawa mo.” ika ni Mase sa kaibigan habang naglalakad sila papunta sa kanilang silid-aralan galing canteen ngunit bago pa ito makasagot sa kaniya ay bigla na lamang itong bumagsak sa lupa. “Valerie!” sigaw ng babae dahilan para makuha niya ang atensyon ng mga mag-aaral na malapit sa kanilang kinaroroonan na siya namang agad na tumulong sa kaniya na dalhin ang kaibigan sa klinika.
Ngunit tila malala na ang kalagayan ng dalaga kaya agad nilang tinawagan ang nanay nito at dinala na ito sa ospital. Doon ay napagalamang butas na pala ang bituka ng dalaga. Kinakailangan nito ng matinding gamutan.
“Mommy, katapusan ko na ba? Sobrang sakit na ng tiyan ko.” daing ni Valerie sa kaniyang ina nang magkalamay na siya.
“Gagaling ka, anak. Gagawin natin ang lahat pero dapat ipangako mo sa’kin na aayusin mo na ang iyong pagkain paglabas natin dito sa ospital, okay?” sambit naman ng kaniyang ina at agad naman siyang sumang-ayon dito.
Pagkalipas ng isang buwang pamamalagi sa ospital, sa wakas ay nakalabas na ang dalaga at katulad nga ng kaniyang ipinangako sa ina, kahit na may kaunti pang pag-aalinlangan, kumain na siya ng tama. Bumalik ang dating lakas niya pati na rin ang katawan niyang sakto lamang sa kaniyang edad.
Dahil nga matagal na hindi nakapagpost ang dalaga sa Facebook at tila nanaba ito nabawasan ang mga likes sa kaniyang account ngunit sa kagandahang palad ay hindi na niya ito inalintana. Ika niya pa, “Mas mabuti nang mabawasan ang mga likers ko kaysa sa malagay sa peligro ang buhay ko. Ni hindi nga namin nagamit na pangbayad sa ospital ‘yong mga likes ko, eh.”
Mas pinagtuunan na ng pansin ni Valerie ang kaniyang kalusugan simula nung maospital siya. Naliwanagan na siya na hindi niya kailangan sa buhay ang maraming likers sa Facebook dahil mas kailangan niya ang malusog na pangangatawan na labis namang ikinatuwa ng kaniyang ina at ng kaibigang si Mase.
Madalas talagang nadidiktahan tayo ng opinyon ng ibang tao kung paano natin pahahalagahan ang ating sarili upang matanggap lamang ng nakararami. Mangyari lamang na itatak natin sa ating isipan na hindi natin kailangan ang opinyon ng ibang tao para mabuhay tayo. Nararapat na mas pahalagahan natin ang ating sarili kaysa sa mga salitang ipapataw nila sa atin.