Inday TrendingInday Trending
Biyayang Handog Para Kay Aling Teresa

Biyayang Handog Para Kay Aling Teresa

Ilang taon nang nagtitinda ng ulam si Aling Teresa sa building na pinagtatrabahuhan niya bilang isang dyanitor. Ang building kasi na ‘yon ay opisina ng isang kompaniya at dahil walang kantina sa loob nito ay kinakailangan pang lumabas ng mga empleyado at malakad sa malayo upang makahanap ng kakainan.

Dahil matagal ng dyanitor ay nakasundo agad ni Aling Teresa ang mga tao rito. Noong una ay sa mga kapwa dyanitor at mga gwardya lamang siya nagtitinda ng mga ulam na nakasupot at kanin na niluluto at hinahanda niya tuwing umaga bago pumasok sa trabaho. Hanggang sa napansin ito ng ibang mga empleyado dahil madalas na binabati at pinupuri ng mga gwardya ang masarap na lutong ulam ni Aling Teresa.

Unti-unti ay mas nadagdagan ang nago-order kay Aling Teresa ng ulam hanggang sa tuluyan na ngang naging patok ang mga ito. Araw-araw ay matiyagang gumigising si Aling Teresa para magluto ng ititindang mga ulam at kanin. Katulong niya rito ay ang kaniyang piping anak na si Jason. Nasa hustong gulang na ang kaniyang anak ngunit dahil sa kapansanan ay hindi ito makapaghanap ng trabaho kaya masipag na lamang itong tumutulong sa kaniyang ina sa pagluluto at ito rin ang nag-aasikaso sa kanilang bahay.

Kahit nakakapagod pagsabayin ang pagluluto sa madaling araw at paggiging dyanitor buong araw ay matiyaga pa rin itong ginagawa ni Aling Teresa. Malaking bagay kasi para sa kanilang pamilya ang dagdag kitang nakukuha niya rito.

Hindi naglaon maging ang mga boss ng kompaniya ay umoorder na rin kay Aling Teresa. Lalo na kapag nais ng mga ito na makatikim ng lutong bahay. Kapag naman may programa na idaraos o may kaarawan ang isang empleyado ay kay Aling Teresa na lang sila umoorder ng mga bila-bilaong pansit at palabok at sinasamahan pa nila ng order ng mga ulam.

Sabi nga ng iba ay hindi kumpleto ang kompaniya kung wala si Aling Teresa. At dahil kinakitaan ng tiyaga si Aling Teresa ng mga boss at empleyado ng kompaniya napag-isipan nilang maghandog na kaunting tulong para sa kaniya.

“Bago matapos ang meeting na ito may iba pa ba kayong nais idulog o pag-usapan,” wika ng direktor ng kompaniya.

“Ako po, sir. May nais po akong idulog sa lahat,” sabi ng isang department manager na nagtaas ng kaniyang kamay upang magprisinta.

“Alam ko pong lahat tayo ay kilala na po si Aling Teresa. Malayo man po sa talakayan natin ngayong araw ang sasabihin ko nais ko po sanang idulog sa inyo ang plano po ng aming departamento na bigyan ng kaunting tulong si Aling Teresa dahil malaking bagay po ang natutulong niya sa kaniyang munting paghahandog ng serbisyo hindi lang bilang isang dyanitor kung ‘di maging sa pagtitinda niya ng ulam at ibang pagkain para sa ating lahat,” pagsasalaysay ng department manager.

“Balak po sana namin siyang bigyan ng maliit na puwesto sa ating gusali kung saan ay ipagtatayo namin siya ng isang munting kantina. Ito ay para hindi na rin niya kinakailangang isupot pa ang mga tinda niyang kanin at ulam tuwing umaga,” dagdag pa nito.

“Maganda ‘yang naisip mong plano. Aaprubahan ko ‘yang maliit na kantinang ipapatayo niyo. Humanap lang kayo ng magandang puwesto at kapag mayroon na ay asikasuhin na ang dapat asikasuhin upang mapatayo na ito,” sagot ng direktor.

Namangha naman ang lahat ng nasa meeting nang marinig ang suhestiyon at plano ng nagsalitang department manager. At dahil kilala rin nila si Aling Teresa ay isa-isang nagprisinta ang iba pang department manager ng puwede nilang maibahaging tulong para kay Aling Teresa. Isa sa mga ito ay ang dagdag pahunan. Ang isa naman ay bagong kagamitan sa kusina. Isa ang nagprisinta na maghandog ng mga plato at kutsara sa bawat departamento upang hindi na kailangan pang bumili ng lagayan ng mga kubyertos si Aling Teresa at kaniya-kaniyang dala at hugas na lamang ng mga plato at kubyertos sa tuwing bibili ng pagkain sa kantina. Ito ay para maiwasan ang dagdag basura at hindi na kailangan pang maghugas ng mga pinggan si Aling Teresa.

At dahil dyanitor si Aling Teresa nagprisinta naman ang direktor ng kompaniya na payagan ang anak ni Aling Teresa na si Jason na pumasok sa kanilang gusali araw-araw upang magbantay at mag-asikaso sa maliit na kantina ni Aling Teresa. Ito ay para hindi na kailanganin pang ihinto ni Aling Teresa ang kaniyang trabaho bilang dyanitor dahil alam nilang kailangan nito ng trabaho at dagdag na mapagkakakitaan.

Nang maayos na ang lahat ay sinorpresa nila si Aling Teresa. Inabangan nila ito sa labas at nilagyan ng piring. Dinala nila sa isang puwesto sa unang palapag. Ito ay ang lumang locker area ng gusali. Inilipat nila ang mga locker sa ibang lugar upang doon itayo ang munting kantina ni Aling Teresa.

At nang tinanggal na ni Aling Teresa ang piring ay laking gulat nito nang makita ang isang maliit na tindahan na nagmistulang isang karinderya na may pangalang Aling Teresa’s Ulam at Kanin. Biglang bumuhos ang luha mula sa mga mata ni Aling Teresa dahil sa labis na galak at pagkagulat. Sa munting kainan niya ay kita niya ang mga bagong kaldero, kaserola, sandok at iba pang mga bagong kagamitan sa kusina na maari niyang magamit sa bagong kainan.

“Aling Teresa, nakita namin sa iyo ang kasipagan ng isang tao at dahil dito ay tanggapin niyo ang aming munting handong na tulong upang mas mapaghusayan at mas maging madali para sa inyo ang pagtitinda ng ulam sa aming lahat. Inihahandog namin ang munting puwesto na ito ng libre at walang upa upang magsilbing aming kantina tuwing umaga, tanghali at meryenda. Sana ay nasiyahan kayo sa aming sorpresa,” wika ng direktor na isa sa mga sumalubong kay Aling Teresa.

“Maraming salamat po sa inyong lahat. Kulang po ang mga salita upang iparamdam ko po sa inyong lahat kung gaano po ako nagpapasalamat sa inyong ginawa para sa akin. Tatanawin ko po itong utang na loob at pagsisikapan ko po at sasarapan ang mga lutong ulam ko para sa inyo,” naiiyak na wika ni Aling Teresa.

Pinalakpakan siya ng lahat ng mga tao sa lugar na ‘yon. At kinabukasan ay tuluyan na ngang nagbukas ang munting kantina ni Aling Teresa. Ang kaniyang anak na si Jason ang nagbabantay at nag-aasikaso rito habang siya ay masipag na ginagawa ang trabaho niya bilang isang dyanitor .

Araw-araw ay laging pinapaalala ni Aling Teresa sa lahat na ang mga mabubuti at nagsusumikap na tao ay mas lalong pinagpapala.

Advertisement