Matayog ang Mithiin ng Dalagita na Makilala Bilang Mahusay na Atleta; Paano Kung Tutol Dito ang Sariling Ina?

Pilit na tiniis ni Mildred ang pagpatak ng kaniyang luha sa hambalos ng mahabang sanga ng bayabas na naputol at ginawang pamalo ng kanilang inang si Aling Costuna. Malayo pa lamang siya, nakaabang na ito sa pintuan ng kanilang bahay.

Alam kasi nito kung saan na naman siya galing—sa pagsasanay sa track and field.

“Bakit ka ba takbo nang takbo?! Imbes na mag-aral ka ng mga leksyon mo, inuubos mo ang oras mo sa kakatakbo-takbo na ‘yan!” pangaral ni Aling Costuna sa kaniyang anak na babae.

“Malapit ko nang puntahan ‘yang coach ninyo at pagsabihan siya na huwag ka nang tanggapin sa pagsasanay na ‘yan. Diyos ko naman Mildred, nagkakandakuba kami ng Tatay mo sa pagtatrabaho para lang mapag-aral kayong limang magkakapatid, tapos mababalitaan kong imbes na dumiretso ka rito sa bahay para mag-aral o kaya tumulong sa mga gawaing-bahay, iyang pagtakbo-takbo na ‘yan ang pinagkakaabalahan mo!”

“’Nay naman, alam naman po ninyo na ito ang pangarap ko, na maging atleta sa track and field,” iyak na paliwanag ni Mildred na noon ay 14 na taong gulang.

Inilapat ni Aling Costuna ang kaniyang hintuturo sa kanang sentido ng anak.

“Hindi ka yayaman sa takbo-takbo na ‘yan! Dapat ang isipin mo, makatapos ka ng pag-aaral. Hasain mo naman ‘yang kukote mo para naman tumalino ka! Tigilan mo na ‘yan!”

senior adult japanese woman against white wall - angry old asian lady stock pictures, royalty-free photos & images

Aminado naman si Mildred na hindi siya ganoon kahusay sa usaping akademiko, hindi gaya ng kaniyang mga kapatid na laging nakakukuha ng medalya sa tuwing magtatapos ang taong panuruan.

Advertisement

Siya, lagi rin namang nakakukuha ng medalya, o tropeo pa nga, subalit dahil iyon sa pagsali niya sa mga paligsahang pampalakasan, sa loob at labas ng kanilang paaralan. Napakatulin niya kung tumakbo kaya siya ang pambato sa track and field. Bagay na hindi matanggap ni Aling Costuna. Tutol na tutol siya sa ginagawa ng anak.

Gusto niya kasing maging Arkitekto o Inhinyero si Mildred. Dalawang propesyong pinangarap daw noon ni Aling Costuna, subalit hindi na naisakatuparan dahil sa maagang pag-aasawa.

Hindi na nangatwiran pa si Mildred sa kaniyang ina. Matapos ang paluan at sermon, dumiretso na siya sa kanilang kuwarto ng kaniyang mga kapatid na babae.

“Hayan napalo ka na naman ni Nanay. Kulit mo kasi eh. Makinig ka na lang sa amin. Wala kang future diyan sa pagtakbo-takbo na iyan. Magkakapera ka ba diyan?” segundang sermon naman ng kaniyang kapatid na si Adela.

“Itago ninyo sa bato. Magiging matagumpay na track and field runner ako!” nasabi na lamang ni Mildred.

At iyon nga ang ginawa ni Mildred.

Hindi siya nagpagapi sa anumang mga sinasabi ng kaniyang ina at kapatid hinggil sa pagtupad niya sa kaniyang pangarap na maging isang mahusay na atleta sa pagtakbo.

Nakikita na niya ang sarili sa iba’t ibang mga paligsahang pampalakasan, sa loob at labas ng bansa.

Advertisement woman feet running on road closeup on shoe. young fitness women runner legs ready for run on the road. sports healthy lifestyle concept. - asian lady track and field stock pictures, royalty-free photos & images

Hindi man ganoon katalas ang kaniyang isipan sa Matematika o iba pang asignatura, titiyakin niyang titingalain din siya sa tatahakin niya.

Kaya naman, matapos ang kaniyang pag-aaral sa hayskul, hindi siya napigilan ng kaniyang mga magulang sa kursong tinahak niya: Sports Science. Bukod dito, nakakuha rin siya ng full-time scholarship dahil sa pagiging bahagi ng varsity, para sa track and field.

Si Mildred ang laging kinatawan ng kanilang pamantasan sa track and field, at lagi naman siyang nakapag-uuwi ng medalya: tanso man o pilak.

“Balang araw, makukuha ko rin ang gintong medalya ko,” laging dinarasal ni Mildred. Alam niyang maisasakatuparan din niya ang minimithi ng kaniyang isip at puso.

Hanggang sa ipinasya ng kanilang pamantasan na isali si Mildred sa Palarong Pambansa. Malaki ang pabuya ng pamantasan kapag nakasungkit ng gintong medalya: full-time scholarship hanggang sa pagkuha ng mag-aaral ng master’s degree at doctorate degree.

Higit sa lahat, magkakaroon ng 500,000 piso, sapat na sapat na para kay Mildred upang matustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.

Literal na pinagsabay ni Mildred ang kaniyang pag-aaral at pag-eensayo para sa laban na iyon.

Sa araw ng laban, hindi makapaniwala si Mildred nang makita niya ang buong pamilya: manonood at susuporta sa kaniya. Nilapitan siya ng kaniyang ina.

Advertisement

“Anak, patawarin mo ako kung minaliit ko ang kakayahan mo. Gusto kong malaman mo na ipinagmamalaki kita. Ipinagmamalaki ka namin,” naiiyak na pagbibigay ng pansuportang pahayag ng kaniyang ina.

Niyakap niya si Aling Costuna. Nakaramdam siya ng ibayong lakas. Inspirasyon.

runner training in stadium - asian lady track and field stock pictures, royalty-free photos & images

Kaya naman hindi kataka-takang masungkit niya ang kaniyang unang gintong medalya. Pakiramdam niya ay nasa alapaap siya. Sa wakas, nakakuha siya ng gintong medalya…

At higit sa lahat…

Nakuha na niya ang paggalang at pagsuporta ng kaniyang pamilya. Iyon ang tunay na gintong medalya—na hinding-hindi mawawala at mananakaw ninuman!