Inday TrendingInday Trending
Nanginginig sa Gutom ang Lalaki Nang Nanghingi Ito ng Makakain sa Dalaga; Isang Nakahahabag na Kwento ang Dala Nito

Nanginginig sa Gutom ang Lalaki Nang Nanghingi Ito ng Makakain sa Dalaga; Isang Nakahahabag na Kwento ang Dala Nito

Naglalakad si Karina, habang panay ang kuha ng litrato, sa bawat magagandang tanawin na kaniyang makikita. Hilig na talaga niya ang kumuha ng mga litrato. Nang may lumapit sa kaniyang lalaki at manghingi ng kaunting makakain.

“Maaari ba akong makahingi ng kaunting makakain sa’yo, hija?” Anito na halata ang panginginig sa katawan.

Agad namang nakaramdam ng awa ang dalaga. Buti na lang at may dala siyang baon sa kaniyang bag. Agad niya iyong kinapa at hindi nagdalawang isip na ibigay sa mamâ ang kaniyang pagkain.

Inalalayan niya itong umupo sa mga nakahilerang upuan sa parke. Malinis ang mamâ at hindi naman ito mukhang taong grasa. Ngunit sa itsura nito’y nakikita niyang sa kalye lamang ito natutulog.

Nag-aalangan man at may kaunting takot, dahil baka isang masamang tao ang mamâ ay mas pinili ni Karina ang tulungan ito.

“Kumain ka na po tatay,” aniya na agad namang ginawa ng lalaki.

Matapos ang ilang minuto ay tapos na nga itong kumain. Binilhan niya ito ng tubig upang kahit papaano’y maibsan ang uhaw na nararamdaman nito.

“Nabusog na po ba kayo?”

Agad namang tumango ang mamâ at nahahapong ngumiti. “Salamat, hija.”

“Walang anuman po,” aniya. “Ano pong pangalan ninyo at taga-saan po ba kayo tatay?”

“Ako nga pala si Jaime,” pakilala ng lalaki. “Limampu’t pitong taong gulang na ako at dati akong taga-Quezon Province,” sagot ng lalaki na ngayon ay hindi na nanginginig sa gutom. “Dati akong OFW, isa akong cook sa isang sikat na restaurant sa bansang Australia, noong kalakasan ko.”

“Magaling pala kayong magluto tatay,” aniya.

Agad namang ngumiti ang lalaki sa sinabi ni Karina. “Oo, noon…” anito.

“A-ano po bang nangyari?”

“Noong nag-edad ako ng bente-singko ay nagdesisyon akong mag-abroad at sinuwerte naman sapagkat natanggap ako agad bilang isang cook doon sa dati kong pinagtatrabahuan. Ang saya-saya ko noong panahon na iyon. Iniisip kong iyon na nga ang katuparan ng mga pangarap ko.

Tig-dadalawang taon lamang ang kontrata ko’t umuuwi-uwi ako rito sa ‘Pinas. No’ng nag-edad ako ng trenta’y singko ay nagdesisyon naman akong mag-asawa,” mapait na ngumiti si Tatay Jaime.

“Kaya nakilala ko ang aking asawa na si Odeth. Nagkaroon kami ng dalawang anak. Ipinagpatuloy ko pa rin ang pagtatrabaho ko sa ibang bansa. Mas maigi kasi doon kasi malaki na ang sahod ko.

Kahit gustuhin ko man na manatili na lamang dito sa’tin upang makasama sila’y nanghihinayang ako sa sinasahod ko sa ibang bansa. Kaso totoong hindi habang buhay ay malakas ka. Nagkasakit ako sa bansang Australia, noong una’y akala ko pasma lang.

Kasi galing sa mainit na pagluluto, ta’s malalamigan ka. Kinaya-kaya ko lang hanggang sa isang araw biglang nawala ang paningin ko at biglang bumagsak ang katawan ko,” mahabang kwento ni Tatay Jaime.

“Anong nangyari sa inyo, tatay?”

“Hindi ko namalayan na may sakit na pala akong diabetes,” muling gumuhit ang malungkot na ngiti nito. “Pinagamot ako ng amo ko. No’ng gumaling ako’y nagdesisyon silang pauwiin na ako sa ‘Pinas. Wala akong nagawa kung ‘di ang pumayag.

Binayaran naman nila ako ng malaki sa taong sinerbisyo ko sa kanila. Kaso naubos rin sa pagpapagamot ko ang perang naipon ko. Doon na nagkanda-let*se-let*se ang buhay ko, kaya humantong ako sa pagiging taong palaboy,” wika ni Jaime, pinipigilan ang pag-iyak.

“Nasaan na po ang asawa’t mga anak ninyo, tatay?”

“Iniwan ako ng asawa ko no’ng malaman niyang wala na akong pera. Ang anak ko namang panganay ay nandito ngayon sa Manila, pati ang bunso ko. Pare-pareho nang may mga pamilya. Sa kanila ako nakikitira.

Sa ngayon ay ang bunso kong anak ang nag-aalaga sa’kin. Kaso mahihirap lang ang mga anak ko’t maliit lang ang inuupahan nilang bahay, kaya pinili ko na lang matulog sa lansangan. Ang akala nila’y umuupa ako ng maliit na kwarto, hindi ko masabi sa kanilang kulang ang perang ibinibigay nila para makaupa ako.

Kaya ang ipang-uupa ko’y binibili ko na lang ng makakain. Aanhin ko ang bahay at maayos na matutulugan kung kumakalam naman ang sikmura ko. Kaso limang araw na akong walang pera, kasi naubos na ang isang libong binigay nila sa’kin noong nakaraang buwan pa, kaya ilang araw ko na ring tinitiis ang gutom,” mahabang paliwanag ni Jaime.

Nakaramdam ng habag si Karina sa kwentong ibinahagi ni Jaime. “Kung kailan kailangan na kailangan mo ang asawa mo’y saka ka naman niya tinalikdan.”

“Alam mo hija, sa nangyaring ito sa buhay ko, ngayon ko lang naisip na hindi pala por que nagmamahalan kayong dalawa’y kaya ka nang samahan ng partner mo sa hirap. Kasi kadalasan, nand’yan lang ang isang tao kapag may pakinabang pa sila sa’yo.

Masyado akong nagmadaling makapag-asawa noon kaya hindi ko na sinuring maigi kung ang babaeng minahal ko ba’y kaya akong samahan sa pinakamahirap na tagpo ng buhay ko.

Kaya ikaw ineng maghanap ka ng makakasama sa buhay na kung kaya kang samahan sa tawa’y kaya ka rin niyang samahan sa iyak. Akala ko noon tuloy-tuloy na ang swerte ko sa buhay, may katapusan pala talaga ang lahat,” malungkot na wika ni Jaime, ngunit nanatili pa rin sa labi ang ngiti.

Walang mahagilap na sasabihin si Karina, kaya pinili na lamang niyang ngumiti. Tama si Tatay Jaime, maraming taong papasok sa buhay mo na nand’yan lang kapag masaya at maginhawa ang lahat. Pero nawawala na lang bigla kapag nagsimula na ang hirap at iyakan.

Napakaswerte mo kung may taong handa kang samahan kahit sa panahong wala ka nang maibigay sa kanila. Iyon ang hindi natagpuan ni Tatay Jaime, kasi noong panahong bumagsak ang hanapbuhay niya, pati ang asawa niya’y iniwan rin siya.

Hindi alam ni Karina kung paano niya tutulungan si Tatay Jaime, pero nangako siya ritong babalik siya araw-araw sa parke upang kumustahin ang lagay nito at lagi siyang magdadala ng pagkain para rito, bagay na labis namang ikinatuwa ni Jaime.

Advertisement