Halos Gumuho ang Mundo ng Lalaki nang Bawian ng Buhay ang Pinakamamahal na Asawa; Hindi Siya Makapaniwala nang Makita Muli Ito Makalipas ang Isang Linggo

Sa isang maliit na bayan, sa isang malayong probinsya, ay nakatira ang dalagang si Sanya. Maraming binata ang nabibighani sa kaniyang ganda at taglay na kabaitan. Maraming binata ang lumigaw rito ngunit walang napupusuan sa kanila ang dalagang si Sanya.

Hanggang sa dumating sa kanilang bayan si Nathan. Galing sa Maynila ang binatang si Nathan. Matangkad, gwapo at mukhang kagalang-galang, kaya naman hindi nakakapagtakang nakuha nito ang atensyon ng dalaga.

“Sanya, aking sinta, pinapangako ko sa’yong tunay ang aking pag-ibig sa’yo. Handa akong gawin ang lahat makuha lamang ang puso mo,” madamdaming pahayag ni Nathan sa dalaga.

“Maraming salamat sa pag-ibig mo, ginoo. Maari lamang ay bigyan mo ako ng panahon bago ko masagot ang pag-ibig mo,” sagot ng dalaga sa binata.

Sa katunayan ay iniibig na rin ng dalaga si Nathan ngunit upang masiguradong hindi isang pagkakamali ang ibigay ang puso niya sa binata ay humingi muna siya ng panahon upang mas makilala pa ang binata.

Dumaan pa ang ilang buwan bago tuluyan nang ibigay ng dalaga ang kaniyang matamis na oo sa binatang si Nathan. Naging masaya ang magkasintahan sa piling ng isa’t isa. Tunay nga naman kasi ang pagmamahalan ng dalawa.

“Sanya, aking mahal, sigurado akong napatunayan ko na sa’yo na tunay ang nararamdaman kong pag-ibig sa’yo, hindi ba?” saad ni Nathan sa kasintahang si Sanya.

“Oo naman mahal ko. Alam ko at nararamdaman kong tunay ang pag-ibig na iniaalay mo. Walang pagdududa akong nararamdaman sa’yo. Bakit mo naman natanong iyon?” sagot ng dalaga sa binata.

Advertisement

“Kung gayon, siguro ay panahon na para alukin kita…”

Napasinghap ang dalaga nang biglang lumuhod ang binata at ipinakita ang isang singsing. Napaluha siya ng marinig ang sunod na mga salita mula sa lalaking minamahal.

“Mahal na mahal kita, aking Sanya. Simula nung unang pagkakataon na nakita kita ay alam ko nang ikaw ang babaeng gusto kong makasama sa habang buhay. Pakasalan mo at ipapangako ko sa’yong gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang mapaligaya ka. Samahan mo ako at bumuo tayong dalawa nang isang masayang pamilya na pupunuin natin ng saya at pagmamahal,” puno ng emosyong pahayag ng binata.

Tumango naman ang dalaga bilang sagot at agad na niyakap ng mahigpit ang lalaking buong pusong minamahal. Ilang buwan ang nagdaan at ikinasal din ang dalawang pusong tunay na nagmamahalan.

Namuhay nang masaya at payapa ang mag-asawa hanggang sa biniyayaan sila nang isang supling. Isang batang babaeng kasing ganda ni Sanya. Pinangalanan nila itong Claire. Ngunit sabi nga nila, hindi panghabang- buhay ang kaligayahan.

Ang masayang pamumuhay ng mag-anak ay natapos nang dumating ang madilim na ulap sa maaliwalas nilang langit. Nagkasakit si Sanya at di-naglaon ay pumanaw din. Naiwan ang mag-amang parang binagsakan ng sangmundong kapighatian.

Nahihirapan man ay pinilit ni Nathan na bumangon at ipagpatuloy ang buhay nila nang kanilang anak. Alam niyang siya na lamang ang inaasahan ng kanilang anak kaya kahit sobrang nagdurusa man sa pagkawala ng asawa ay nagpapakatatag siya.

Isang gabi nang binibigyan niya ang sanggol ng bote ng gatas, naramdaman ni Nathan na may dumating na tao sa kaniyang likuran. Nabitiwan niya ang hawak na bote nang gatas nang makita sa pintuan ng silid ang asawa na kalilibing pa lamang nila noong nagdaang linggo. Hindi ito nagsasalita ngunit nakaunat ang mga kamay at waring hinihingi ang anak nila.

Advertisement

“Sanya?” wala sa sariling saad ni Nathan habang nakatingin sa asawa.

Lalapit na sana ang babae at kukunin sa kaniya ang umiiyak na nilang anak nang biglang natauhan si Nathan.

“Huwag, Sanya! Pa*tay ka na hindi ba? Hindi ko ibibigay sa’yo ang anak natin!” mariining pahayag ni Nathan sa asawa at hinigpitan ang pagkapangko sa bata.

Umalis ang babae, ngunit sa sunod na gabi ay bumalik muli. Lalong mahigpit ang pagtanggi ni Nathan na iabot ang bata. Hinding-hindi niya ibibigay ang anak nila sa kaniya!

Hindi na siya makatulog sa malaking takot at pagtataka. Nangangamba siyang baka pag siya’y nakatulog ay bigla na lamang kunin ni Sanya ang kanilang anak. Nang nangyari uli sa ikatlong gabi, naisip na ni Nathan na sumangguni sa mga matatandang taga-nayon.

“Hindi iyon multo ng iyong asawa, Nathan. Isang tikbalang iyon na nag-aanyong tulad ng asawa mo. May mga tikbalang diyan sa ating parang. At ‘di ba’y may puno nang balete kayo sa likod nang inyong bahay? Sa mga puno ng balete at lumbang sila natutulog ‘pag araw at sa gabi lumalabas. Maaaring ang tikbalang na iyon ay doon natira sa puno nang balete sa likod nang inyong bahay,” paliwanag ni Mang Isko kay Nathan nang marinig ang kwento ng lalaki.

“Totoo po ba talaga ang mga tikbalang, Mang Isko? Akala ko po’y mga kwentong bayan lamang iyon upang takutin ang mga batang pasaway,” takang-takang tanong ni Nathan sa matanda.

“Totoong may tikbalang. Kilala mo ba si Karyong sintu-sinto? Kaya naging ganoon ang taong iyon ay dahil nakuha iyon ng tikbalang noong bata pa. Nawala ng dalawang araw at natagpuan ng ama sa ilalim ng puno ng balete,” sagot ng matanda kay Nathan. Napuno naman ng pangamba ang ama para sa anak.

Advertisement

“Naku, ano po ba ang pwede kong gawin? Gabi-gabi po ay lalong humihigpit ang pamimilit niyang makuha ang anak ko,” puno ng pangambang tanong ni Nathan sa matanda.

“Huwag kang mag-alala anak at paghahandaan natin iyang tikbalang na iyan,” pangako ni Mang Isko sa kaniya.

Nang gabing iyon, dumating sa dating oras ang tikbalang na nag-anyong Sanya. Nang dudukwangin na sana nito ang batang pangko ni Nathan ay biglang naglabasan sa silid ang maraming kalalakihan mula sa kanilang bayan. Nagitla ang tikbalang at dagling tumalon sa bintana.

Ngunit sa ibaba ay nakahanda rin ang ilang taong bigla siyang nasunggaban sa buhok. Pinagtulung-tulungan nila itong iginapos sa puno ng niyog. Hinampas nang hinampas hanggang magsisigaw ito sa paghingi ng awa.

“Patawarin! Aalis na ako rito sa lugar ninyo, pakawalan lamang ninyo ako. Isasama ko lahat ng mga kampon ko. Lalayo na kami at ‘di na kayo gagambalain. Maawa kayo!” nagmamakaawang saad ng tikbalang.

Sa kasisigaw nito at sa pangakong ‘di na maninikbalang uli, naawa ang mga lalaking nayon at pinaalpasan na rin ang maligno.

Buhat nga noon, wala nang tikbalang pang nabalitaan sa kanilang bayan. Ang batang si Claire ay lumaki’t naging isang mabait at magandang babaeng tulad ng kaniyang ina. Namuhay sila nang masaya at tahimik kasama ang kanilang mga kabayan.