Inday TrendingInday Trending
Akala ng Dalaga ay Guni-Guni Niya Lang ang Multong Masama Kung Makatingin; Kinilabutan Siya nang Makita Ito sa Isang Photo Album

Akala ng Dalaga ay Guni-Guni Niya Lang ang Multong Masama Kung Makatingin; Kinilabutan Siya nang Makita Ito sa Isang Photo Album

Simula nang pumanaw ang ama ni Delila noong pitong taong gulang pa lamang siya ay lumipat na sila ng bahay, hindi kasi kayang tustusan ng nanay nila ang pagbabayad sa mga gastusin dito idagdag pa ang kakainin nila ng kapatid niyang si Mark, limang taong gulang naman ito noon. Ngayon ay graduate na si Delia sa college, may maganda nang trabaho at si Mark naman ay nasa huling taon na ng kolehiyo.

“Ma, nasaan po yung baptismal certificate ko? Kailangan ko lang po para sa kasal, isa sa mga requirements.” sabi ni Delila sa kanyang ina, sa susunod na anim na buwan kasi ay balak na nilang magpakasal ng kanyang nobyo kaya inaasikaso na nila ang mga kakailanganin.

“Naku anak, naalala mo noon ay walang-wala tayo. Wala akong pambayad sa maglilipat ng gamit sa bahay kaya ang ilan ay nakaligtaan ko na. Pwedeng naiwan doon sa lumang bahay natin.” sabi ng kanyang ina.

May kotse naman si Delila, ang problema niya lang ay ayaw niyang pumuntang mag isa doon sa lumang bahay. Natatakot siya, noong bata kasi siya, siguro ay limang taong gulang ay may natatandaan siyang nagpapakita sa kanyang matandang lalaking naka-pajama sa bandang hagdan nila noon. Alam niyang multo ito dahil tumatagos ito sa mga pader at nagpapakita ito kapag nagkukulit siya sa nanay niya, sa kanyang paglaki ay inisip niyang imagination niya lamang iyon bilang bata. Pero syempre ay kinikilabutan pa rin siya kung babalik siyang mag isa roon ngayon.

Bale ba ay may business meeting ang nobyo niya sa Cagayan kaya di siya nito masasamahan. Bigla niyang naisip ang kapatid na si Mark, tutal ay Linggo naman at walang klase ito. Agad niyang kinatok sa kwarto ang binata at nagliwanag naman ang mata nito nang sabihin niyang isasama niya ito.

Nag-drive na ang magkapatid patungo sa probinsya, habang nasa daan ay kumakain pa ng chips si Mark.

“Baka matapon sa upuan yang chichirya mo ha, kakapalinis ko lang nito. Ano nga yung binilin ni mama bago ka lumabas?” tanong niya rito, narinig niya kasing kinausap ito ng nanay nila habang ini-start niya ang kotse.

“Ah, baka raw may makita tayong photo album pakiuwi na rin daw.” sabi nito.

Ilang oras pa at nasa probinsya na sila. Ramdam ni Delila ang kilabot nang makatungtong siya sa bakuran na puro tuyong na dahong naglaglagan sa mga puno. Halu-halong emosyon ang nararamdaman niya, lungkot dahil naalala niya ang kanyang ama-dito sila madalas maglaro noon, excitement, takot.

“Wag mo akong tatakutin, sasapakin kita.” sabi niya sa kapatid na si Mark, napasulyap naman sa kanya ang binata na noon pala ay nakatulala rin sa bahay.

Pagpasok nila sa loob ay lumangitngit ang kahoy na sahig, hindi nagalaw ang kanilang mga naiwang gamit kahit pa ilang taon na ang nakalilipas. Agad silang naglakad patungo sa kwarto pero saglit na napatigil si Delila dahil kakailanganin nilang umakyat sa hagdan, totoo kaya ang imagination niya noon?

Napapitlag pa siya nang biglang magsalita si Mark, “Hindi na ako makulit, wag kang magpapakita lolong naka-pajama..” halos ibulong na nito iyon sa sarili pero dahil sobrang tahimik ng paligid at bawat salita ay nag e-echo, nahagip pa rin iyon ng pandinig ni Delila.

Gulat na napalingon siya sa kapatid, “Nakikita mo rin siya noon?!”

Tumango ang lalaki. Ibig sabihin, hindi imagination ang matandang nagpapakita sa kanila. Magkahawak kamay ang dalawa na umakyat sa hagdan, hinarap nila ang takot para makuha ang mga kailangan nila, tutal ay dalawa naman sila. Hindi na siguro sila tatakutin ng matanda, bukod doon, hindi na naman sila mga batang makukulit.

Nakahinga ng maluwag ang magkapatid pagkalabas nila ng bahay, dali-dali silang sumakay sa kotse at nag-drive pauwi.

Tuwang-tuwa ang nanay nila dahil nakuha nila ang photo album, ‘ika nito, naroon daw ang kabataan nito. Ang mga nakuha lang kasi nito noon ay mga photo album nilang magkapatid, nakalimutan na nito ang para sa sarili.

Naluluha-luha pa ito sa bawat buklat matapos punasan ng alikabok ang album, “Delila, halika rito. Ito ang tiya Delia ko, sa kanya ako lumaki noon. Sa kanya ko kinuha ang pangalan mo,” masayang pagbabahagi nito. Nakisilip na rin si Mark.

Kaunting buklat pa at halos mapahawak sa dibdib niya si Delila dahil naroon sa litrato ang matandang lalaking naka-pajama, karga nito ang nanay niya na sa tingin niya ay apat na taong gulang pa lamang noon, “S-sino po siya?” tanong niya.

“Si Lolo Javier yan, kapatid ng lolo ko. Minsan lang dumadalaw sa bahay iyan at saglit ko lang sya nakasama, pero hindi ko sya makakalimutan kasi sobrang higpit nya, lalo sa mga batang makukulit. Naku, talagang namamalo iyan.”

Nagkatinginan naman si Delila at Mark, kaya pala ganoon nalang ang titig nito sa kanila kapag nagpapasaway sila sa nanay nila noon.

Hanggang sa kabilang buhay pala ay nadala ng lolo nila ang pagiging istrikto. Napangiti silang dalawa, kung hindi rin dahil dito ay nakunsumi na ang nanay nilang mag-isang nagpapalaki sa kanila noon.

Advertisement