Sinunog ng Taumbayan ang Bahay ng Isang Mangkukulam, Nabalot Sila ng Kahihiyan nang Malaman ang Katotohanan
Hatinggabi na noon, inaantok na si Aling Berta pero tuwing mapapapikit siya ay gigisingin siya ng apong si Jason, hindi kasi nakakatulog ang bata nang hindi niya kinukwentuhan. Ang hilig-hilig nito sa kwentong kababalaghan kahit na paulit ulit na nitong narinig iyon sa kanya.
Kahit makulit ang apo ay mahal na mahal naman ito ng ale dahil silang dalawa na lamang ang magkasama sa buhay. Namatay sa isang aksidente sa Maynila ang mga magulang nito kaya dito na ito sa probinsya nakatira kasama niya.
“Lola kwento mo po ulit yung aswang nyong kapitbahay. Si Malena ba yun,” sabi ng bata na nakaabang pa sa kanya, ang mga mata nito ay tila nakikiusap na pagbigyan nya.
“Paulit ulit ka naman Jason eh. Hindi mo ba narinig sa mga kapitbahay na may mamimigay raw ng relief goods bukas ng umaga? Baka maubusan tayo. May libre pa raw check up para sa malabong mata ng matatanda.” inaantok na sabi niya.
“Sige na lola, last na. Sige na po please,”
Bumuntong hininga ang matanda at sinimulan nang ikwento ang paulit-ulit na nitong narinig na alamat sa lugar nila.
Iyon ay tungkol sa kapitbahay nilang si Malena, dayo lang ito sa lugar- hindi na maalala ni Aling Berta kung saan itong lupalop nanggaling dahil ka-edad niya lamang si Jason nang mangyari ang lahat. Simula nang dumating ito ay marami nang nilalagnat sa kanilang kapitbahay at dahil nabuhay sila sa makalumang panahon ay mahilig maghaka-haka ang mga tao upang may mapagbintangan sa nangyayaring sakuna.
Mahaba ang buhok ng babae at hindi masyadong lumalabas ng kubo nito, tuwing gabi ay may naririnig silang boses ng batang umiiyak na marahil ay biktima nito. Nadagdagan pa ang hinala ng mga tao isang hapong nakita nila si Malena na naglalaba ng mga lampin ng bata na may dugo. Pagsilip sa bintana ng bahay ni Malena ay marami ring mga tila gamot na nasa bote, kung anu-anong dahon na dinikdik sa mesa na marahil ay gamit rin nito upang makagawa ng masama sa kapwa.
Dahil sa naipong galit at kuro-kuro ay sinugod ng taong bayan ang bahay ni Malena, may mga dalang sulo at kinompronta ang babae, matagal pa bago ito lumabas ng bahay. Sa takot nilang magpalit ito ng anyo ay sinilaban na nila ang kubo nito, nasunog ang babae sa loob at nasawi itong humihingi ng saklolo.
“Simula noon ay hindi na nagkakasakit ang mga tao, kung aswang sya o mangkukulam ay di ko alam. O baka pareho. Siya, matulog ka na, baka puntahan ka pa ni Malena.” pananakot niya sa apo para matulog na ito.
Kinabukasan ay maagang pumila ang mag-lola sa namimigay ng relief goods, pagkatapos noon ay nagpalista na si Aling Berta sa libreng check up ng mata. Bago magsimula ang check up ay nagsalita ang kanilang mayor, winelcome nito ang doktor na punong abala sa medical mission na ito.
“Salamat po mayor, good morning! Ako po si Albert Corpuz, doktor rin ako sa mga mata. Sana po ay nag-eenjoy tayong lahat, malapit sa puso ko ang lugar na ito kaya naman talagang pinush ko na dito unahin ng organization namin ang libreng pagpapacheck up.” bungad nito, nagpalakpakan naman ang mga tao.
“Bago tayo magsimula gusto ko lang ibahagi sa inyo ang isang importanteng kwento, dahilan kung bakit ginusto kong maging doctor at makatulong sa iba. Ang lola ng mommy ko ay may sakit noong kabataan niya, sumusuka ito ng dugo, halos ito na nga ang gumamit sa mga lampin ng kapatid niyang sanggol noon dahil ubos na ang damit nito sa dami ng dugong isinusuka, gabi-gabi ay ganoon na lamang ang iyak at daing nito. Pero dahil salat sila sa pera ay di nila magawang magbayad sa doktor. Kaya naman ang nanay niya ay gumawa nalang ng mga halamang gamot para mabigyan siya ng lunas. Hindi nila akalain na iyon ay magiging daan upang pagkamalang aswang ang kanyang nanay, nagalit rito ang mga taong bayan at sinunog ang bahay nila, habang naroon ito sa loob. Mabuti na lamang at pinatakas sila ng kanyang ina, bitbit niya ang sanggol na kapatid ay nagpakalayu-layo sila sa lugar na iyon. Lumaking ulilang lubos ang lola ko..” malungkot na sabi nito.
Isa-isa namang nagbulungan ang mga tao, hindi pa napigilang mag komento ng ilan. “Ang sama naman ng mga taong yan dok!”
“Mapanghusga!”
Nagtuloy ang doktor sa pagsasalita, “Kaya naman ninais kong maging doktor upang makatulong hindi lamang sa mayayamang may sakit kundi lalo na sa mahihirap. Pinili kong maging espesyalista sa mata upang mabigyang linaw ang paningin ng mga tao ukol sa panghuhusga nila sa kapwa.”
“Oo nga dok, karmahin sana iyang gumawa nyan sa lola mo,” komento rin ni Aling Berta.
“Saang baryo ba yan? napakawalang kwenta ng mga tao.” tanong pa ng isa. Pero di nila inaasahan ang isasagot ng lalaki.
“Ang baryong pumatay sa lola ko, ay ang baryong ito.” sabi nito.
Napuno ng bulung-bulungan ang covered court, ganoon na lang ang panlalaki ng mata nila nang maisip ang tinutukoy nito at tila nabasa naman iyon ng doktor.
“Tama kayo, si Malena Corpuz, ang babaeng pinagbintangang aswang.”
Dali-daling inakay na ni Aling Berta si Jason, hindi niya kayang humarap sa doktor dahil kinakain siya ng hiya at kunsensya. Dumiretso sila ng simbahan at taimtim na nagdasal, humihingi ng kapatawaran sa sinapit ni Malena.
Nakangiti naman si Albert, tagumpay kasi ang kanyang misyon, hindi ang pamukhaan ang mga tao kundi ang linisin ang pangalan ng kanyang lola. Alam niyang matatahimik ang kaluluwa nito dahil sa wakas ay lumabas rin ang totoo.