
Biglang Tamlay ang Anak ng Aleng Ito, Ano Kaya ang Problema?
Mula sa pagkawala ng kaniyang asawa ay maglilimang taon nang sumusugal ngayon ang mag-inang si Aling Cherry at ang anak nitong si Chacha rito sa Maynila.
“Ma, sama na lang ako sa’yo sa Balintawak,” pupungas-pungas na saad ni Chacha sa kaniyang nanay.
“Anak, ang dami kasing ipamimili ni nanay saka ayaw ko ng may buntot at madaling araw pa. Dadalhan na lang kita ng paborito mong pansit ha. Matulog ka muna at maaga pa,” sagot ng ale sa anak niyang magsasampung taong gulang na.
“Huwag ka nang pasaway at huwag mapilit. Linggo ngayon at maraming tao sa talipapa, magsara ka ng pinto at aalis na ako. Basta, uuwian kita ng pansit mamaya pagkagaling ko sa balintawak,” mabilis nitong dagdag sa kaniyang anak. Hindi naman na sumagot pa si Chacha at nagkumot na lamang ito saka hinayaang umalis ang kaniyang nanay.
Limang taon lamang ang anak niya noong mawalan ng tatay nang dahil sa sakit kaya naman maaga ring tumayong mag-isa sa sarili nitong paa ang bata. Nariyang iniiwan niya lamang ito sa bahay at pababayaan na niya itong mag-asikaso sa lahat dahil sa pagiging abala niya sa paghahanap buhay.
“Chacha, nandito na ako at ito na ang pansit mo. Pupunta na ako sa pwesto natin anak, kumilos ka na riyan. Nanggaling na ako sa Balintawak lahat lahat ay wala pa ring nalilinis sa bahay. Bangon na, Chacha!” sita ng ni Aling Cherry sa kaniyang anak nang makabalik ito mula sa pamimili.
“Sige po, ‘ma, susunod na ako,” matamlay na sagot ng anak sa kaniya.
Hindi na nagsalita pa si Aling Cherry at inayos nalang ang mga dadalhin saka mabilis na umalis.
Nagtataka siya sa biglang panlalamya ng kaniyang anak ngunit patuloy lamang siya sa paghahanap buhay at kailangan niyang kumayod para sa kanila.
“Cherry, dumadalang yata ang pagsama sa’yo ni Chacha ngayon,” bati ni Aling Maning, kasamahan sa talipapa ng ale.
“Oo nga e, napapansin ko nga rin na parang ang tamlay ng anak ko. Ano ba ang mga usong problema ng kabataan ngayon?” wika niya rito.
“Naku! Pag ganyan ang anak ko ay may gusto iyang ipabili. Baka naman gusto ng cellphone na bago lalo na at ang gagaling na nilang gumamit ng mga teknolohiya ngayon,” sagot naman kaagad ng ale sa kanya.
Napatulala naman saglit si Aling Cherry sa kaniyang narinig at inalala kung may hiniling nga bang pabor ang kaniyang anak na hindi niya napagbigayan. “Mamaya ko na lang iisipin,” bulong niya sa sarili saka itinuloy ang paglilista niya ng mga paninda.
Lumipas ang buong araw at natapos na siya sa pagtitinda sa palengke kaya naman umuwi na si Aling Cherry.
“Nak, tayo nang maghapunan. May manok akong dala,” lambing niya sa anak.
Tumango lamang ang bata at naghanda ng kanilang kakainan.
“Anak, nagtatampo ka ba kay mama? Bakit parang ang tamlay tamlay mo? May problema ba?” mabils niyang tanong dito.
“May gusto ka bang ipabili sa akin?” dagdag pa niya.
“Wala naman ‘ma, natatakot lang ako,” sagot ni Chacha.
“Natatakot saan?” tanong ni Aling Cherry.
“Paano kapag kunwari, may kailangan tayong ipakulong. May pera ba tayo? Kunwari lang naman,” tanong ng bata sa kaniya.
“Ano ba ‘yang pinagsasabi mo anak?” naguguluhang imik ng ale.
Hanggang sa bigla na lamang umiyak si Chacha sa kanilang hapag. Mabilis naman na yumakap si Aling Cherry.
“Mama, natatakot ako. Hindi ko alam ang gagawin. Alam kong wala tayong kamag-anak at walang lalaki sa pamilya natin. Hindi ko alam, mama,” iyak pang muli ni Chacha sa kaniya.
“Ano bang nangyari, ‘nak? May nanakit ba sa’yo? Tara at susugurin ko!” matapang na wika ng kaniyang ina.
“Kasi, mama, si kagawad na kapitbahay natin. Palagi po siyang nagpapakita ng mga malalaswang bahagi niya ng katawan sa akin. ‘Di po ba katapat lang natin ang pintuan niya. Kapag po nakabukas ang pinto natin at bigla niyang bubuksan ang pinto niya at maghuhubad para makita ko. Naiiyak na ako, ‘ma! Ayaw ko na rito! Alis na lang tayo!” siwalat ng bata sa kaniya. Parang binuhusan ang puso ni Aling Cherry ng kumukulong tubig sa galit at nginig na kaniyang naramdaman ngunit mas pinili niyang maging kalmado sa harap ni Chacha at niyakap lamang ang bata.
Kinaumagahan ay kaagad silang nagsumbong sa barangay patungkol sa gawain ng isa nilang kagawad. Hindi naman sila pinaniwalaan dahil sa wala raw katibayan at gumagawa lamang ng kwento ang kaniyang anak.
“Menor de edad ang anak ko! Ang baboy ng kagawad niyo! Hindi porke wala akong asawa, wala siyang tatay ay gaganituhin niyo kami. Hindi ako titigl hanggat hindi nabibigyan ng leksyon ‘yang kagawad niyo!” galit na sigaw ni Aling Cherry sa opisina ng barangay. Kaagad na kumalat ang balita sa kanilang lugar at pakiramdam niya’y napakaliit niyang nilalang sa mundo upang hindi niya maprotektahan ang kaniyang anak.
“Anak, patawarin mo ako kung masyado akong naging abala sa paghahanap buhay at napabayaan na pala kita. Patawarin mo ako, anak. Pero lagi mo sanang tatandaan na kahit wala kang tatay ay ipaglalaban kita. Kaya huwag kang matatakot na palaging magsabi kay mama!” iyak niya kay Chacha.
“Huwag ka ng umiyak, ‘ma. Hindi tayo papabayaan ng Panginoon. Sorry rin po kasi ngayon lang ako nagsabi, natatakot kasi ako, natatakot talaga ako, ‘ma,” iyak niyang muli.
Lumipas ang ilang buwan at may ilan pang kapitbahay at menor de edad din na mga kabataan ang nagsulputan upang ipagbigay alam ang naturang malaswang gawain ng kagawad.
Simula noon ay naaresto ang lalaki at mas nagkaroon ng lakas ng loob si Aling Cherry na lumaban. Hindi lamang sa buhay kung ‘di pati sa may mga kapangyarihan na namumuno sa bansa.