Wala nang mga magulang si Mikoy. Bata pa lamang siya noon nang maaksidente ang sinasakyan ng mga itong bus ng pauwi sana sa kanilang probinsya. Kaya naman ang kanyang lola na ang nagpalaki sa kanya. Mabait na bata si Mikoy. Kailanman ay hindi niya pinasakit ang ulo ng kanyang lola.
“Wag po kayong mag-alala lola, sa oras na makatapos ako ay maghahanap ako ng trabaho sa Maynila. Magsusumikap ako hanggang sa yumaman ako, tapos kukunin kita dito.
Ipapagawa kita ng malaking mansyon! Hindi kana makakaranas pa ng hirap,” puno ng pangarap na saad ng batang Mikoy sa kanyang lola. Natawa nalang si Aling Maris sa apo.
“Ikaw talagang bata ka. Kahit hindi na apo. Wag mo na akong alalahanin. Kahit na ang sarili mo nalang ang isipin mo, masaya na ako dito sa probinsya,” napatakbo naman si Mikoy palapit sa matanda.
“Ano? Hindi po pwede lola! Pwede ba naman yun? Ayoko nga! Ikaw na nga lang ang pamilya ko eh,” bigla namang nalungkot ang batang si Mikoy. “Ah basta lola! Pag yumaman ako, isasama kita sa Maynila! Tutuparin ko lahat ng pangako ko sayo! Basta hintayin mo lang.”
Dadalawa nalang sila ni Mikoy sa buhay. Wala na silang ibang pamilya kaya naman ginagawa ni Aling Maris ang lahat para mabigyan ng magandang kinabukasan ang pinakamamahal na apo.
Isang retired teacher si Aling Maris. Pagkatapos magretiro sa kanyang serbisyo ay nagpatayo na lamang ito ng isang tindahan. Dito nila kinukuha ang kanilang araw-araw na pangangailangan ng apo.
Mabilis na lumipas ang mga taon at nakapagtapos na nga ng pag-aaral si Mikoy. Gaya nga ng kanyang plano noong siya ay bata pa ay lumawas siya nang Maynila at doon sinubukan ang kanyang swerte. Nag-apply siya sa napakaraming kompanya ngunit sa kasamaang palad ay hindi siya matanggap-tanggap.
Pinanghihinaan man ng loob ay hindi pa rin sumuko ang binata. Patuloy pa rin siyang lumaban sa hamon ng buhay. Subok lang ng subok at sigurado siyang matatanggap din siya.
Hindi nga siya nabigo at natanggap din siya sa isang malaking kompanya. Sa wakas ay masisimulan na niyang abutin ang kanyang mga pangarap para sa kanila ng kanyang lola.
Dahil likas na masipag, matalino, at madiskarte si Mikoy, hindi kataka-taka na kinatuwaan siya ng kanyang mga boss. Makalipas lamang ang mahigit isang taon ay agad din namang na-promote ang binata.
Labis ang kanyang tuwa kaya naman agad-agad niyang tinawagan ang kanyang lola para ipaalam ang magandang balita. Sinubukan niya itong tawagan ngunit hindi ito sumasagot.
Ilang ulit niya pang sinubukang tawagan ito ngunit ay wala talaga siyang natatanggap na sagot mula rito. Naguguluhan man ay hinayaan na muna ni Mikoy ang kanyang lola. Baka naman ay may ginagawa lang ito at naiwan na naman kung saan-saan ng cellphone nito.
Kinagabihan ay nakatanggap si Mikoy ng tawag mula sa kapitbahay nila.
“Hello, Mikoy? Si Aling Betty mo ito,” paunang bati ni sa kanya pagkasagot niya ng tawag nito.
“Oh Aling Betty, kumusta po kayo? Napatawag po kayo?” magalang na tanong ng binate sa Ale.
“Wag ka sanang mabibigla anak pero kasi ang lola mo…” biglang kinabahan si Mikoy sa susunod na sasabihin nito, “ano kasi… nawawala siya.”
Naguluhan naman si Mikoy sa narinig mula kay Aling Betty. “Anong ibig niyo pong sabihin nawawala siya, Aling Betty? Bakit naman po mawawala ang lola ko?” naguguluhang tanong niya sa Ale.
“Eh kasi Mikoy, may sakit ang lola mo. Pasensya na at hindi namin agad nasabi sayo. Pinaki-usapan kasi kami ni Aling Maris na kung maari ay ilihim na muna sayo,” kumunot naman ang noo ng binata ng marinig ang sinabi ng nasa kabilang linya.
“Po? Anong sakit po?” kinakabahang tanong niya kay Aling Betty na huminga muna ng malalim bago sumagot, “Alzheimer’s Disease, hijo.”
“Po? Paano nangyari yun? Kailan pa po nagsimula?” hindi makapaniwala si Mikoy sa kanyang natuklasan.
“Mga ilang buwan na rin. Hindi pa naman ito ganun kalala. Paminsan-minsan lang ay nakakalimot siya kung sino siya o kung saan siya nakatira. Pero agad din naman siyang nakaka-alala pagkalipas lang ng ilang oras,” paliwanag ni Aling Betty sa binata.
“Sige po Aling Betty, hintayin niyo po ako at papunta na ako dyan,” agad-agad na kinuha ni Mikoy ang susi ng kanyang sasakyan at umalis patungo sa kanilang probinsya.
Ilang oras na bumiyahe si Mikoy pauwi sa kanila ngunit hindi niya alintana ang pagod dahil sa sobrang pag-aalala sa kanyang mahal na lola. Sana ay walang masamang mangyari sa lola niya. Hindi niya mapapatawad ang sarili pag nagkataon.
Pinagsisisihan niya tuloy ang mga oras na hindi niya napagbigyan ang mga simpleng hiling nito gaya ng pag-uwi tuwing kaarawan nito o kaarawan niya, at ilan pang mahahalagang okasyon.
Masyado siyang nabulag sa pag-abot ng kanyang mga pangarap at sa pagnanais na matupad ang pangakong binitawan niya sa kanyang lola. Masyado na siyang nagpa-alipin sa trabaho.
Pagkarating niya sa bahay nila ay agad siyang pumasok sa sala at laking pasasalamat niya ng makitang nakaupo ang kanyang lola sa upuan nito. Agad-agad niya itong nilapitan at mahigpit na niyakap.
“Lola! Mabuti naman at ligtas ka! Saan po ba kayo nagpunta?” bahagyang tinulak ng matanda si Mikoy.
“Sino ka?” tanong ni Aling Maris sa apo. Para namang gumuho ang mundo ni Mikoy sa narinig.
“La, hindi niyo po ba ako naaalala? Ako ito, ang napaka-gwapo niyong apo,” pagpapakilala ni Mikoy sa kanyang sarili. Nadudurog ang kanyang puso sa sinapit ng kanyang lola.
Tinignan siya nito sa kanyang mga mata na para bang may hinahanap.
“A-apo? Mikoy, apo ko! Anong ginagawa mo dito? Hindi ba’t may trabaho ka pa sa Maynila?” napapikit na lamang si Mikoy at tahimik na nagpasalamat sa Diyos at naalala siyang muli ng kanyang lola.
“Lola naman, bakit niyo po nilihim sa akin na may sakit kayo?”nagtatampong tanong ni Mikoy sa matanda.
“Pagpasensyahan mo na ang lola apo, ayaw ko lamang na mag-alala ka pa sa akin. Makakaabala pa ako sa trabaho mo,” bigla namang nakonsensya si Mikoy sa kanyang narinig.
“Lola naman, syempre po mas importante po kayo sa akin. Patawarin niyo po sana ako kung hindi ko na kayo nabibigyan ng sapat na oras at pansin.
Nabulag po ako sa pagsusumikap na abutin ang aking mga pangarap na nakalimutan ko na ang mas importanteng bagay. Ang dahilan at kung para kanino ang aking mga pangarap. Kayo po,” naluluhang niyakap ni Mikoy si Aling Maris.
“Sabi ko naman sa iyo apo, hindi ko kailangan ng isang mansion o ng marangyang buhay. Basta ba ay malusog ka at maligaya, ayos na ako dun. Masaya na ako dito sa atin,” malumanay na sagot ng matanda sa apo.
Tumango naman si Mikoy bilang tanda ng kanyang pag-intindi sa nais ng kanyang lola.
Patuloy pa rin sa pagsisikap si Mikoy sa kanyang trabaho, pero sa pagkakataong ito ay binibigyan niya na ng sapat na oras ang iba pang bagay na mas mahalaga kaysa sa ambisyon.
Gaya ng gusto ng kanyang lola ay umuuwi na siya sa tuwing may mga espesyal na okasyon sa kanila. Paminsan-minsan ay dinadala niya din sa Maynila ang lola para magpa check-up sa sakit nito at upang ipasyal na din.
Naging matagumpay at masaya sa buhay si Mikoy at namuhay ng maayos kasama ang kanyang lola at ang pamilyang kanyang binubuo na.
Syempre,mahalaga ang pag-abot sa ating mga pangarap. Ito ang nagsisilbing motibasyon natin sa buhay. Ngunit sana ay hindi natin makalimutan na may mga bagay na higit na nangangailangan ng ating oras at atensyon, at iyon ay ang ating pamilya at ilang tao na nagmamahal sa atin.
Image courtesy of www.google.com
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!