Maldita at sobrang sama ng ugali ng batang si Celine. Palibhasa bunso kaya naman laging pinagbibigyan. Simula pagkabata ay nakukuha na ni Celine ang lahat ng kanyang naisin. Lahat ng luho niya ay ibinibigay sa kanya ng mga magulang.
“Mommy, pwede mo po ba akong bilhan ng bagong cellphone?” tanong ni Celine sa kanyang ina.
“Ano? Eh ‘di ba kabibili lang natin ng bago mong cellphone noong isang buwan?” nagtatakang tanong ni Aling Camille sa anak.
“Opo. Kasi mommy, ayoko na po sa phone ko. Nakakasawa na po kasi. Tsaka may bagong labas na model po last week eh. Kaya sige na po please mommy, let’s change my phone na po,” malambing na tugon ng dalaga sa ina. Napailing nalang ang ina at pinagbigyan ang hiling ng anak.
Tuwang-tuwa si Celine sa bago niyang cellphone. Syempre, may maipapasikat na naman siya sa mga kaklase at mga kaibigan niya. Mabuti nalang talaga at mahal na mahal siya ng kanyang mga magulang kaya nakukuha niya lahat ng gusto niya.
“Hmp, akala mo kung sinong mayaman, ampon lang naman,” pabulong na asik ni Mae nabang nakatingin kay Celine.
“Hoy, anong pinagsasasabi mong ampon? Sino?” tinuro naman ni Mae si Celine gamit ang nguso nito.
“Ayun oh! Yung brat na yun. Akala mo kung sinong mayaman, ampon lang naman pala,” nagulat naman si Rose sa sinabi ng kaklase.
“Ano, ampon lang si Celine?!” gulat at pabulong na tanong ni Rose kay Mae. Napalingon naman si Celine sa mga kaklase ng marinig ang kanyang pangalan. Ngumiti lang ang dalawa kaya naman ngumiti nalang din siya sa mga ito.
“Oo, sabi ng nanay ko. Dati kasi silang magkaibigan ng mommy ni Celine. Hindi daw tunay na anak yang brat na yan. Ampon lang,” pahayag ni Mae habang nakatingin pa kay Celine.
Hindi malaman ni Celine kung bakit pakiramdam niya ay pinag-uusapan siya ng mga tao. Bubulong-bulong ang mga ito pero pag lalapit siya ay bigla nalang tatahimik at ngingiti sa kanya. Naiirita na siya. Para itong mga bubuyog sa paligid niya. Mga walang kwenta!
“Bes! Okay ka lang ba? Wag kang mag-alala sasampalin ko kung sino man ay nagpakalat ng chismis na yun tungkol sayo! Ang che-cheap ng mga dukhang yun!” nag-aalala at inis na inis na asik ng kaibigang si Denise. Ito lang kasi ang kaibigan ng dalaga. Napakunot naman ng noo ni Celine sa narinig.
“Chismis? Anong chismis?” nagtataka niyang tanong sa kaibigang si Denise.
“Ay, hindi mo pa ba alam?” Tanong ng kaibigan sa kanya. Umiling lang si Celine sa kaibigan.
“May nagpapakalat na ampon ka lang! Kinuha ka lang daw ng mommy mo sa isang pulubi,” hindi makapaniwala si Celine sa narinig.
“Ano? Anong klaseng chismis naman yan? Grabe, wala na ba silang ibang maisip? Hay nako,” natatawang sagot ni Celine kay Denise.
“Kaya nga eh. Halatang mga walang magawa sa buhay. Mabuti pa, huwag nalang natin silang pansinin! Grabe lang yung inggit ng mga yun sayo,” natatawang iiling-iling nalang din si Celine sa sinabi ng kaibigan. Madami nga naman kasi ang naiingit sa buhay niya.
“O Celine anak, kumusta naman ang araw mo ha?” tanong ng mommy ni Celine sa kanya habang nasa hapag-kainan sila at kumakain ng dinner.
“Okay naman po mommy. May mga inggiterang nagpapakalat lang po ng chismis tungkol sakin. Nakakatawa nga eh. Halatang wala silang magawa sa buhay nila,” natatawa pang sagot ni Celine sa ina.
“Ganun ba? Eh ano namang chismis daw yun?” nag-aalalang tanong ng mommy niya sa kanya. Napatingin din sa kanya ang mga kapatid niya at hinihintay ang sagot niya.
“Nako! Nakakatawa po talaga mommy, ipinagkakalat ba naman nilang kinuha niyo lang daw ako sa pulubing nasiraan na ng bait! O di ba?
Sobrang nakakatawa lang at wala na silang ibang maisip na mas magandang chismis!” natatawa pa ring kwento ni Celine. Nabitawan naman ng kanyang ina ang hawak nitong kutsara’t tinidor. Dahilan para matigilan din ang kanyang mga kapatid at ama sa pagkain.
Nagtaka naman si Celine sa naging reaksyon ng kanyang pamilya sa sinabi niya.
“A-anak,” nauutal na tawag sa kanya ng mommy niya.
“Po?” sagot niya sa pagtawag ng ina sa kanya. Hindi umiimik ang kanyang mga kapatid at ama habang palipat-lipat lang ang tingin sa kanila ng ina nila.
“May dapat kang malaman. Pasensya na kung ngayon lang namin ipapaalam sayo ito,” biglang nakaramdam ng kaba si Celine. Nakatingin lamang siya sa ina habang hinihintay ang sasabihin nito.
“Hindi ka galing sa sinapupunan ko. Totoong kinuha lamang kita sa isang pulubing nasiraan na ng bait,” parang biglang gumuho ang mundo ni Celine sa kanyang nalaman.
“Pero kahit na ganun anak, hindi ibig sabihin nun na hindi kita anak. Hindi ka man galing sa aking sinapupunan, pero galing ka naman sa puso ko. Anak ka ng daddy mo at kapatid ka ng mga anak ko,” pumatak ang mga luha sa mga mata ni Celine kaya naman agad na napatayo ang kanyang ina para sana lapitan siya pero agad ding tumayo ang dalaga para tumakbo at magkulong sa kwarto niya.
Sumunod naman ang buo niyang pamilya at kinatok siya nang kinatok. Ngunit kahit ano ang gawin o sabihin nila ay hindi sila pinagbuksan ng dalaga.
Ilang araw nang halos hindi umiimik si Celine. Papasok lang sa skwela at pagkatapos ay magkukulong na sa kwarto at iiyak. Isang linggo siyang ganun.
Ngunit isang araw ay hindi na nakayanan ng ama niya ang nangyayari sa kanilang pamilya. Iyak din kasi nang iyak ang ina ni Celine dahil sa nakikita nitong pinagdadaanan ng anak.
Sinabi sa kanya ng kinagisnang ama ang lahat ng nalalaman nito tungkol sa kanyang pagkatao.
Ilang araw palang daw noon simula ng malaman ng mommy at daddy niya na nakunan daw ang kinagisnang ina. Parati daw kasi itong stressed sa trabaho noon. Kaya naman ay napakalungkot nila noon, nawalan sila ng anak.
Pero isang araw ay may nakita silang isang pulubing tatawa-tawa ng mag-isa habang papauwi. Buntis ito at napakabata pa. Bigla na lamang itong sumigaw ng pumutok ang panubigan nito, kaya naman agad nilang binalikan at dinala sa ospital.
At doon nga daw siya nila unang nasilayaan. Binawian ng buhay sa panganganak ang kanyang tunay na ina. Hindi daw alam ng kinagisnang magulang niya ang gagawin pero hindi raw nila magawang iwan noon ang bata. Kaya naman napagdesisyonan nilang ampunin na lamang ito.
Legal siyang inampon ng mga ito at iilan lamang ang nakaka-alam ng katotohanan. Kaya naman matagal nilang nagawang itago ito sa kanya.
Pagkatapos malaman ni Celine ang katotohanan sa tunay niyang pagkatao yumakap at buong puso siyang nagpasalamat sa kanyang kinagisnang pamilya. Lalong-lalo na sa ina’t ama.
Nagbago si Celine at nagpakabait sa kanyang mga magulang. Hindi na siya basta-basta nalang nagpapabili ng kung ano man ang maisipan niya. Hindi niya na din inaaway ang mommy niya at ang mga nakakatandang kapatid niya.
Nakakaramdam na kasi siya ng hiya sa mga ito. Parati pa rin siyang pinapa-alalahan ng mga ito na dapat ay hindi niya masyadong iniisip ang kanyang nalaman dahil kahit ano man ang mangyari ay parte pa rin siya ng kanilang pamilya, at kailanman ay hindi magbabago iyon. Hindi man sila magkadugo pero walang duda na magkapamilya sila.
Lubos na nagpapasalamat si Celine sa Diyos at ibinigay siya Nito sa kanyang kinagisnang pamilya. Kaya naman ay nagbago siya at ginawa niya ang lahat para masuklian ang kabutihang loob ng mga ito sa kanya.