Inday TrendingInday Trending
Ulikba Man Ako, Busilak Naman ang Puso Ko

Ulikba Man Ako, Busilak Naman ang Puso Ko

Sadyang napakaitim ni Naomi kaya naman madalas mapagkatuwaan at masabihang panget at ulikba. Madalas mang makarinig ng mga panglalait dahil sa kanyang itsura, wala namang pakialam si Naomi. Hindi naman ito mahalaga sa kanya, dahil matalino naman siya.

Bata pa lamang ay nasa ibang bagay na nakatuon ang pansin ni Naomi, ang kanyang pag-aaral at pagtulong sa tindahan ng kanyang ina si Aling Nessa. Siya din ang panganay na anak kaya naman mas pinag-iigihan niya talagang magsikap para sa kanilang kinabukasan.

OFW ang ama nila Naomi, at ito ang isang dahilan kung bakit nagsusumikap siyang mag-aral ng mabuti. Bata pa lamang siya nang umalis ang ama para magtrabaho sa ibang bansa.

Sobrang nangungulila na din siya sa ama. Daddy’s girl kasi si Naomi. May usapan sila kasi sila noon na kapag makapagtapos siya ng hayskul bilang Valedictorian ay kukunin siya nito sa Pilipinas at doon na siya mag-aaral kasama ang ama.

Kaya naman nasa pag-aaral at ang pagtulong lamang sa tindahan ng kanyang ina nakabuhos ang buong atensyon ni Naomi. Gagawin niya ang lahat makasama lamang muli ang mahal na ama.

Naglalakad pauwi si Naomi ng biglang may bumangga sa kanyang lalaki. Nakakatakot ang itsura nito. Mukhang nakainom ito at lasing na tipong walang matinong gagawin.

“Hi miss, mag-isa ka lang ba?” tanong ng lalaki habang nakatingin sa kanya ng may nakakalokong ngiti sa mga labi. Nakaramdam si Naomi ng takot kaya naman napahakbang siya ng isa patalikod.

“Babe saglit! Sabi ko naman sayo hintayin mo ako eh!” biglang labas ng isang lalaki na ikinagulat naman ni Naomi. Bigla itong umakbay sa kanya.

Napatingin siya sa binata na nakatingin naman sa lasing na nanggugulo sa kanya. Napatulala siya nang mapansin ang gwapo mukha ng binata. Pero teka, sino ito at bakit babe ang itinawag sa kanya? Hindi nga niya ito kilala!

Tinignan siya ng gwapong binata na para bang sinasabing kung gusto niyang makatakas ay sumakay nalang siya.

“A-ang ta-tagal mo naman kasi eh,” pagsakay ng dalaga sa palabas ng binata. Agad din namang napaatras at umalis ang nakakatakot na lalaki nang makitang may kasama pala ang babaeng hinarang niya.

“A-ano po kuya, maraming salamat po,” nakahinga naman ng maluwag si Naomi at nagpasalamat sa lalaki.

“Naku, okay lang iyon,” nahihiyang napakamot naman sa kanyang batok ang lalaki. “Wag ka kasing maglalakad ng mag-isa dito lalo na’t mag gagabi na. Saan ka ba nakatira at ihahatid na kita sa inyo.”

Nagulat siya sa alok nito pero dahil nga nakakaramdam pa rin siya ng konting takot sa nangyari, tinanggap niya na ang alok ng binata. Mukha namang hindi ito masamang tao.

“Dito na po ang bahay namin. Maraming salamat po sa paglilitas at paghatid sa akin,” ngumiti siya sa binata na ginantihan din naman siya ng ngiti.

“Oh pumasok kana sa loob. Sa susunod, mag-iingat kana ha? Wag ka ng maglalakad ng mag-isa sa gabi.” Saad pa nito. Hinintay siya nitong makapasok sa loob ng kanilang bahay bago umalis.

Kinabukasan, nasa canteen si Naomi kasama ang kanyang mga kaklase ng may mahagip na pamilyar na mukha ang kanyang mga mata! Ang lalaking tumulong sa kanya kagabi. Magkaeskwela pala sila.

Hindi niya maalis ang kanyang mata sa binata. Kagabi niya pa ito iniisip pagkatapos siya nitong ihatid. Napansin naman ng mga kaibigan niya ang pagtitig niya sa binata.

“Hoy! Baka matunaw yan ha? Grabe makakatitig bes?” pang-aasar sa kanya ng kaibigan.

“Sino siya? Ba’t ngayon ko lang siya nakita dito?” tanong niya sa mga kaibigan.

“Ano kasi, transferee kasi siya,” paliwanag naman nito sa kanya. Sinabi niya sa mga kaibigan ang nangyari sa kanya nung nakaraang gabi at kinilig naman ang mga ito.

“So, may gusto ka sa kanya?” tanong pa ng mga ito kay Naomi. Napa-isip naman ang dalaga sa tanong na iyon. May gusto nga ba siya dito? Hindi niya alam ang sagot sa tanong na iyon.

Lumipas ang ilang araw at napagtanto ni Naomi na may gusto na nga siya sa lalaki. Ilang beses na din kasi silang nagkakasabay at habang tumatagal ay mas lalo niyang nakikilala ito. Gwapo, mabait, at matalino si Ronnie kaya naman hindi nakapagtatakang sikat ang lalaki sa kanilang paaralan.

“Ay ang kapal ni ate girl makipag-usap kay Ronnie! Hindi man lang nahiya sa balat niya?! Eww,” parinig sa kanya ng dalawang babae nang minsang mag-usap sila ni Ronnie. Nagsisimulang mahiya naman si Naomi sa kanyang itsura.

Simula ng araw na iyon, ginawa ni Naomi ang lahat para magpaputi at magpa-ganda. Nag-aral siyang mag-ayos at manamit ng maayos. Hindi nagtagal ay napapansin na ng lahat ang pagbabago kay Naomi.

Nagbubunga na ang kanyang pagsisikap na magpaputi at magpaganda. Madami na rin ang nagsisimulang magkagusto sa kanya, ngunit si Ronnie lamang ang nakikita ng kanyang mga mata.

Hindi lamang ang itsura ni Naomi ang kanyang binigyang pansin. Hindi niya parin pinabayaan ang kanyang pag-aaral at patuloy na pinangangalagaan ang kanilang usapan ng kanyang ama. Hindi niya pa rin kinalilimutan ang kanyang responsibilidad bilang anak.

Sa katunayan ay mas pinagbuti pa mga niya, dahil gusto niyang mapansin siya ni Ronnie. Matalino din kasi ito. Pareho silang honor students kaya naman madalas silang magkasama sa mga events sa school.

Valentine’s Day ng huling taon nila sa high school, napagdesisyonan ni Naomi na umamin kay Ronnie. Plano niyang bigyan ito ng tsokolate na siya mismo ang gumawa. Maaga siyang pumasok sa skwela para makipagkita kay Ronnie. May maagang pag-eensayo kasi ito araw-araw dahil isa din itong atleta.

“Oh Naomi! Kumusta? Ang aga natin ah? Sipag talaga ng kaibigan ko!” paunang bati sa kanya ni Ronnie habang nakangiti pa ng malaki.

Kinakabahan man ay nilakasan na ni Naomi ang kanyang loob.

“Uhm…” lumunok muna siya bago magpatuloy sa kanyang pagsasalita, “Ronnie, may aaminin sana ako sayo.”

“A-ano iyon?” Nakangiti pa ring saad ng binata sa kanya.

“Matagal na kitang gusto. Simula ng gabing tinulungan mo ako hanggang ngayon. Alam kong wala akong karapatang gustuhin ka kasi napaka-panget ko noon diba?

Kaya naman naisipan kong magpaganda, magsumikap sa pag-aaral, sumali sa iba’t ibang aktibidades sa paaralan para mapansin mo. Para makasama ka. Lahat ng iyon ginawa ko para sayo. Ronnie,” iniabot niya ang dalang tsokolate na siya mismo ang may gawa sa binata, “I love you.”

Nagulat si Naomi ng bigla na lamang siyang niyakap ng binata.

“Bakit kasi inuunahan mo ako parati?” natatawang saad ni Ronnie sa dalaga. Tinignan niya si Naomi sa mga at punong pusong binigkas ang mga katagang kaytagal niyang kinimkim, “I love you too, Naomi.”

“Tsaka, hindi mo naman na kailangang magpaputi pa para gumanda, dahil sa mga mata ko, kahit na maging anong kulay mo pa, ikaw pa rin ang pinakamagandang babae sa mundo.

Hindi sa panlabas na anyo nakikita ang kagandahan ng isang tao, nasa puso iyon. At sa lahat ng nakilala ko, ikaw ang may pinakabusilak na kalooban. Kaya kahit ano man ang sabihin nila, ikaw ang pinakamagandang babae sa aking mga mata,” muling niyakap ng binata si Naomi.

Pumatak ang mga luha sa mga mata ni Naomi. Hindi niya inaasahang marinig ang mga katagang iyon sa binata. Pakiramdam niya ay siya nga ang pinakamagandang babae sa buong mundo ng mga sandaling iyon.

Totoo ngang, basta ba ay tapat ka sa iyong pag-ibig ay makukuha mo din ito sa huli. Lakasan mo lang ang iyong loob at sundin mo lang ang sinasabi ng iyong puso at magwawagi ka din sa huli.

Image courtesy of www.google.com

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement