Inday TrendingInday Trending
Piniling Maki-party ng Ginang Kaysa Bantayan ang mga Anak, Bakit Kaya May mga Pulis na Pagkauwi Niya?

Piniling Maki-party ng Ginang Kaysa Bantayan ang mga Anak, Bakit Kaya May mga Pulis na Pagkauwi Niya?

“Mahal, aalis ako mamaya, ha? Ikaw na munang bahala sa mga bata,” paalam ni Kari sa kaniyang asawa habang siya’y nagluluto ng kanilang pananghalian, isang tanghali habang nag-aayos naman ng mga iinuming alak ang kaniyang asawa.

“Saan ka na naman magpupunta, Kari?” tanong nito sa kaniya.

“Kakain lang kami sa labas ng mga kumare ko,” sagot niya habang ginigisa ang mga gulay na ihahain sa mag-anak.

“Kakain na naman? Hindi ba’t kahapon lang kayo lumabas? Baka naman pupwedeng bukas ka na umalis, mahal. Hindi ba’t mamaya magpupunta rito sa atin ang mga katrabaho ko? Mag-iinuman kami, hindi ko maaasikaso ang mga bata,” sambit nito na labis niyang ikinainis.

“Diyos ko naman, Fred, nandito lang naman kayo sa bahay, hindi ba? Anong hindi maaasikaso? Hindi na naman alagain ang mga anak mo, eh, bigyan mo lang ng laruan at pagkain ‘yang mga ‘yan, ayos na ‘yan sila!” sigaw niya rito dahilan upang bahagyang bumaba ang boses ng kaniyang asawa upang huwag marinig ng mga bata ang kanilang pagtatalo.

“Kahit na, may mga katrabaho akong pupunta na hindi ko naman masyadong kilala,” sabi pa nito.

“E ‘di huwag mong papuntahin! Huwag mo akong mapigil-pigil sa gusto ko, ha?” sigaw niya pa rito dahilan upang tuluyan nang manahimik ang kaniyang asawa.

Ang pagkain sa labas kasama ang kaniyang mga bagong tagpong kaibigan ang nakahihiligan ng ginang na si Kari nitong mga nakaraang araw. Nakilala niya ang mga ito sa zumba class na kaniyang sinalihan, isang buwan lamang ang nakalilipas.

Simula noon, walang araw na siyang hindi umaalis ng bahay upang kumain kasama ang mga ito. Kung hindi sila kakain sa restawran, magsasalu-salo naman sila sa iisang bahay para lamag magchikahan tungkol sa kanilang buhay-buhay.

Sa katunayan, ginawa nga itong katatawan ng kaniyang asawa noong mga unang araw na sumama siya sa mga ito upang kumain. ‘Ika nito, “Nagzuzumba nga kayo sa umaga, kumakain naman kayo ng kung anu-ano sa gabi, wala rin ang pag-eehersisyo niyo!” dahilan upang ito’y labis niyang tawanan.

Ngunit nitong mga nakaraang araw, napansin ng kaniyang asawa na tila labis na oras na ang nailalaan niya sa mga ito at napababayaan na niya ang kanilang tatlong anak na babae dahilan upang siya’y pagsabihan nito.

Imbis na makinig sa asawa, nagagalit pa siya at palaging sinasabing, “Ngayon na nga lang ulit ako nakakapagliwaliw ng ganito, puro sermon ka pa!” dahilan upang siya’y pabayaan na ng kaniyang asawa at bantayan na lang ang kanilang mga anak kahit pa ito’y may kailangan pang tapusing trabaho.

Noong araw na ‘yon, kahit alam niyang may mga bisitang pupunta sa bahay nila at hindi mababantayan ng kaniyang asawa ang kanilang mga anak, pinili niya pa ring sumama sa kaniyang mga kaibigan upang ipagdiwang ang kaarawan ng isa sa mga ito.

Sa katunayan, upang huwag nang masermunan ng asawa, pagkaalis nito upang sunduin ang mga katrabahong pupunta sa bahay nila, agad na rin siyang pumuslit paalis at binilin na lang sa kanilang panganay na labing-isang taong gulang ang dalawa pang bata.

Masaya siyang nakipag-inuman at nakipagchikahan sa kaniyang mga bagong tagpong kaibigan. Sayaw dito, tawanan doon, ang tangi niyang ginagawa. Tila nawala sa isip niya na siya’y ina na nga pala ng tatlong mga bata.

Pagkauwi niya, bandang alos dos ng madaling araw, biglang nawala ang kaniyang pagkalasing nang makitang may patrol ng pulis sa tapat ng kanilang bahay.

“Te-teka! Ano pong nangyayari?” kabado niyang tanong sa isang pulis na nasa tapat ng kanilang pintuan.

“Pinagtangkaan pong pagsamantalahan ng isa sa mga katrabaho ng asawa niyo ang panganay niyong anak. Lasing na po ang asawa niyo, eh, buong akala niya’y nakauwi na lahat ng katrabaho niya. Iyon pala, may isang lalaking nagtungo sa silid ng mga anak niyo. Mabuti na lang, nagawang sumugaw ng mga anak niyo kaya narinig ng mga kapitbahay at agad na pinagtulungan ang naturang lalaki,” kwento nito dahilan upang siya’y manghina.

Pagkapasok niya sa kanilang bahay, yakap-yakap ng kaniyang asawa ang tatlo nilang mga anak na pawang mga takot na takot at umiiyak.

“Pasensiya ka na, mahal, hindi ko sila nabantayang maigi,” hikbi ng kaniyang asawa.

“Pasensiya na rin kayo, inuna ko pa ang sariling kaligayahan ko kaysa sa inyo,” sambit niya saka agad na niyakap ang kaniyang mag-aama.

Advertisement