Inday TrendingInday Trending
Mataas na Bill ng Kuryente ang Naging Sanhi ng Pagtuklas ng Mag-asawa sa Nakatagong Problema sa Kanilang Kapitbahay at Pagsasama-sama ng Komunidad

Mataas na Bill ng Kuryente ang Naging Sanhi ng Pagtuklas ng Mag-asawa sa Nakatagong Problema sa Kanilang Kapitbahay at Pagsasama-sama ng Komunidad

Gulat na gulat si Helen nang mabasa ang bill ng kuryente na kakaabot pa lamang sa kanya ng mensahero. “Naku! Bakit naman ganito? Ang taas ng kuryente ko?!” sigaw ni Helen habang papasok sa kanilang bahay.

Agad namang napabangon si Rob, ang kanyang asawa, nang marinig ang pagsigaw ng babae. “Bakit ba sumisigaw ka riyan? Para kang nanganganak sa ingay mo eh,” baling ni Rob sa asawa.

“Nanganganak ka riyan! ‘Yung kuryente natin nanganganak na sa laki, palibhasa’y tanghali ka na lang lagi kung gumising! Tumayo ka na riyan, nagawa ko na lahat ng gawaing bahay, nakahilata ka pa rin sa kama!” naiinis na sabi ni Helen habang umupo sa mesa at tinitigan ang problemang bayarin sa kuryente.

Sumama ang umaga nito nang makita ang presyo ng kanilang kuryente na umabot ng tatlong libo. Kadalasan kasi ay naglalaro lamang sa limang daan hanggang isang libo ang nagiging bill nila. Ngunit ngayong buwan na ito, dumoble ang kanilang babayaran.

Mabilis na bumangon si Rob at lumapit sa kanya. “Wag mo na sa’kin ibuhos ang galit mo. Ano bang problema?” malambing na tanong ng lalaki.

“Paano ba naman, tingnan mo ‘tong bill natin ngayon at iyong mga bill natin noong mga nakaraang buwan. Dumoble ang halaga! Wala naman tayong aircon. Hindi na nga ako nagplaplantsa, hindi ko na rin pinapanood ang TV para makatipid. Tapos ganito?!” nanggigil na sagot ni Helen sa asawa.

Hindi na sumagot si Rob at napapikit na lamang sa laki nga ng itinaas nito. Kahit naisin man nilang paimbestigan ang biglang pagtaas ng kanilang bayarin, mas minabuti na lamang nilang bayaran ito at mas magtipid sa paggamit ng kuryente. Inisip na lamang ni Helen na baka tumaas talaga ang presyo ng kuryente ngayong buwan.

Mas naghigpit tuloy ito sa kaniyang pamilya. Tuwing Sabado at Linggo, nasa terrace lamang ang mga anak niya, upang hindi kailanganin mag ilaw at electric fan. Ang ref naman ay tuwing gabi na lamang nila pinapaandar. Bawal na rin mag-iwan ng nakacharge na selpon. Todo tipid ang ginawa ni Helen sa kaniyang pamilya upang mabawasan ang kanilang bayarin.

Ngunit matapos ang isang buwan at nang matanggap na naman niya ang bill, mas lalo itong napatalon sa gulat dahil nanatili pa rin sa tatlong libo ang kaniyang bill at nadadagdagan pa ng tatlong daan.

“Jusko, Rob, hindi ko na maintindihan! Bakit naman ganito? Halos sobra na tayong nagtipid sa kuryente, tapos mas lalo pang lumaki ang bill natin?” inis na inis sabi ni Helen.

Agad-agad tuloy na nagtungo ang mag-asawa sa Meralco upang ireklamo ang biglang pagtaas ng kanilang bayarin.

Nang makarating sa Meralco, nagtiyagang pumila ang mag-asawa para lamang maaksyunan ang kanilang hinanaing. Ayon sa kanilang nakausap, hindi nagtaas ng singil si Meralco nitong mga nakaraang buwan. Base sa kanilang pag-oobserba, tumaas ang konsumo nila Helen sa kuryente.

Pilit na ipinaliwanag naman ni Helen sa nakausap na labis na ang ginawa nilang pagtitipid ngunit tila hindi nagbabago ang konsumo nila. Dito na nagduda ang staff ng Meralco at pinayuhan sila na baka may nagju-jumper sa kuryente nila.

Sinabihan ang mag-asawa na magsasagawa ang Meralco ng imbestigasyon sa kanilang lugar upang malalaman kung sino ang nagju-jumper sa kuryente nila. Talamak na kasi ang mga nagnanakaw sa kuryente at nakikikabit na lamang upang makalibre sa kuryente. Napupunta tuloy ang konsumo nila sa mga tunay na may-ari ng kuryente kaya nadadagdagan ang mga bayarin ng mga ito.

Dito na nagtaka ang mag-asawa dahil ni minsan ay hindi sumagi sa kanilang isipan na may nagnanakaw na pala ng kanilang kuryente. Inabisuhan ng mag-asawa ang Meralco na aabot nang isang linggo ang kanilang pag-iimbestiga. Pumayag naman sila at tumuloy na sa pag-uwi.

Nang makauwi, hindi mapakali si Rob at may nais itong gawin. Gusto na niyang malaman kung sino ang lokong nagnanakaw at nakikikabit sa kanilang kuryente. Kaya dali-dali itong nagpunta sa kanilang circuit breaker at pinatay ito.

“Ay! Brownout!” sigaw ni Helen.

“Hindi. May plano lang ako. Kung totoo ngang may nakikikabit sa atin, pag wala tayong kuryente, wala rin sila. Katulad niya, gabi na lahat ay may ilaw. Tayo lang ang wala, kung sino ang brownout na bahay sa paligid natin maari sila ang nagnanakaw ng kuryente sa atin,” paliwanag ni Rob sa asawa.

“Samahan mo akong mag-ikot sa paligid ng ating lugar, obserbahan mo kung sino ang walang kuryente,” sabi ni Rob kay Helen.

Sabay na nag-ikot ang mag-asawa, at ‘di pa nakakalayo, nang marating nila ang likod ng kanilang bahay, nakita nila ang isang bahay na brownout din. Tahimik na nagmatiyag ang mag-asawa.

“Dito ka lang, uuwi lang ako sa bahay. Bubuksan ko ang kuryente, pagkailaw bumilang ka ng 10 segundo, at isasara ko ito ulit, tingnan mo kung sasabay ang ilaw sa bahay na ito,” bilin ni Rob kay Helen.

At maya-maya nga habang nagmamasid si Helen, nakita niyang nagbukas ang mga ilaw dito at matapos ang 10 segundo ay nam*tay din ang ilaw.

Binalikan ni Rob ang asawa, at kinumpirma nga ni Helen na sumindi at nam*tay muli ang kuryente ng pinaghihinalaan na bahay.

Nag-init ang ulo ni Helen nang matuklasan kung sino ang nagnanakaw sa kanilang kuryente. Nais na sana niyang sugurin ngunit pinigilan lamang ito ni Rob.

Kinabukasan ay nagpunta ang mag-asawa sa Meralco, at sinamahan sila ng isa sa mga staff dito. Agad silang nagtungo sa barangay upang magpasama at ireklamo ang kapitbahay na dalawang buwan nang nagnanakaw na kuryente sa kanila.

Nagtungo ang mga ito sa bahay ng inirereklamo, at hindi rin naman itinanggi ng may-ari ng bahay ang nagawang kasalanan. Aniya ay sadyang matindi lamang ang kanilang pangangailangan lalo na at anim ang binubuhay niyang anak. Isang anak pa ang kailangan ng kuryente para sa nebulizer.

Habang nakikinig si Helen, bumuhos ang pag-unawa sa kanyang puso. Alam niyang mahirap ang kalagayan ng kanilang kapitbahay. Napagtanto niyang sa kabila ng galit, may mga pagkakataong ang mga tao ay nagiging desperado.

“Gusto mo bang tumulong? Nais mo bang ayusin ito?” tanong ni Rob sa may-ari ng bahay. “Makipag-ayos tayo. May mga pagkakataon na ang mga bagay ay mas maayos na naisasalba sa pag-uusap.”

Nangako ang may-ari ng bahay na titigil na siya sa kanyang ginagawa at handa itong makipag-ayos. Pumayag si Helen na makipagtulungan at alamin kung paano siya makakatulong sa pamilya ng kanilang kapitbahay.

Mula sa araw na iyon, nagkaisa ang mga mag-asawa. Ang mga pagkakaiba at hidwaan ay nagbukas ng pagkakataon para sa pagkakaunawaan. Sa huli, hindi lamang sila nakapagpatawad kundi nagtagumpay na makapagbuo ng mas matibay na komunidad.

Advertisement