Ang Panindang Taho Ni Manong Leo

Pinagpapawisan nang malagkit ang nooʼy third year highschool student na si Kenny nang siyaʼy huminto na sa paglalakad at nakaupo na rin, sabay, nang marating ang kanilang campus. Naupo siya sa tabi ng mahabang upuang iyon sa waiting shed na nasa tabi mismo ng gate ng pinapasukan niyang paaralan. Afternoon shift kasi ang pasok ni Kenny kaya naman kaninang alas dyis ng umaga, matapos niyang mag-out sa kaniyang part time job ay agad na niyang sinimulan ang mahaba-habang lakaran patungo sa kaniyang pinapasukang paaralan upang makatipid na rin ng pamasahe.

Mag-a-alas dose pa lang ng hapon noon. Napaaga pa nang kaunti ang dating niya sa eskuwela, dahil ala una pa naman ang time nila. Naisipan ni Kenny na tumambay muna at magpahinga, tutal ay nahihilo pa siya dahil sa pinaghalong init at gutom na sinuong niya makarating lamang sa pupuntahan.

“Ano at pawis na pawis ka riyan, hijo? Ikaw baʼy ayos lang? ʼTapos, parang hapung-hapo ka pa,” maya-maya ay tanong ng lalaking bigla na lamang tumabi sa kaniya sa upuan. May dala-dalahan itong panindang taho at mukhang doon din naisipang magpahinga muna.

“Ay, wala ho. Mahaba-haba rin ho kasi ang nilakad ko mula sa trabaho hanggang dito sa school,” paliwanag naman niya.

“Oh, nagtatrabaho ka? Ke bata mo pa, ah? Nasaan ba ang mga magulang mo?” tanong pa ng kausap habang unti-unting nagsasalin ng taho sa isang large sized na basong gawa sa plastic.

“Baldado na ho kasi ang tatay ko, e. Si mama naman, naglalabada. Hindi ho sapat ang kinikita niya pampaaral sa akin at sa pang-maintenance ni papa kaya naisipan ko na rin hong tumulong,” sagot naman ni Kenny na nabaling na ang paningin sa mainit-init pang panindang taho ng kausap.

“Aba, ay kay bait mo naman palang bata, e. Dahil diyan, heto ang taho. Higupin mo habang mainit-init paʼt nang mapawi iyang nararamdaman mong gutom.”

Iniabot ng nakilala niyang si Mang Leo ang paninda nitong taho kay Kenny. Noong una ay nagdalawang isip pa siyang tanggapin iyon, dahil wala siyang pambayad, ngunit nang sabihin nitong libre lamang iyon ay agad niya nang kinuha at mabilis na nilagok ang masarap at matamis na taho.

Advertisement

Kahit papaano ay naibsan ang gutom ni Kenny nang araw na iyon, hanggang sa nasundan na nang nasundan ang panlilibre ni Mang Leo sa kaniya. Napag-alaman pa ni Kenny na hindi lamang pala sa kaniya ganoon kabait ang tindero kundi sa halos lahat ng kapus-palad na nag-aaral sa mataas na paaralang iyon ng kanilang lugar.

Dumating ang araw ng graduation ni Kenny at isa si Mang Leo sa mga pinag-layan niya ng natanggap na karangalan, kasama na ang kaniyang diplomaʼt medalya, kahit pa nga nang mga araw na iyon ay hindi na nila nakikita pa ito.

“Nasaan na kaya si Mang Leo? Sana, makita ko ulit siyaʼt mapasalamatan.” minsan ay naitanong ni Kenny sa kaniyang sarili habang nakatingin sa bintanang salamin ng pinagtatrabahuhang kompanya. Isa na siya ngayong successful general manager ng kompanyang pagmamay-ari ng kaniyang kaibigan kung saan siyaʼy nakikisosyo rin.

Tila naman naging mapaglaro ang tadhana nang sa pagsulyap ni Kenny sa kahabaan ng kalsada sa ibaba ng building kung saan siya naroon ngayon ay laking gulat niya nang makilala ang patpating matanda na nakaupoʼt nanlilimos sa mga dumaraan doon!

“Mang Leo!” sigaw niya sa pangalan ng dating magtataho, matapos niyang kumaripas ng takbo palabas ng building nila. Agad namang napalingon sa kaniya ang matanda.

“Mang Leo, ako ho ito, si Kenny! Isa ho ako sa mga estudyanteng tinutulungan ninyo noon sa pamamagitan ng pagbibigay ninyo ng libreng taho!”

Halos mangilid naman ang luha ni Mang Leo nang makitang nakasuot na ng magara ngayon ang estudyanteng noon na palagi niyang pinapayuhan. Napakaguwapo nitong bata!

“Bakit ho ba bigla kayong nawala noong matatapos na ako sa highschool? Ano ho ang nangyari sa inyo?” may simpatiyang tanong ni Kenny kay Mang Leo.

Advertisement

“Nasunugan kasi ako, hijo. Kinailangan naming lumipat noon ng tirahan laloʼt pinaalis na rin kami kaagad matapos ang sunog. Wala halos natira sa aming pamilya noon, kasama na ang aking natatanging kabuhayan. Nang mangyari iyon ay iniwan ako ng asawa koʼt mga anak. Halos masiraan ako ng bait nang mga panahong iyon, hanggang sa nauwi na lang ako sa pamamalimos,” ang makabagbag damdaming pag-amin ni Mang Leo na noon ay talaga namang nagpaluha kay Kenny.

Nang araw na iyon ay walang pag-aatubiling nagpasya ang binata at agad na isinama ang matanda, pauwi sa kaniyang condo unit upang makapaglinis at mabihisan. Nagpaalam siya sa kaniyang boss at noon din ay dinala ni Kenny si Mang Leo sa isang masarap na kainan.

“Mang Leo, ako ho ay may naipundar nang tatlong appartment at handa ho akong ipahiram sa inyo ang isa. Doon ay pupuwede ho kayong magsimula ulit at ako naman ang magbibigay sa inyo ng bagong pag-asa,” sabi pa ni Kenny habang nakikini-kinita na niya sa kaniyang isipan ang pagiging matagumpay ng pinaplano niyang maliit na negosyong maaaring ibigay niya kay Mang Leo.

Simula nang araw na iyon ay naging mas matatag ang samahan ng dalawa. Sa wakas ay natupad din ni Kenny ang matagal na niyang pangarap… ang makitang muli ang taong gumabay noon sa kaniya at nagbigay ng dahilan upang makamit niya ang lahat ng mayroon siya ngayon.