Mahiya Ka Naman, Magbabang Luksa Ka Naman!

Wala pa mang isang buwan ay napagpasyahan nang lumuwas pabalik ni Mayeth sa kaniyang probinsya. Hindi na kasi niya kaya pang manatili sa lugar ng kaniyang asawa.

“Anak, hindi mo naman kailangan umalis. Pamilya pa rin naman tayo, hindi ka namin papabayaan dito,” wika ni Aling Beth, ang biyenan ng babae.

“Ma, maraming salamat po sa pagtanggap niyo sa akin dito sa pamilya niyo. Alam ko naman pong hindi niyo ako pinapaalis pero ako na po ang magkukusa. Pakiramdam ko po’y hindi ako gagaling dito, hindi gagaling ang puso ko sa tuwing makikita ko ang bawat sulok ng bahay namin. Ang bawat plato na pinagsaluhan namin ni Edwin, ang salas kung saan kami nagsasayaw at naglalambingan. Ang bawat parte ng bahay at ng lugar dito ay si Edwin lamang ang nakikita ko,” sagot ni Mayeth.

“Hayaan mo muna sana na makapagbabang luksa ka man lang dito,” saad muli ng kaniyang biyenan.

“Hindi ko po kaya, patawarin niyo po ako, mama,” umiiyak na pahayag ng babae at saka niyakap ang ale.

Unang pag-ibig niya ang lalaking si Edwin, nakilala niya ito sa trabaho at nang masungkit ng binata ang kaniyang puso ay hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Agad silang nagpakasal at nagsama sa poder ng lalaki. Halos tatlong taon na rin silang mag-asawa ngunit hindi sila binibiyayaan ng supling at kasabay pa rito ang mas malaking dagok sa kanilang pagsasama.

May tumor sa utak ang kaniyang mister at hindi na ito naagapan pa. Halos isang taon din silang nakipaglaban sa sakit ngunit sadyang oras na talaga ng lalaki dahil iniwan na siya nito matapos ang halos limang taong pagsasama nila.

Kaya naman pagkatapos na mailibing ng lalaki ay agad na nagpasyang umalis si Mayeth sa lugar. Pakiramdam kasi ng babae ay hindi siya makakalimot at lalamunin lamang siya ng lungkot at pangungulila kapag nanatili pa sa poder nila Edwin. Kaya kahit na ayaw ng kaniyang biyenan ay lumipad siya pabalik sa mga magulang.

Advertisement

“Anak, pumunta ka sa sayawan mamayang gabi. Huling araw ng pyesta ngayon dito sa atin. Aliwin mo ang sarili mo, alam ko namang ‘yun din ang gusto ni Edwin,” wika sa kaniya ni Aling Carmen, ang nanay ng babe.

“Opo, mama. Salamat dahil tinangap niyo akong muli, hayaan niyo ho. Sa susunod na linggo ay maghahanap na ako ng trabaho,” sagot naman ni Mayeth sa mga magulang.

“Anak, kahit magka-asawa at anak ka pa hindi magbabago ang turing namin sa’yo. Ikaw pa rin ang nag-iisang anak namin, isa pa may ipon pa naman kami ng itay mo kaya kahit hindi ka na muna magtrabaho, hayaan mo munang gumaling ‘yang puso mo,” saad naman muli ni Aling Carmen at saka hinalikan sa ulo ang kaniyang anak.

Pinilit ni Mayeth na maibaling ang kaniyang atensyon sa ibang bagay at maging sa ibang tao. Ito rin naman kasi ang hiling ng yumao niyang asawa na huwag siyang magpapakalugmok sa buhay kapag wala na ito. Nakipagkita siyang muli sa dating mga kaibigan at kaklase. Namasyal kung saan-saan sa kanilang lugar hanggang sa makahanap muli siya ng trabaho.

“Hindi ba mali na may relasyon na kaagad tayo? Ano na lang sasabihin ng ibang tao sa akin, ng pamilya ni Edwin at pamilya ko. Parang may mali, Angelo,” saad ng babae.

“Hindi naman natin pinagplanuhan na mahalin ang isa’t-isa, basta na lang ‘yun nangyari. Kung hindi ka pa handa ay nandito lang naman akong mag-iintay sa’yo, walang magbabago sa pagtingin ko,” wika ni Angelo.

Nakilala ng babae ang binata sa kaniyang bagong trabaho sa bayan. Pitong buwan na rin ang nakakalipas simula nang mawala si Edwin at mabilis na nahulog ang loob niya sa lalaki. Halos kahawig at kaugali kasi ito ng yumao niyang mister kaya naman hindi na rin niya napigilan pa ang tuluyang umibig muli.

“Pero, mahal kita,” yakap ni Mayeth sa binata at saka sila naghalikan kahit pa nga maraming tao sa palagid dahil araw ng linggo kaya naman puno ang plaza miranda sa kanilang lugar.

Advertisement

“Mayeth!” sigaw ng isang babae. Pamilya ang boses na iyon kaya mabilis na tumindig ang kaniyang balahibo. Nakita niyang papalapit ang kaniyang nanay at kasama nito ang kaniyang biyenan. Kaya mabilis silang naghiwalay ni Angelo at tumayo.

“Ma,” saad ng babae at biglang natuyo ang kaniyang lalamunan.

“Wala pang isang taon, anak! kasama ko pa naman ang biyenan mo tapos ito ang maabutan namin? Anong meron at bakit nagmamadali ka namang magkaasawang muli? Bakit ka ganyan?” inis na pahayag ni Aling Carmen sabay hampas ng pamaypay sa balikat ng kaniyang anak. Si Aling Beth naman ay nakatitig lamang sa kaniya. Halatang dismayado ito sa nakita.

“Akala ko pa naman nagmamahalan kayo ni Edwin, ‘yun pala ay nakatagpo ka na kaagad ng kapalit niya wala pa man ang isang tao. Sa lugar namin ay parang isang linggo pa nga lang nawawala ang anak ko, pero sa buhay ng asawa niya ay parang napakatagal na. Ang sakit nang nakita ko, Mayeth,” madiing baling ng kaniyang biyenan.

“Hindi naman ho namin plinano ito, sadyang nahulog lamang kami sa isa’t-isa. Hindi kasalanan ni Mayeth ang magmahal, hindi naging kasalanan ang umibig kahit minsan,” mabilis na sumingit si Angelo sa madiing tingin ni Aling Beth kay Mayeth.

“Kung pagba-babang luksa lamang ang gusto niyo ay makakapag-intay naman kaming dalawa. Hindi namin minamadali ang relasyon na ito dahil ginagalang pa rin namin ang mga paniniwala niyo. Pero sana huwag niyo naman hong husgahan ang pag-iibigan namin,” dagdag pa nito.

“Wala kang kaalam-alam sa buhay, Hijo. Bata ka pa, at mukhang mas bata ka pa nga kay Mayeth pero ang dami mo nang sinasabi. Wala kang alam sa buhay may asawa at mas lalong wala pang pundasyon ang buhay mo patungkol sa pag-ibig. Dahil ang pag-ibig ay hindi natatapos sa halik at yakap kung ‘di sa respeto sa bawat pamilya,

“Kung matinong babae iyang si Mayeth ay hindi iyan aalis sa poder namin pero wala kaming nagawa dahil mas gagaling daw siya rito sa lugar ninyo. Ayun naman pala ay naghanap lamang ng mas bata kaysa sa anak ko,” matinis na sagot ni Aling Beth kay Angelo.

Advertisement

“Tama nga ho kayo, mas bata sa akin si Angelo at walang karanasan sa buhay may asawa. Pero ito rin ba ang sukatan para masabing walang mararating ang pag-ibig niya? Pag-ibig namin? na wala na kaming respeto sa inyo? Alam ko hong masama ako sa paningin ninyo sa mga oras na ito dahil hindi ko man lang inantay na lumipas ang babang luksa ni Edwin bago ako lumandi sa iba pero hindi ho natuturuan ang puso,

“Kasi kung natuturuan lamang ang puso ay di sana nung nalaman ko pa lang na iiwan na ako ng anak niyo ay di sana iniwan ko na rin siya. Kinalimutan ko na, tinakbuhan ang masasakit na yugtong iyon para mabuhay ako ng masaya. Pero di ba’t sa bawat daing at bawat luha ng anak niyo ay nandoon ako? Hindi ko ho kayo iniwan at hindi ako bumitaw sa pangako ko sa kaniya dahil mahal na mahal ko ho ang anak niyo,” baling naman ni Mayeth at nanginginig ang boses ng babae.

“Mahal na mahal ko ho ang asawa ko. Pero kung nakikinig man siya ngayon, ito ang hiniling niya sa akin, ang huwag akong malugmok sa lungkot kapag wala na sya. Kaya nang makilala ko ho si Angelo, pigilan ko man pero tumibok na ho ang puso ko. Patawarin niyo po ako kung nakayanan kong magmahal ulit ng ibang tao,

“Pero hindi ibig sabihin nun na wala na ho akong respeto sa inyo dahil kahit ilang lalaki pa ho siguro ang makilala ko ay hinding hindi na mapapalitan pa si Edwin sa puso ko. Dahil ang lugar na iyon ay hindi na maalis pa, nandito na ho siya at hindi na mawawala pa,” dagdag pa ng babae sabay duro sa kaniyang kaliwang dibdib kung nasaan ang kaniyang puso.

“Patawarin niyo ho ako, pero kailangan na naming umalis,” wika pang muli ng babae nang naramdaman niyang nasabi na niya ang lahat ng dapat niyang sabihin.

Hindi naman nakapagsalita pa ang dalawang nanay sa kanilang narinig.

“Balae, pasensya ka na sa anak ko ha. Alam kong medyo mabigat ‘yung mga binitiwan niyang salita. Hayaan mo pagsasabihin ko rin,” nahihiyang saad ni Aling Carmen kay Aling Beth.

“Alam mo, tama naman si Mayeth. Tama lamang ang ginawa niya, hindi siya nakinig sa akin. Masaya akong may tapang siyang natira para maging masaya. Ako kasi noon ay wala nang ginawa kung ‘di ang umiyak ay asikasuhin naman si Ediwn simula nung nabalo ako. Alam ko ang lungkot at hirap ng pagiging mag-isa at alam ko rin kung gaano kasarap ang umibig,

Advertisement

“Pinagdamot ko ‘yun lahat sa sarili ko dahil akala ko mas magiging masaya akong sundin ang pamahiin at sinasabi ng ibang tao. Pero sa edad kong ito? Masasabi kong nagsisisi ako na hindi ko pinagbigyan ang sarili kong sumaya nung mawala ang mister ko. Kaya naman hindi ko na ipagdadamot pa iyon sa anak mo,” nakangiting wika ni Aling Beth. Matagal nang balo ang biyenan ni Mayeth, maliit pa lamang ang mister niyang si Edwin ay pumanaw na ang tatay nito.

Hindi na sumagot pa si Aling Carmen at niyakap na lamang ang babae. Sa kabilang banda naman ay hindi naghiwalay ang dalawa, pero hindi rin sila nagsama muna. Iginalang pa rin ni Mayeth ang babang luksa ni Edwin bago nila itinuring na opisyal ang kanilang relasyon.

Hanggang sa unti-unti saka nila inilabas sa publiko at sa mga kamag-anak ang pag-ibig nilang hahamakin ang lahat maging sino ka man. Ngayon ay matanda na rin sina Mayeth at Angelo ngunit sila pa ring dalawa. Masaya at mahal na mahal pa rin ang isa’t-isa.