Ang Babae Sa Call Center

“Saan po kayo?” tanong ng guwapong receptionist kay Juliet.

“Sa 14th floor po,” magalang niyang sagot.

“Mag-iwan na lang kayo ng ID saka paki-sign na lang po dito,” sabi ng lalaki sabay abot ng Visitor’s Log sa dalaga.

Maraming tao ang nakatayo sa harap ng reception desk sa gusaling iyon sa Ortigas. Lunes kasi kaya busy ang lahat ng mga tao. Marami at iba-iba ang nilalakad. At tulad ni Juliet, marami rin ang nagbabakasakaling makahanap ng trabaho.

“Nasa dulo po ang elevator lobby,” wika ng receptionist matapos mag-abot ng isang ID.

Dahan-dahan siyang naglakad papunta sa elevator lobby. Kumakabog ang dibdib niya sa kaba. Ito kasi ang unang pagkakataon niyang mag-apply ng trabaho. Tatlong buwan pa lang kasi ang nakakalipas ng grumaduweyt siya sa kolehiyo.

Nursing ang tinapos niya ngunit dahil wala namang alam na mapapasukan ay sinubukan niyang mag-apply sa call center. May ilan kasi siyang mga kaklase na nakapasok sa mga call center at malaki daw ang sahod.

Pinagmasdan ni Juliet ang mga tao na naghihintay sa elevator lobby. Lahat naka-damit pang-opisina.

Advertisement

Pagbukas ng isang elevator ay mabilis na nag-unahan ang mga tao sa pagpasok. Wala na rin siyang nagawa kundi ang makipagsiksikan. Sa loob, tahimik lang ang lahat. Lahat naghihintay sa pagtigil ng elevator sa kani-kanilang mga palapag.

Naka-ilang tigil din ang elevator bago ito huminto sa 14th floor. Dahan-dahang lumabas ang dalaga, dama ang pawis sa kanyang noo. Lumapit siya sa guwardiya na nakaupo sa isang desk.

“Mag-aapply po sana,” mahina niyang sabi.

“Pirma na lang kayo dito ma’am,” tugon ng guwardiya habang itinuturo ang visitor’s log na nasa ibabaw ng mesa. Pagkatapos pumirma ay binuksan ng guwardiya ang pintuan ng call center.

Pagpasok ni Juliet ay natuwa siya ng makitang wala pang ibang aplikante maliban sa kanya. Bahagyang nabawasan ang kaba niya. Alam niya kasing ma-iilang siya kapag may mga kasabay siyang magaganda ang damit at magagaling mag-Ingles. Huminga siya ng malalim at lumapit sa receptionist, na nakatayo at nakatalikod sa kanya na para bang may ginagawa.

“Good morning, ma’am. I would like to apply for a Technical Support position,” sabi niya rito.

Hindi kumibo ang receptionist. Nakatalikod pa rin ito sa kanya, mukhang abala sa ginagawa.

“Excuse me, ma’am,” sinimulan niyang muli. “I would like…”

Advertisement

Hindi niya naituloy ang sasabihin dahil biglang itinaas ng receptionist ang kanang kamay nito at pagalit na itinuro ang mga bakanteng upuan para sa mga aplikante.

“Ang sungit naman nito,” naiinis niyang bulong sa sarili.

Umupo siya sa isa sa mga bakanteng upuan habang ang receptionist ay bumalik sa kung ano man ang ginagawa nito. Makalipas ang ilang minuto ay biglang tumigil ang receptionist sa ginagawa.

Mabilis itong naglakad at nagmamadaling pumasok sa isang pintuan malapit sa kanyang desk. Hindi niya alam kung ano ang kanyang iisipin. Tinitigan lang niya ang saradong pintuan kung saan pumasok ang babae.

“Oh, are you an applicant?”

Nagulat si Juliet sa narinig na boses. Lumingon siya at nakita niya ang isang babae na palabas sa pintuan ng isang opisina na nasa bandang kaliwa niya.

“Y-Yes, ma’am. I am,” taranta niyang sagot.

“Have you been waiting for long?” tanong ng babae habang mabilis na naglalakad papunta sa reception desk.

Advertisement

“Not really. Just for a few minutes.” saad niya.

“Oh, I’m sorry about that. We’re just so busy today. Anyways, kindly fill-up this form and when you’re done, submit it to me with your resume,” nakangiting wika ng babae habang inaabot ang isang application form.

Bumalik siya sa upuan dala-dala ang hawak na papel. Matapos niya itong fill-up-an ay kumuha siya ng isang resume mula sa kanyang bag.

“Are you done?” tanong ng babae ng lumapit siya sa reception desk.

“Yes,” nakangiting sagot niya.

“Okay! Just take a seat and we’ll call your name in a few minutes,” Tumayo ito mula sa pagkakaupo at pagkatapos ay bumalik sa kuwartong pinanggalingan nito kanina.

Hindi pa lumilipas ang isang minuto ay biglang lumabas ang babaeng receptionist mula sa pintong pinasukan nito kanina, na sa tingin niya ay iyon ang opisina nito. Nakangiti na ang babae at mukhang hindi na abala. Maputi ito at maganda, puwedeng maging isang modelo.

“Are you Juliet?” tanong nito sa kanya.

Advertisement

“Yes, ma’am.”

“Please follow me,” masayang sabi ng babae sabay talikod. Mabilis niyang sinundan ang babae na muling pumasok sa opisina nito.

“Please sit down,” sabi ng babae na nakaupo na sa desk nito. Hawak nito ang resume niya, “I’m Fretzie, by the way.”

Mabilis na naupo si Juliet sa bakanteng upuan na nasa harap ng mesa at kinamayan ang babae. Bumalik ang kanyang kaba. Nararamdaman niya ang bilis ng tibok ng kanyang puso. Pinagpapawisan din siya kahit na airconditioned pa ang buong palapag na iyon.

“So, tell me. Why do you want to work in a call center?” masaya ngunit seryosong tanong ng babae.

Dahan-dahan siyang huminga ng malalim, hindi pinahahalata na kinakabahan siya. Pagkatapos ay sinagot niya ang tanong ng babae, na makailang ulit din niyang prinaktis.

“The call center industry is one of the most in-demand industries here in the Philippines. It presents its employees with opportunities to learn, to grow, and to help others. One can say that it’s not just a job, but a career. And I want to be a part of that.”

“Good. Have you ever killed somebody?” seryosong tanong ng babae.

Advertisement

Hindi nakasagot si Juliet. Ipinagtaka niya kung bakit napunta sa ganoong tanong ang babae. Hindi niya tuloy alam kung ano ang sasabihin.

Lumipas ang ilang minuto. Nakatingin lang siya sa babaeng nag-iinterview sa kanya. Walang kaingay-ingay sa loob ng opisina.

Nang hindi siya makasagot ay bigla na lamang napahalakhak ng malakas ang babae. Tawa ito ng tawa na para bang wala ng bukas.

“You’re just like them. All of you are the same,” nakangiting sabi nito sabay kinuyumos ang kanyang resume at ibinato sa kanya, mabuti na lamang at nakailag siya.

“I hate you! I’m gonna kill you! I’m gonna do what you did to me! sigaw ng babae sabay tayo. Nanginginig sa galit ang babae. Kitang-kita ni Juliet ang mga ugat sa leeg nito. Matalim ang pagkakatitig sa kanya ng babae na punong-puno ng pagkamuhi ang mga mata nito.

“I’m gonna kill you! I’m gonna do what you did to me!” Sa pagkakataong iyon ay bigla siyang sinunggaban ng babae. Bumagsak siya sa lapag at isang sigaw ang pumuno sa loob ng saradong opisina.

“What are you doing here? How did you get in?”

Binuksan ni Juliet ang kanyang mga mata. Nakahiga siya sa lapag, nakadepensa ang kanyang mga braso sa kanyang mukha. Nakabagsak ang upuan sa gilid niya. Tumingala siya at nakita ang babaeng kausap niya kanina sa reception area.

Advertisement

Bigla siyang napabalikwas. Nagmasid siya sa paligid. Siya lang at ang babae ang tao sa kwartong iyon. Walang bakas ng babaeng nag-interview sa kanya kanina. Mabilis siyang tumayo, hindi pansin ang panginginig ng binti.

“Didn’t I tell you to wait for us to call you? What are you doing here?” galit na tanong ng babae.

Hindi alam ni Juliet ang sasabihin. Pinulot niya ang bag na nasa lapag at pilit na inayos ang nagulong buhok.

“Don’t tell me…” sabi ng babae nang makita ang maputla niyang mukha, “Did something happen?”

Tinitigan niya ang babae, hindi alam kung paano ikukuwento ang nangyari.

“I was being interviewed by this…” hindi niya maituloy at napapahikbi na lamang siya.

Tiningnan lang siya ng babae. Para bang alam na kung ano ang nangyari sa kanya.

“W-Was it Fretzie?” tanong nito na biglang namutla din.

Advertisement

Nagulat siya sa sinabi ng kausap. Hindi niya alam kung paano nito nalaman ang bagay na iyon.

“So, nagpakita na rin siya sa iyo? Honestly, matagal na siyang nagpaparamdam dito. Dati siyang empleyado sa kumpanya na walang awang pinagsamantalahan at kinitlan ng buhay ng mga di kilalang salarin dito mismo sa gusali na ito. Walang nakaalam sa krimen dahil sa basement ng gusali iyon nangyari at wala doong CCTV. Mula noon ay palagi na siyang nagpapakita sa mga aplikante at nananakot at ikaw ang isa sa mga pinagpakitaan niya,” bunyag ng babae.

Kinilabutan si Juliet sa kanyang nalaman. Ang tangi niyang nagawa ay ipinikit ang kanyang mga mata at taimtim na nanalangin para sa ikatatahimik ng kaluluwa ng babaeng nagpakita sa kanya.

Nakaranas man siya ng kababalaghan sa araw na iyon ay nanatili pa rin siyang matatag at umaasa na matatahimik rin ang kaluluwa ni Fretzie at makakatawid din ito sa kabilang buhay kung saan ito nararapat na mapunta.