Saan Ka Ba Pumupunta?

“Aira,” tawag ng kanilang branch manager na si Maʼam Sara kay Aira habang siyaʼy nagmamadaling magligpit ng puwesto sa opisina.

“Yes, maʼam?” ang mabilis naman niyang tugon na panandalian munang inihinto ang ginagawa.

“Lunch break na. Sumabay ka na sa amin kumain. Treat ko ngayon, dahil may announcement sana akong gustong sabihin,” pag-aalok nito sa seryosong tono.

“Naku, maʼam, sorry po. May lalakarin po kasi ako ngayong araw, e. Okay lang po bang ipagtanong ko na lang sa mga kasamahan ko mamaya kung ano po iyong annoucement nʼyo? Pasensiya na po talaga, maʼam,” may pag-aala namang sagot ni Aira noon sa kaniyang boss na biglang napakunot ang noo.

“Saan ka ba pumupuntaʼt kailan man ay hindi ka pumayag na sumabay sa aming kumain?” May inis na sa tono nito.

“Pasensiya na po talaga, maʼam. May mga kasabay na ho kasi akong kumain tuwing tanghalian kaya ho hindi ako nakakasabay sa inyo. Babawi na lamang ho ako. Susubukan ko hong humabol mamaya,” buong pusong paghingi na lamang ni Aira ng paumanhin sa kaniyang naiinis na boss.

Nang makaalis si Aira sa kanilang opisina ay sabay singit naman ng dalawa sa kaniyang mga kasamahan.

“Naku, maʼam, grabe talaga ʼyang si Aira. Hindi ho iyan marunong makisama sa amin. Napakasungit at napakaisnabera,”sulsol ng isa kay Ma’am Sara.

Advertisement

“Oo nga, maʼam. Parang pinandidirihan tayo! Akala mo kung sino!” paninipsip naman ng isa pa.

Alam kasi ng mga ito na aalis na ang kanilang branch manager at naghahanap ito ng papalit sa kaniya. Si Aira ang isa sa pinakaepektibong empleyado ng kanilang kumpanya kaya naman ang dalaga rin ang napipisil nitong i-promote. Kung galing at sipag lang kasi ang pag-uusapan ay wala na talagang papantay rito. Idagdag pa ang napakagagandang ideas na laging naiko-contribute ni Aira at ang pagiging matapat nitong empleyado.

Hindi sumagot ang kanilang branch manager, bagkus ay nag-isip itong sundan ang dalaga.

“Saan nga ba kasi pumupunta ang empleyado kong iyon?” sa isip-isip nito.

Minabuti na munang ikansela ni Maʼam Sara ang kanilang meeting upang pagtuunan ng pansin ang pag-alam ng ginagawa ni Aira. Bukod kasi sa talagang naku-curious siya ay ito lang ang paraan upang makapagdesisyon siya nang tama kung itutuloy ba niya ang pagpo-promote kay Aira.

Sakay ng kaniyang kotse ay sinundan ni Maʼam Sara si Aira, hanggang sa huminto ito sa isang fast food chain at um-order ng sandamakmak na pagkain.

“Saan naman kaya dadalhin ni Aira ang napakaraming pagkaing ʼyon?” natanong ni Sara ang kaniyang sarili.

Laking gulat na lamang niya nang makitang masayang tinungo ni Aira ang isang kumpol ng mga batang yagit, o iyong mga batang lansangang marurumi at pawang mga walang sapin sa paa. Iyong mga batang animo mga pinabayaan ng magulang. Isa-isang inabutan ni Aira ng pagkain ang mga ito nang nakangiti, pagkatapos ay nakiupo pa ang dalaga sa sahig at sinabayang kumain ang mga ito nang may ngiti sa labi.

Advertisement

Tila natunaw naman ang damdamin ni Maʼam Sara sa nakitang gawain ng kaniyang napakabuti palang empleyado. Talagang naging sobrang laki ng pag-hanga niyaʼt respeto.

Kinabukasan ay agad na tinipon ni Maʼam Sara ang kaniyang mga empleyado, isang oras bago ang kanilang lunch break upang hindi niya masira ang plano ni Aira para sa araw na iyon.

“Okay, guys… mag-a-announce na ako, habang maaga, dahil baka hindi na naman makasama si Aira sa atin mamayang lunch break kapag akoʼy manlilibre na…” Bahagyang nagtawanan ang ilan sa mga empleyado habang si Aira naman ay napayuko.

“Hindi na ako magpapaliguy-ligoy pa… gusto ko lang sabihin na ako ay mag-e-early retirement na at isa sa inyo ang napipisil kong pumalit sa akin.”

Dinig ang naging bulungan ng mga empleyado matapos ang announcement na iyon ni Maʼam Sara.

“Sa totoo lang, noong una ay nagduda ako sa kaniya. Nainis nga ako, dahil ni minsan ay hindi niya ako pinagbigyan sa mga request ko, iyon pala ay may maganda siyang dahilan. Isa siya sa pinakaepektibong empleyado ng kompanyang ito. Isa siya sa pinakamasipag, pinakamatalino at pinakamagaling… ngunit alam nʼyo kung ano ang pinakanagustuhan ko sa kaniya? Iyon ay ang pagiging mabuti niyang tao. Kaya naman naniniwala akong deserving siyang pumalit sa akin bilang branch manager nʼyo…” mahaba at makabagbag damdaming saad ni Maʼam Sarah na nagpabuhay ng kyuryosidad ng mga empleyado.

“Maʼam, sino po ba iyan?” hindi nakapagpigil na tanong ng isa.

Ngumiti si Maʼam Sara at masayang bumaling sa hanggang ngayon ay nakayuko pa ring si Aira. Nilapitan niya ito at laking gulat na lamang ni Aira nang kamayan siya ng kaniyang boss.

Advertisement

“Congratulations, Aira, you deserve this promotion. Sobra mo akong pinahanga sa magaganda mong gawain.”

Malaking biyaya ang naging kapalit ng araw-araw na pagbibigay ng pag-asa ni Aira sa mga kapus-palad na batang noon ay kinaaawaan niya. Ngayon ay mas marami na rin sa kaniyang mga kasamahan ang naengganyong sumama sa kaniyang simpleng adhikain. Sana ay dumami pa ang katulad ng dalagang ito na talaga namang maituturing na huwaran. Isang bagong bayani na marami ngayong nangangailangan.