Ang Karma ng Isang Kabit

“I love you bhe! See you soon!”

Kinikilig na ibinaba ni Selina ang kaniyang cellphone pagkatapos ang pakikipag-usap sa kasintahang si Wilfred. Nahiga siya sa kama na tila ba nangangarap sa alapaap. Sa susunod na araw, magkikita sila si Wilfred kaya kailangan niya itong paghandaan. Tiyak na mapapalaban na naman ang kaniyang “pechay”.

Pumasok sa kwarto ang kaniyang roommate na si Annie. Katatapos lamang nitong maligo. Tumapat sa giray at maalikabok na bentilador at kinuskos ng malaking tuwalya ang basang buhok.

“Kilig pechay na naman te? Si Wilfred no?” untag nito.

“Oo te. Magkikita kami sa susunod na araw. Mapapalaban na naman ako,” kinikilig na tugon ni Selina. Kinuha nito ang isang unan at niyakap.

“Ingat ka lang te. Baka mahuli ka ni Tisay,” ang tinutukoy na tisay ni Annie ay ang asawa ni Wilfred na si Beau.

“Maingat naman kami ni Wilfred. Saka hindi naman kami tatagal ng isang taon kung tanga kami diba?” sagot ni Selina kay Annie.

Hindi maintindihan ni Selina ang sarili kung bakit turn on siya sa mga lalaking mas may edad sa kaniya, lalo na kapag may asawa. Sanay maging kabit si Selina. Mas ganado siyang makipagrelasyon kapag alam niyang may sabit ang lalaki. Sa apat niyang nakarelasyong puro may asawa, ni minsan ay hindi pa naman naeskandalo si Selina. Hindi niya hinayaan ang sarili na mahuli ng mga legal na asawa at malagay sa alanganin ang kaniyang pangalan at trabaho. Isa siyang junior supervisor sa isang kompanyang gumagawa ng seasoning o pampalasa. Galing siya sa Romblon at minabuting makipagsapalaran sa Maynila. Upang makatipid, minabuti niyang umupa na lamang sa isang bed space kung saan roommate niya si Annie.

Advertisement

“Balak nga ni Wilfred na ibahay na ako. I mean, kukuha raw siya ng condo para doon na ako titira. Pupuntahan na lang niya ako kapag gusto niya akong makita. Sa palagay mo papayag ako?” tanong ni Selina kay Annie bagama’t may desisyon na rin siya.

“Ikaw… kung sa tingin mo mas okay. Pero ingat ka nga. Baka matinik si Tisay at ma-trace niya iyan. Lagot ka!” paalala ni Annie sa kaibigan.

“Huwag mo ngang mabanggit-banggit na Tisay siya! Kayumanggi man ang kulay ko mas maganda pa rin ako sa kaniya! At mas magaling sa kama!” pagtutuwid ni Selina kay Annie. Morena kasi si Selina kaya naman lahat ay ginagawa niya upang mapantayan man lamang ang pisikal na anyo ni Beau.

Dahil napakaputi ng legal na asawa ni Wilfred, nakaramdam ng insecurity si Selina sa kaniyang sarili. Ayaw niyang matalbugan. Gusto niya, siya ang hahanap-hanapin ni Wilfred. Nang makita niya si Beau nang minsang sundan niya si Wilfred, tinandaan niya ang paraan ng pagporma nito. Sinikap niyang bumili ng mga murang damit sa ukay-ukay na kagaya ng mga damit na isinusuot ni Beau upang mapantayan niya man lamang ito.

Sunod na ginawa niya, bumili siya ng mga lotion at sabon na may pampaputi. Dalawang beses kung magpahid siya ng lotion na may sangkap na glutathione upang mapabilis ang pagputi. Pursigido siyang matalbugan ang asawa ni Wilfred sa lalong madaling panahon.

Kaya naman, tuwang-tuwa siya nang may magtayong isang derma clinic sa kanilang lugar na nagbibigay lamang ng murang facial at whitening para sa mga gaya niyang nagnanais na magpaputi. Agad siyang nagtungo rito upang magpafacial.

Matapos ang session, binulungan siya ng doktor.

“Baka gusto mong padagdagan ang dibdib mo. Tuturukan lang natin ng silicon. 2,500 piso lang sa bawat session,” alok sa kaniya ng doktor.

Advertisement

Namilog ang mga mata ni Selina. Naisip niyang mas gaganda siya kung padadagdagan niya ag kaniyang dibdib. Naalala niyang hindi gaanong malaki ang hinaharap ni Beau. Hindi na nagtanong, agad na pumayag si Selina sa alok ng doktor na maturukan ang kaniyang dibdib ng silicon upang mas lumaki pa ito. Bukod dito, nagpaturok din siya ng glutathione. Wala siyang pakialam kung mamulubi siya sa paggastos. Ang mahalaga, mas gumanda pa siya sa paningin ni Wilfred.

Isang linggo ang lumipas at nakita na nga ni Selina ang malaking pagbabago sa kaniyang dibdib. Bagama’t may nararamdamang kirot, hindi na iyon ininda pa ni Selina. Bumalik siya sa doktor upang muling padagdagan ng silicon ang kaniyang dibdib.

Makalipas ang halos isang buwan, nakaramdam ng pananakit ng dibdib at balat si Selina. Halos mamatay siya sa labis na sakit at kirot ng kaniyang dibdib. Hindi rin siya pumuti sa glutathione na ipinaturok niya. Sa halip, naglabasan ang napakaraming mga pantal sa kaniyang katawan, na sa labis na kati ay nagdurugo kapag kinamot.

Agad na nagpakonsulta si Selina sa manggagamot. Napag-alaman niyang nabubulok na pala ang kaniyang dibdib dahil peke pala ang silicon na itinurok sa kaniya, gayundin ang gluthathione. Kinailangang operahin at tanggalin ang dalawang dibdib ni Selina dahil nabubulok na ang mga ito, at maaaring pagmulan ng mas malalang sakit. Imbes na kuminis, nasira din ang balat ni Selina dahil nagkasugat-sugat ang kaniyang balat at nag-iwan ng napakaraming peklat.

Tinangkang ihabla ni Selina ang doktor sa derma clinic subalit bigla na lang itong nawalang parang bula. At doon, natuklasan niyang marami pala silang nabiktima nito.

Sising-sisi si Selina sa mga nangyari gayundin sa lahat ng mga kasalanan niya sa buhay, lalo na sa pakikiapid. Pakiramdam niya, karma niya ito at parusa ito ng Diyos sa kaniya. Nakipaghiwalay siya kay Wilfred at sinikap na magpakatatag at magbagong-buhay sa piling ng kaniyang pamilya sa Romblon.