Napakagaspang ng Pagtrato Niya sa Ama Hanggang sa Bawian Ito ng Buhay, Ito rin ang Ginawa sa Kanya ng Sariling Anak
Inis na inis na naman si Bonnie dahil panay na naman ang tawag sa kanya ng ama mula sa kwarto nito.
“Nag-iinarte na naman itong matandang ‘to!” padabog niyang binuksan ang kwarto nito at tinanong, “Ano na namang kailangan mo, ‘Tay?!”
“Bonnie nagugutom ako…” nanghihinang sabi nito.
“Ay wala nang pagkain! Palagi kang gutom!” pinagdabugan niya ito ng pinto.
Kinabukasan ay papasok na siya sa trabaho nang may biglang maalala. Nagtungo siya sa ref at kinuha doon ang mga pagkaing kakabili niya lang sa grocery. Nilagay niya ito sa cabinet at sinusian iyon.
Maghapong nagtrabaho si Bonnie nang wala man lang pag-aalala sa kanyang ama. Nang makauwi siya ay dala-dala niya ang pagkaing tira niya pa mula kaninang lunchbreak niya, “Pwede na ‘to sa matandang ‘yun. Choosy pa siya, wala na nga siyang trabaho.”
Simula kasi nang magkasakit ito ng diabetes ay nanghina na at hindi na rin nakapagtrabaho pa. Kaya naman pasanin na ni Bonnie, hindi lamang pagkain nito, kundi pati na mga kailangan nitong pang-medisina.
Ngunit ganoon nalang ang pagkabigla niya nang maabutang wala ng buhay ang kanyang ama sa kama nito. Hindi niya alam kung bakit walang luhang pumatak sa mga mata niya nang oras na iyon.
Ilang taon ang lumipas at nagkaroon ng sariling pamilya si Bonnie. May dalawa siyang anak sa asawang iniwan niya dahil sa pagkababaero nito. Siya mag-isa ang bumuhay sa anak niyang sina Bella at Arman.
Masaya naman siyang napagtapos niya ng pag-aaral ang pareho niyang anak. Yun nga lang ay nagkasakit na siya sa kakatrabaho nang sapitin niya ang matandang edad. Dahil doon ay inasahan niyang aalagaan siya ng kanyang mga anak. Ngunit ganoon nalang ang pagkabigo niya nang mag-asawa nang maaga ang kanyang panganay na si Bella.
“Arman, anak ikaw nalang aasahan ni nanay ha? May-sakit na ako at hindi na kayang magtrabaho, sana matulungan mo ako anak.”
Ngunit imbes na sagutin siya nito ay tumayo ito ay pinagdabugan siya ng pinto, “Saan ka pupunta anak?”
“Aalis! Hindi na ako makasama sa gimik ng barkada ko kakaalaga sayo!” pagalit na sagot nito.
Nalungkot siya sa sinabi nito, “Anak, nagugutom ako. Saan mo iniwan ‘yung pagkain?”
“Ewan ko!”
Pagkaalis nito ay wala siyang naabutang pagkain sa mesa. Kaya naman tiniis niya ang gutom hanggang sa makauwi ang anak niya. Wala na siyang pera dahil binubuhay lang siya ni Arman. Ngunit hindi naman siya nito iniiwanan ng pera o pagkain man lang.
Kinagabihan ay napaluha siya nang todo nang makita ang kanyang anak na si Arman na dahan-dahang naglalakad at hinahalungkat ang napakaraming pagkain sa cabinet na may susi.
Doon niya naisip lahat ng ginawa niya sa kanyang ama noon. Labis-labis ang paghingi niya ng tawad, “Tay, sorry. Ngayon naranasan ko na lahat ng pinaranas ko sa inyo noon. Patawarin niyo ako, ‘tay.”