Inday TrendingInday Trending
Siniraan ng Babaeng Ito ang Kaibigang Palaging Tumutulong sa Kaniya; Laking Pagsisisi Niya nang sa Susunod ay Wala na Siyang Maaasahan pa

Siniraan ng Babaeng Ito ang Kaibigang Palaging Tumutulong sa Kaniya; Laking Pagsisisi Niya nang sa Susunod ay Wala na Siyang Maaasahan pa

“Besty, p’wede bang tulungan mo naman ako? May problema kasi…” nangingiming sabi ni Aira sa kaibigang si Catherine, isang araw na nagkayayaan silang magkita.

“Ano ’yon?” Agad namang bumakas ang pag-aalala nito para sa kaniya.

“Bagsak kasi ako sa isang subject, besty. Paano kasi, hindi ko nagawa ’yong ibang project ko dahil nawala sa isip ko ang mga ’yon—”

“Dahil sa kapa-party mo kasama ’yong mga kaklase mo?” putol naman ni Catherine sa sana’y sasabihin niya. Hindi naman nakasagot agad si Aira kaya’t napabuntong-hininga na lang si Catherine. “Masamang impluwensya ang mga ’yon sa ’yo, Aira! Bakit ba sama ka pa rin nang sama sa kanila? Pinababayaan mo na ang pag-aaral mo,” mahinahon pang panenermon sa kaniya ni Catherine na hindi naman nagustuhan ni Aira.

“Masiyado ka namang maraming sinasabi! Sabihin mo na lang kung ayaw mo akong tulungan! Dada ka pa nang dada d’yan!” bulyaw niya sa kaibigan.

Napanganga si Catherine sa narinig na sinabi niya. “Galit ka pa ngayon, Aira? Concerned lang ako sa nangyayari sa ’yo! Saka, kailan ba kita hindi tinulungan? Hindi ba’t lagi naman akong nandiyan para sa ’yo?!”

Sa pagkakataong ito ay si Aira naman ang napasinghap. “So, isinusumbat mo sa akin ’yan ngayon?!” anas niya. “Kung ayaw mo akong tulungan, edi huwag!” Pagkatapos ay nilayasan niya si Catherine.

Simula noon ay hindi na kinausap pa ni Aira si Catherine kahit pa nagpakumbaba na sa kaniya ang kaibigan. Bukod doon ay nagawa niya ring siraan si Catherine sa kanilang mga kakilala. Nagpakalat siya ng mga balita tungkol kay Catherine na malayo sa katotohanan, kaya naman nang malaman iyon ng kabilang panig ay tuluyan na itong nagalit sa kaniya.

Nasaktan nang sobra si Catherine sa ginawa sa kaniya ni Aira. Halos ginawa niya na ang lahat para sa kaibigang ito ngunit nagawa pa rin siyang siraan nito sa ibang tao dahil lang sa isang simpleng tampuhan. Dahil doon ay hindi na nangimi si Catherine na putulin ang anumang ugnayan nila ni Aira, lalo na ay ni hindi ito nagpapakita ng pagsisisi man lang sa ginawa nito sa kaniya.

Tumagal nang ilang buwan ang hindi pagpapansinan nina Aira at Catherine dahil hindi kailan man nagpakumbaba si Aira… hanggang sa isa na namang problema ang kinaharap niya.

Nasangkot si Aira sa kaso ng paggamit ng bawal na gamot dahil sa kaniyang mga kaklase, kahit na ang totoo ay hindi naman niya iyon ginawa. Hindi niya alam ang gagawin niya. Siguradong pag nalaman ito ng kaniyang mga magulang ay malilintikan siya! Alam niyang walang ibang makatutulong sa kaniya ngayon kundi si Catherine.

Dahil doon ay nagpasiya si Aira na tawagan ang matalik na kaibigan na noon ay laging nariyan kapag siya ay may kailangan. Humingi siya ng tulong dahil may mga kapamilyang abogado si Catherine at siguradong matutulungan siya ng mga iyon.

“Cath, pasensiya ka na kung tumawag ako. Kailangan ko kasi ng tulong mo…” bungad ni Aira sa kabilang linya. Wala naman siyang narinig na sagot kaya naman nagpatuloy lang siya. “Nasa presinto kasi ako. Ilabas mo naman ako rito, o! Hindi ba at may tito kang abogado? P’wede bang—” Ngunit bago pa man mabuo ni Aira ang sasabihin ay binabaan na siya ng telepono ni Catherine! Tumanggi itong tulungan siya at alam ni Aira na wala siyang ibang dapat sisihin kundi ang kaniyang sarili. Inabuso niya ang kaibigan, ngayon ito ay nagsawa na.

Sinayang niya ang samahan nila dahil lang sa isang simpleng hindi pagkakaunawaan at ngayon ay wala na sjyang ibang aasahang aayos sa mga gulong pinasukan niya kundi siya. Sising-sisi si Aira dahil napagtanto niyang hindi niya pala kaya kapag wala ang kaibigan, pagkatapos ay ganoon pa ang isinukli niya rito.

Sinubukan namang humingi ni Aira ng pasensiya kay Catherine pagkatapos nito, ngunit hindi na rin bumalik sa dati ang samahan nila. Wala nang ibang magagawa pa si Aira kundi tanggapin dahil alam niyang ang lahat ng iyon ag kasalanan niya. Ganoon pa man, umaasa pa rin si Aira na balang araw ay muli silang magkakaayos ni Catherine nang tuluyan. Umaasa siyang babalik pa sa dati ang lahat, kahit na ang totoo ay mukhang imposible itong mangyari.

Natutunan ni Aira ang kaniyang leksyon at dahil doon ay unti-unti niyang binago ang kaniyang sarili.

Advertisement