Hinabol ng Dalawang Pulis ang Tumatakbong Batang Kalye na may Bitbit na Mamahaling Bag; Ikagugulat Nila ang Gagawin Nito Roon

Hinabol ng Dalawang Pulis ang Tumatakbong Batang Kalye na may Bitbit na Mamahaling Bag; Ikagugulat Nila ang Gagawin Nito Roon

InspiringMiracleStories

Naka-standby ang dalawang pulis na sina Carl at Lito sa gilid ng kalsadang iyon na malapit sa istasyon ng bus kung saan napaulat na talamak daw ang mga isnatser. Sila ang naatasang magbantay sa naturang lugar upang mahuli nila ang mga kawatang nambibiktima ng napapadaang mga tao roon, na karamihan ay mga babae’t matatanda.

Nasa ganoong akto ang dalawang pulis nang mapansin nila ang isang batang kalye na tumatakbo habang hawak ang isang mamahaling bag na pambabae. Marungis ang nasabing bata at nakapaa ito habang binabagtas ang kahabaan ng gilid ng kalsadang iyon. Dahil doon ay agad na naalerto ang dalawang pulis at nagsimulang pumorma upang hulihin ang bata, nang bigla na lang itong lumiko sa isang eskinita. Dali-dali namang hinabol ito ng dalawang pulis.

“Isa yata ito sa mga isnatser na nambibiktima sa lugar, pare,” ani Carl sa kasamahang si Lito sa gitna ng kanilang pagtakbo.

“Mukha nga. Mukhang sanay na sanay din sa pagtakbo ang batang ’to, e!” hingal na hingal namang sagot sa kaniya ni Lito nang kahit anong bilis nila ay hindi talaga nila maabutan ang bata.

“Dapat ay mahuli natin ’to para naman maging goodshot tayo kay hepe,” naisingit pa ni Carl bago sila nagpatuloy sa paghabol sa bata.

Kung saan-saan nakarating ang dalawa sa kahahabol sa maliksing batang ’yon na tila hindi napapagod sa pagtakbo. Sinubukan itong tawagin ni Carl upang patigilin ngunit tila wala itong naririnig at patuloy pa rin sa pagtakas kaya naman lalong tumibay ang hinala ng dalawang pulis na isa ngang kawatan ang batang ito.

“Humanda sa akin ’yang batang ’yan kapag nahuli ko ’yan. Masiyado niya tayong pinapagod!” galit na anas ni Lito maya-maya na nang hindi na makayanan ay tumigil munang saglit sa pagtakbo.

“Oo nga, pare. Pagod na ako!” sagot naman ni Carl.

Iniradyo na ng dalawa sa mga kasamahan ang tungkol sa batang hinahabol nila kaya naman hindi nagtagal ay dumating sa kinatatayuan nila ang police mobile na maaari nilang sakyan upang habulin ang bata. Matapos iyon ay mabilis silang nakarating sa kabilang istasyon ng bus kung saan ito huminto.

Bumaba sina Carl at Lito sa kanilang sinasakyan upang lapitan ang bata na ngayon ay lilinga-linga na sa paligid. “Mukhang dito ang tagpuan nila ng kasamahan niya, pare. Hintayin muna natin,” suhestiyon pa ni Lito kay Carl na agad naman nitong inayunan.

Ngunit maya-maya pa ay biglang huminto sa tapat mismo ng batang kalyeng ’yon ang isang bus. Doon ay mayroong bumabang babae na nagulat naman nang lapitan ito ng bata at iabot dito ang bag. Lumapit ang dalawang pulis upang marinig ang pag-uusapan ng mga ito…

“Naku, hijo! Hindi mo alam kung gaano kahalaga sa akin ang laman ng bag na ito! Pasensiya ka na at hindi ko sinasadyang maiwan ito doon sa kinauupuan ko dahil sa totoo lang ay nawala na sa isip ko ito dahil sa pagod! Kinailangan mo pa tuloy tumakbo para lang maabutan ako!” mangiyak-ngiyak na sabi ng babae sa batang kalye matapos ibigay ng batang iyon ang bag na hawak nito kanina. Biglang nagkatinginan sina Carl at Lito matapos makita ang ginawa ng bata. Tila nagkamali yata sila ng hinala!

“Sa inyo po ’yang bag, ma’am?” pagkukumpirma ni Carl sa babae nang magpasiya silang lapitan ito. Tumango naman ito at ipinakita sa kanila ang I.D. nito na nasa loob ng bag na isinauli ng bata.

“Hinabol pa man din namin itong bata dahil akala namin ay isa siya sa mga pinaghahahanap naming isnatser. Mukhang nagkamali pala kami,” kakamot-kamot sa ulong sabi pa ni Lito.

“P-po? Hala, ser, hindi po ako isnatser!” natatakot na reaksyon naman ng batang kalye. “Ako po si Bitoy Natividad. Nag-aaral po ako sa Barangay Bago Elementary school. Naiwan po kasi ni ma’am ’yong bag niya sa istasyon ng bus kung saan nangongolekta po ako ng mga plastik na botelya ng tubig para maibenta, kaya naisipan ko po siyang habulin at isauli iyon,” paliwanag pa nito.

Tinapik naman ni Carl at Lito nang marahan ang balikat ng bata. “Oo nga, hijo, nakita nga namin. Hanga kami sa ’yo. Maganda ’yang ginawa mo. Dahil d’yan ay may ibibigay kami sa ’yo,” nakangiting sabi pa ng dalawang pulis na agad namang ikinasabik ng bata.

Isinama nila ito sa isang mall at binilhan nila ito ng sapatos, tsinelas at iba pang gamit sa eskuwela dahil talagang naantig ang puso nila sa ipinakita nitong katapatan. Habang ang babae naman na ginawan nito ng kabutihan ay binigyan ito ng malaking halaga ng reward money bilang pasasalamat.

Hindi araw-araw ay nakakakita sila ng ganitong klase ng pag-uugali ng bata kaya naman naisipan nilang suklian iyon. Dahil doon, siguradong hindi mangingiming gumawa ulit ng kabutihan ang bata na tiyak namang kalalakhan nito at maipapasa sa magiging anak nito.

More Stories