
Nilait-lait ng Babae ang Lasa ng Inilutong Putahe sa Kaarawan ng Kanilang Kapitbahay; Mapapahiya pala Siya sa Gagawin
Nakatanggap ng imbitasyon si Annalise sa nalalapit na kaarawan ng kanilang kapitbahay na si Mandy. Invitation card pa lang ay talaga namang sumisigaw na sa karangyaan ang nasabing nalalapit na selebrasyon ng kaarawan nito. Simula kasi nang maging matagumpay sa ibang bansa ang panganay na kapatid ni Mandy ay unti-unti nang umangat ang kanilang buhay, ’di katulad ng buhay na mayroon ngayon si Annalise na mula sa pagiging mayaman ay unti-unting bumagsak sa pagiging mahirap at walang pera.
Nalulong kasi sa sugal ang kaniyang ama at iyon ang naging dahilan upang magsimula nitong mapabayaan ang kanilang negosyo. Bukod doon ay wala naman ni isa sa kanilang pamilya ang nagbigay man lang ng tiwalang kaya silang isalba ng kanilang ina kaya naman mas pinili na lang nilang bumagsak sila nang tuluyan kaysa hawakan ng kanilang ina ang pangangalaga sa naturang kompanya.
Inggit na inggit tuloy si Annalise kay Mandy. Katatapos lang ng pagdiriwang ng kaniyang kaarawan ngunit ni hindi nila kinayang maghanda man lang ng mamahaling mga putahe, ’di ’tulad ng pina-planong iluto ng kanilang mga kapitbahay. Dahil doon, noon pa lang ay may naisip nang ideya si Annalise para lang ipakitang mas angat pa rin siya kaysa sa kaedad na kapitbahay.
Araw ng kaarawan ni Mandy. Isinuot ni Annalise ang pinakamagandang gown na mayroon siya noong mayaman pa sila upang maging agaw-pansin siya sa birthday party ni Mandy. Bukod doon ay maganda rin ang ayos ng kaniyang mukha kaya naman nang dumating siya sa pagdarausan ng party ng mga ito ay halos pagtinginan agad siya ng mga tao.
“Ang ganda mo naman, Annalise!” bati sa kaniya ng isa pang kapitbahay nilang naglalaro din sa edad nila ni Mandy.
Ngumiti naman ng pagkatamis-tamis si Annalise bago siya sumagot. “Salamat! Actually, nagmadali ako papunta rito kaya hindi ako masiyadong nag-ayos. Muntik ko na kasing makalimutan ’tong party na ’to, e,” aniyang may halong kayabangan.
Nagkatinginan ang iba pang taong nakaupo sa mesa kung saan napiling makisalo ni Annalise ngunit hindi naman na kinontra pa ng mga ito ang sinabi niya. Iyon nga lang, habang tumatagal ay palala na nang palala ang sinasabi ni Annalise tungkol sa nagaganap na birthday party ni Mandy…
Halos malaglag naman ang panga ng lahat nang sa wakas ay lumabas na ang birthday celebrant. Biglang nakalimutan ng mga kasama ni Annalise sa mesa ang lahat ng pinagsasabi niyang panlalait sa naturang party nang makita ng mga ito kung gaano kaganda at kaelegante ngayon si Mandy. Dahil doon ay inis na inis lalo si Annalise kaya naman nang magsimulang ihain na ang mga putahe ay nakaisip siya ng bagong pakana!
“Pwe!” anas ni Annalise sa unang kagat pa lang niya sa isang putaheng nakahain ngayon sa harap nila. “Ano ba namang klaseng party ito! Hindi masarap ang pagkain!” sigaw niya pa sa malakas na pagkakasabi. “Walang lasa ito, ’tapos ito naman ang alat! Itong isa naman, kulang sa sahog, parang tinipid. Yuck! Parang masusuka ako sa mga natikman ko!” Walang prenong sabi pa ni Annalise sa malakas na tinig kaya naman nagsimul siyang tingnan ng mga tao. Ganoon na lang ang tuwa niya nang biglang mag-ayunan sa kaniya ang ibang naroon din kahit na ang totoo ay napakasarap naman talaga ng pagkakaluto ng mga iyon.
Sinulyapan niya naman si Mandy at ito ay napapailing sa kaniyang ginawa. Ngunit hindi pa siya kuntento roon kaya nilapitan niya mismo ito. “Sino ba ang nagluto ng mga handa mo? Naku, ipinapahiya niya kayo, e!” sabi niya pa sa birthday celebrant na nang mag-angat naman ng tingin ay tinanong agad siya…
“Gusto mo bang tawagin ko ang taong naghirap na lutuin ang lahat ng ’yan?”
“Aba, siyempre!” sagot naman ni Annalise. “Para naman masabi ko sa kaniya ang mga ginawa niyang kapalpakan dito sa party mo,” aniya pa na ngingisi-ngisi nang senyasan ni Mandy ang katulong.
Maya-maya pa ay umiiyak nang lumabas ang taong sinasabing nagluto ng mga handa ni Mandy… at nang makilala ito ay biglang nawala ang kulay sa mukha ni Annalise. Dahil ang tagapaglutong iyon pala ay walang iba kundi ang kaniyang ina!
“M-mama, a-anong ginagawa mo rito?!” bulalas ni Annalise.
“Tinanggap ko ang alok nilang trabaho para may maidagdag ako sa pangsuporta sa matrikula mo, anak… hindi ko naman akalain na ganito ang kalalabasan ng ginawa ko,” sagot naman nito bagp ito tumakbon palayo.
Kulang na lang ay lumubog sa sobrang kahihiyan si Annalise dahil sa nangyari! Hindi niya naman alam na ang ina niya pala ang nagluto ng mga putaheng iyon! Dahil sa pagiging inggitera niya ay nagawa niya palang sirain nang hindi sinasadya, maging ang sariling ina kaya ngayon ay kinarma siya! Bumalik agad sa kaniya ang karma!
Nang makauwi siya ay agad siyang humingi ng tawad sa ina at dito ay inamin niya kung bakit niya ginawa ang mga iyon. Mabuti na lang at naintindihan siya nito agad ngunit pinangaralan siyang huwag nang uulitin pa iyon na agad namang sinang-ayunan ni Annalise. Sa totoo lang ay malaking leksyon ang natutunan niya sa nangyari. Napagtanto niyang walang magandang maidudulot ang pagpapakain nya sa inggit, dahil sarili lamang pala niya ang ipinapahiya niya dahil doon.