Isa sa pinakamatayog na pangalan ngayon sa kanilang lugar ang babaeng si Imelda. Bukod kasi sa isa na siyang aboagado ngayon ay nakapangasawa rin ito ng isang doktor na ubod ng gwapo.
“Bakit hindi mo na lang pauwiin si Mark dito sa Pinas? Kaya niyo naman na magtayo ng ospital dito sa atin. O di kaya naman maliit na clinic, para naman natututukan mo rin ang propesyon mo,” wika ni Olivia, ang nanay ng babae.
“Ma, we are both professionals. May mga sarili kaming career na hindi namin kayang i-give up just for this marriage. Naniniwala kaming ayos ang relasyon namin sa ganitong klase ng set-up. Wala namang mali sa long distance relationship lalo na kung parehas kayong committed sa isa’t-isa,” mabilis na sagot ni Imelda sa kaniyang nanay.
“Hoy, ikaw nga, Imelda, wag mo ngang ginagamit sa akin ang tono mong pang abogado. Nanay mo ako ngayon at sinasabi ko sa’yo ‘to bilang asawa. Kailangan niyong magsama, para saan pa ang marami niyong pera kung wala naman kayong pamilya?
Kailan pa kayo mag-aanak? Kapag makunat na ‘yung matres mo? Kapag matanda na kayo at manghihina na? Kapag hindi niyo na kayang habulin ‘yung magiging anak niyo kasi hindi niyo na kayang makipagsabayan pa sa bata? Walang kwenta ang propesyon kung walang naman kayong pamilya mauuwian pagdating ng araw,” baling ni Olivia sa kaniya.
“Ma, opo na. Wag niyo na ho akong pagsabihan dahil inaalagaan ko naman po ang asawa ako. Tsaka kinakausap ko rin ho ang matres ko na dapat hindi siya kukunat para mabigyan niya kayo ng apo,” sagot naman ni Imelda rito.
“Isa pa, kapag umuwi naman si Mark dito sa bansa ay magpakasal kayo sa simbahan. Hindi ko gusto na sa US lang kayo kinasal, mas maigi pa rin na magtrahe de boda ka rito at nang maimbitahan naman natin ang mga kamag-anak natin,” dagdag muli ng kaniyang nanay.
“Ma, kasal na kami. Okay na ‘yun. Ayaw ko ng paulit-ulit at isa pa, show off lang naman ‘yun sa mga taong hindi naman makakatulong sa pagsasama namin. Marami na akong kasong nahawakan na kinasal ng bongga tapos waley, naghiwalay lang. Kaya ipaubaya niyo na ho sa akin ang pagsasama namin ni Mark,” pahayag muli ni Imelda sabay haplos sa likod ng ale at niyakap ito.
Nag-iisanga anak lamang si Imelda ng kaniyang mga magulang. Laki sa hirap dahil pagtitinda lamang sa palengke ang ikinabuhay nilang pamilya. Ngunit nang dahil sa pagsisikap ni Imelda ay napagtapos niya ang sarili at naigapang pa niyang matupad ang pangarap na maging abogado. Kaya noong nakapasa ito sa bar nung siya ay 25 anyos ay kaagad siyang lumipad patungo sa ibang bansa para nga katagpuin doon ang matagal na niyang nobyo na si Mark. Nasa kolehiyo pa lamang ito ay magkasintahan na sila ng lalaki. Nakilala niya sa facebook hanggang sa nagkapalagayan ng loob.
Pinoy kasi ang lalaki kaya hindi naging mahirap para kay Imelda na mahulog rito. Nanuluyan siya sa ibang bansa nang halos isang taon rin saka bumalik sa Pilipinas at sinabing ikinasal na nga sila ng lalaki.
Patawid-tawid ang relasyon ng mag-asawa. Salitan sa bawat taon, kung ngayon ay si Imelda ang nagpunta sa ibang bansa, sa susunod si Mark naman dito sa Pilipinas. Hanggang sa nakasanayan na nga nila ito at tumagal na rin ng tatlong taon.
“Atty. Imelda, may kumukuha na naman po sa inyo bilang ninang sa kasal. Kliyente po natin,” wika ni Jennifer, sekretarya ng babae.
“Padalhan mo na ang ng tseke at sabihin mong out of town ako sa araw ng kasal nila,” mapaklang sagot nito sa kaniya.
“A, sige po, Atty. Pwede po bang magtanong?” saad muli ni Jennifer.
Hindi sumagot si Imelda at huminto lamang ito sa kaniyang ginawa saka tinitigan ang sekretarya diretso sa kaniyang mga mata.
“Bakit po hindi kayo nagpupunta ng mga kasal? Kahit sa kasal ng mga kaibigan niyo, parang never pa po kayong um-attend ng kasalan. Nagtatanong lang naman po,” natatawa-tawang pahayag ng babae.
“Mind your own business, okay? Thank you!” baling ni Imelda sa kawawang sekretaryang taga salo ng kaniyang galit sa araw-araw niyang buhay.
Pumapasok sa isang sikat na Law Firm si Imelda at bukod sa napakagaling niya sa loob ng korte ay siya namang nakapahigpit nito sa pagbibigay o pamamahagi ng impormasyon sa kaniyang personal na buhay. Binansagan na nga siyang “Atty. Private Life” sa sobrang kunat nitong magkwento tungkol sa kaniyang sarili.
Hanggang sa nagulat na lamang ang lahat ng pumasok ang isang lalaki.
“Ganito ba talaga kasungit ang asawa ko?” saad ni Mark na mainit-init pang galing sa airport.
“Oh my God! Nandito ka!” masiglang pahayag ni Imelda. Napakasaya ng boses nito na parang batang binigyan ng kaniyang paboritong pagkain. Mabilis na nagyakap ang dalawa at isinarado ang pinto. Salamin naman ang opisina kaya naman kita pa rin ang dalawa.
Nag-usap ito ng masinsinan, napakaseryoso at ang kaninang mukha ni Imeldang masya ay kaagad na napalitan ng kalungkutan. Umalis na rin kaagad si Mark dahil may bibisitahin pa ito, ang kaniyang mga magulang.
Nagpaiwan naman si Imelda sa opisina hanggang gabi, nagpakalunod ito sa alak at tanging si Jennifer lamang ang naiwan sa kaniyang tabi.
“Jennifer? Bakit ba hindi ka pa magresign? Hindi ka ba nahihirapan sa akin?” tanong ni Imelda sa sekretarya na kasama rin niyang uminom ng mga oras na iyon. Pero hindi naman talaga nilalagok ng babae ang alak dahil palagi niyang inaalalayan ito lalo na sa paguwi.
“Idol ko po kasi kayo Atty. matalino, mabait, responsable at isa pa. Napakapogi po pala talaga ng asawa niyo! Ngayon ko lang po siya nakita sa personal,” kinikilig na pahayag ni Jennifer sa kaniya,
“Phew! nakakasuka ang iniidolo mo! Alam mo bang wala akong kwenta? Gusto mo ba talagang malaman kung bakit hindi ako nagpupunta sa kahit anong kasal na iniimbitahan ako?” saad niya Imelda.
“Kasi wala akong kasal!” sinagot naman niya kaagad ang sarili niyang tanong . Nakakunot naman ang noo ni Imelda sa kaniyang nalaman.
“Ha? Kasal po kayo di ba? Sa US tsaka may singsing rin po kayo at isa pa, pinuntahan kayo ng asawa niyong fresh from US,” sagot ni Jennifer.
“Peke lang ‘yung kasal namin,” malungkot na pahayag nito.
“Bata pa lang ako, pangarap ko ng magkaroon ng engrandeng kasal. Magsuot ng magandang gown, sumayaw at magsaya. Pero natapos lahat ‘yun sa mga salitang ‘opo, father, tinatangap ko po si Mark sa hirap at ginhawa blah blah blah,” rebelasyon ni Imelda na siyang nagpalaki sa napakasingit na mata ni Jennifer.
“May asawa si Mark sa ibang bansa. Nung makilala ko si Mark ay magulo na sila ng babae kaya naman nagfile na kaagad siya ng divorce pero ayaw nung asawa niya. Hindi raw niya bibitiwan si Mark,”
“Hanggang sa natutunan kong maging kabit. Natutunan ko ang magtago at makuntento sa mga nakaw na oras sa akin ng asawa ko. Mahal ko e, mahal na mahal ko siya. Baka totoo nga ang sinasabi nila, kapag matalino ka raw sa academics, bokya ka naman sa pag-ibig,” umiiyak na pahayag ng babae.
“Kaya nung umuwi si Mark dito sa Pinas at niyaya niya akong magpakasal, kahit na mali at bawal ay tinanggap ko. Ewan ko ba saan napunta ang utak ko, basta’t sabi niya sa akin ay maghihintay lang raw kami ng divorce nilang mag-asawa para naman maikasal na kami sa simbahan,” dagdag pa ni Imelda sabay lagok ng alak.
“Kaya ayaw kong pumunta sa mga kasalan, kasi ayaw kong malungkot lang lalo dahil sobrang t*nga ng mga desisyon ko sa buhay. Ayaw ko ng mga kasalan kung ako mismo hindi pa maikasal-kasal. Niloloko ko lang ang sarili ko, anga mga tao sa paligid ko, ang mga magulang ko. Lahat kayo! Ginogoyo ko kayong maayos ang lahat sa’kin.
Pinapakita kong magaling ako, pero ang totoo pangtakip ko lang lahat ‘yun sa nga katangahan ko sa buhay. Tanga ako, bobo ang puso ko kaya naman dapat hindi mo ako iniidolo,” at doon na bumagsak ng mga luha ni Imelda. Napakalakas ng hagulgol nito na para bang ngayon lamang siya nakahinga sa lahat ng kasinungalingan.
Hindi na niya namalayan pa kung paano pa siya nakauwi at kung ano pa ang mga nangyari pagkatapos niyang ngumawa sa kaniyang sekretarya.
“Ang sakit ng ulo ko, the f*ck!” saad ni Imelda nang ito ay magising. Nakapikit pa man din ang mga mata nito ay pagmumura na ang kaniyang unang nagawa.
“Hangover ‘yan. Ito ang kape, mahal ko,” wika ni Mark.
Mabilis namang nagising si Imelda mula sa kaniyang kalasingan at mabilis itong tumindig nang magulat dahil puno ng rosas at lobo ng kaniyang kwarto. May karatula pang nakalagay sa kaniyang harapan na “Will you marry me?”
“What the?! Anong pakulo ‘to, Mark? E di ba kaya ka nga umuwi rito para sabihin sa’king hindi pa rin niya pinipirmahan ang divorce niyo? Hindi mo naman ako kailangan pang utuin, tama na ‘yung kunwaring kasal natin. Ayaw ko dagdagan pa,” inis na wika ni Imelda sa lalaki.
“Narinig ko lahat ng sinabi mo kay Jennifer kagabi. At humihingi ako ng kapatawaran sa’yo kung ganun na lang ang naramdaman mo sa relasyon natin. Hindi ka bobo at hindi ka tanga. Wala kang kasalanan sa relasyon na ito dahil ako ang nagdala sa’yo sa gulong ito. Kaya naman hayaan mong ako rin ng maglabas sa’yo. Mahal na mahal kita, Imelda, at wala na akong mahihiling pa sa buong buhay ko kung ‘di ang makasama ka,” pahayag naman ni Mark sabay labas ng mga papeles at ibinigay ito kay Imelda. Doon lamang napansin ng babae na nakapormal na damit ang kaniyang nobyo sabay luhod at inilabas ang singsing sa kaniya.
Pinirmahan na ng asawa ni Mark dati ang divorce paper na siyang surpresa sana ng lalaki kay Imelda. Hindi man siguro nasunod ang plano ni Mark sa sorpresang kasal para sa babae ay mas importante sa kaniyang maramdaman ni Imelda na hindi masasayang ang mga sakripisyo at paghihintay nilang dalawa.
Ikinasal ang dalawa, kapiling ng kanilang mga pamilya at malalapit na kaibigan. Hindi na rin bumalik pa sa U.S si Mark at dito na lang nagtayo ng maliit na ospital na siyang pinagkakaabalahan ngayon ng lalaki dito sa bansa. Makalipas naman ng ilang buwan pagkatapos ng kasal ay nagdalangtao kaagad si Imelda at ngayon ay masayang-masaya. Hindi siya makapaniwala na natupad ang lahat ng kaniyang pangalangin sa Maykapal, hindi man ito ibinigay sa kaniya kaagad ay ibinigay naman sa kaniya ito ng buo at nag uumpaw pa.